CHAPTER 16

6.7K 201 24
                                    

KAAGAD na napatayo sa gilid ng kama ang dalawang dalaga nang makita ang nakasimangot na hitsura ng binata. Lihim pa na napalunok ng laway si Jen at pasimpleng sinilip si Gracia sa gilid ng mata nito.

“Ah, hindi pa po kami tapos mag-usap, sir,” sagot ni Gracia. Kita pa ng dalaga ang mabilis na pag-igting ng panga nito dahil sa naging sagot niya.

Mas lalong nangunot ang noo ni Octavio at matalim na tinitigan ang dalaga. “In my office,” ani nito bago tumalikod at malalaki ang mga hakbang na nilisan ang tapat ng silid niya.

Biglang napaupong muli sa gilid ng kama si Jen na tila pinanghihinaan ng mga kalamnan nito. “Grabe ka! Bakit mo sinagot nang ganoon si sir?” tanong nito.

Nangunot din ang noo ni Gracia, pagkuwa’y kinuha niya ang kaniyang bag at naglakad palapit sa isang kabinet. Binuksan niya iyon at isa-isang sinalansan doon ang iilan niyang damit na dala. “Bakit? E, nagtanong naman siya sa ’tin kung tapos na tayo mag-usap, kaya sinagot ko lang din,” baliwalang saad niya.

Napapailing na lamang na ngumiti si Jen. “Grabe! So ibig sabihin niyon, may kumander na pala ako pagdating kay sir sungit,” wika nito at tumayo sa gilid ng kama. Lumapit na rin ito sa kinatatayuan ni Gracia. Sumandal ito sa pinto ng kabinet. “Huwag kang mag-alala. Back up mo ako lagi.”

Napangiti naman si Gracia. “Kumander talaga? E, takot nga rin ako sa masungit na ’yon. Hay nako! Tama ka nga! Para siyang may regla lagi,” pagsang-ayon niya sa sinabi ni Jen sa kaniya kanina. “Alam mo? Hindi ko talaga maintindihan ang lalaking ’yon. Ibang-iba ang ugali kay Sir Esrael, Sir Judas at lalong-lalo na kay Sir Demetrio. Mababait naman ang tatlong ’yon. Siya lang talaga itong natatanging iba. Alam mo ba kung saan siya ipinaglihi?” idinaan na lamang niya sa pagbibiro ang nararamdamang inis para sa binata. Alam niya, balang araw makagaganti rin siya sa kasungitan ng lalaking iyon. Lintik lang ang walang ganti.

“Sinabi mo pa! Kahit ako hindi ko rin alam kung saan ipinaglihi ’yang si sir sungit, e! Tinatanong ko si lola, pero ang laging sagot sa ’kin . . . mabait ’yang si Octavio. May nangyari lang sa kaniya sa nakaraan niya, kaya biglang naging ganiyan ang ugali niyan,” wika ni Jen na ginaya pa ang pananalita ng abuela ito. Mayamaya ay namaywang ito sa harapan niya. “Lagi ko nga rin iyan ipinapagdasal na sana bukas, mabait na siya. Nakatatakot kasing maglakad-lakad dito sa bahay kapag alam kong nandito rin siya, e,” dagdag pa nito.

“Bakit? Ano raw ang nangyari sa kaniya sa nakaraan?” usisang tanong naman niya.

“Ewan ko kay lola. Basta ang alam ko lang, galit ’yang si sir Octavio sa mama niya magmula no’ng maliit pa siya.”

Wala sa sariling muling napasilip si Gracia sa kaniyang kausap. Kunot ang noo niyang tumitig sa mukha ni Jen. “Galit siya sa mama nila? B-Bakit daw?”

“E, ang sabi ni lola, iniwan ’yang si Sir Octavio ng mama niya sa bahay ampunan noon. Ang sabi raw ng mama niya, babalik din daw ito para kunin si sir, kaya naghintay si Sir Octavio. Hanggang sa, ewan, siguro nakalimutan na yata na may anak itong iniwan doon. Ilang beses na rin daw sinubukan ng mama ni sir na lumapit sa kaniya para magpaliwanag at humingi ng tawad, kaso matigas na si Sir Octavio,” pagkukuwento nito sa kaniya.

Kaya siguro ganoon na lang kasungit ang lalaking iyon dahil may personal palang pinagdaanan. Kahit papaano ay naiintindihan niya ito ngayon. Napabuntong hininga na lamang si Gracia, pagkuwa’y tahimik na ipinagpatuloy ang ginagawa.

“Sige, Gracia, sa kusina muna ako, huh? Sumunod ka na agad kay sir sa opisina niya baka magalit na naman ’yon,” wika pa ni Jen.

“Saan pala ang office niya?”

“Umakyat ka sa second floor. Sa kaliwa, iyong kuwarto na nasa dulo, iyon ang opisina niya.”

“Sige. Salamat, Jen!” nakangiting saad niya bago ito tuluyang lumabas at iniwanan siya.

BRIDE FOR SALETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon