ISANG hapong galing siya sa eskuwelahan ay dinatnan niyang may bisita ang Mommy Dorina niya.
"May bisita ka, Mommy?" aniya matapos humalik sa pisngi ng ina. Sinulyapan ang lalaking bisita ng ina na nakaupo sa katapat na sofa.
"Siya si Anselmo, Judy," ani Dorina sa pormal na tinig. Pagkatapos ay nakangiting binalingan si Anselmo. "Ansel, si Judy Siya ang anak na sinasabi ko sa iyo."
Tumayo ang lalaki na sa tingin ni Judy ay nasa kuwarenta y nueve ang edad. Mestisuhin at magandang lalaki bagaman may katabaan ng kaunti.
"Muy hermosa," nakangiting wika nito na inabot ang kamay kay Judy na alanganing tinanggap ng dalagita. Sinulyapan ang ina na nawala ang ngiti. "At mataas sa edad na desi-sais. Parang dalagang-dalaga na."
Tumikhim si Dorina. Hinila ni Judy ang kamay mula sa pagkakahawak ni Ansel.
"Tutuloy na ako sa itaas, Mommy. Nandiyan ba ang lolo?"
"Ay naku, 'ayun at sinundo ng kumpare niya. Sige na..."
"Hindi mo ba sasabihin sa anak mo ang tungkol sa atin at sa plano natin, Dorina?" Si Anselmo na nagpahinto sa dalagita sa paghakbang patungo sa hagdan.
Tungkol sa atin? Plano?
"Kunsabagay ay malalaman mo rin naman, Judy, kaya mabuting ngayon na nga namin sabihin. Maupo ka." Itinuro m Dorina sa kanya ang isang bakanteng sofa. Wala sa loob na naupo roon ang dalagita na unti-unting kinakabahan.
"Ano ang malalaman ko rin, Mommy?!'
"Na kami ni Anselmo ay may ugnayan, Judy. At binabalak na naming magpakasal sa katapusan ng buwang ito," balewalang pahayag ni Dorina.
"Ho?"
"Tama ang mommy mo, Judy. Pakakasal kami sa lalong madaling panahon at pagkatapos ay isasama ko na kayo pauwi ng Mindanao. Sa Hacienda Esmeralda," nakangiting dugtong ni Anselmo. "At huwag kang mag- alala, hija. Ituturing kitang parang tunay kong anak. Isa akong biyudo, Judy. Limang taon nang namayapa ang una kong asawa at may dalawang anak akong lalaki. Ang panganay ko ay si Jolo, beinte-tres anyos. At ang bunso na matanda lamang sa iyo ng isang taon, si Erwin."
Hindi makapaniwala sa nannig niya ang dalagita. Totoong bata pa si Dorina, maganda at alaga ang katawan. Parang mayaman kung kumilos at gumayak ang ina. Sa mata nga ng ibang taong hindi nakakakilala sa kanila ay magkapatid sila. May mangilan-ngilan na ring nagpapalipad-hangin sa ina at ibang nagkakalakas-loob na manligaw dito. Pero hindi niya inaasahang mag-aasawa ito agad. Labing isang buwan pa lamang na namamatay ang daddy niya.
Bago pa nakakilos si Dorina ay mabilis siyang tumayo at nagtatakbong pumanhik ng hagdan.
"Judy!"
"Hayaan mo na ang anak mo, Dorina. Sa una lang iyan. Talagang ganoon ang mga kabataan. Natitiyak kong ganoon din ang magiging pagtanggap na gagawin nina Erwin at Jolo. Pero pasasaan ba at mapapalapit din ang loob niya sa akin."
"Nahihiya ako sa kabastusan ni Judy, Ansel," wika nito na nakatingala sa itaas.
"Bale-wala iyon. Ang mabuti pa'y babalik na muna ako sa tinutuluyan kong hotel at magkita na lang tayo bukas..."
"Ikaw ang bahala," nakangiti na nitong sinabi at inihatid sa pinto si Anselmo. Hindi ito umalis ng pinto hangga't hindi nakasakay sa rented car ang lalaki. Pagkatapos ay mabilis na pumanhik ng itaas at pabalyang binuksan ang pinto ng silid ni Judy. "Anong kabastusan ang ipinakita mo kay Anselmo, Judy?" pasinghal nitong sinabi sa dalagitang nakadapa sa unan at umiiyak.
"Wala pa halos isang taong namamatay ang daddy, Mommy," pahikbi niyang sagot. "Bakit mag-aasawa ka na uli at dadalhin pa tayo ng Mindanao?"
"Hindi na mabubuhay ang ama mo, Judy. At bata pa ako, treinta y singko pa lamang. Karapatan kong humanap ng taong makapagpapaligaya sa akin. At si Anselmo iyon. Alam mo bang mayayaman ang mga Esmeralda, ha?" singhal nito sa anak. Pagkatapos ay tipid na ngumiti at tumingin sa itaas. "Sa wakas ay mahahango rin ako sa hirap. Ilang panahon ding halos hindi ako makatikim ng ginhawa sa piling ng daddy mo. Ang sabi ng boss ko ay mayayaman ang mga Esmeralda sa Mindanao. At hindi basta mayaman. Sila ang tinatawag na secret millionaire. Hindi inagarbo. hindi halata," tila nangangarap nitong sinabi.
"Hindi ako interesado sa yaman nila, Mommy. Si Daddy lang ang ama ko," patuloy siya sa paghikbi. "At ayokong sumama sa inyo."
"Hindi ko rin gustong sumama ka sa amin, Judy," matalim nitong baling sa kanya. "Pero si Ansel ang may gustong isama kita sa pag-uwi namin sa kanila. At ayokong sa unang araw ng aming pagsasama ay kontrahin siya. Magpasalamat ka at pinagkaabalahan ka ni Anselmo," may malisya sa tinig nitong tinitigan ang likod ni Judy. "At tigilan mo ang kayayakap diyan sa litrato ng ama mo. Sawang-sawa na ako diyan sa ginagawa mong lagi. Mula noong araw na buhay pa ang ama mo ay wala ka nang ginawa kundi magdidikit at magyayakap sa ama mo na tila kayo ang mag-asawa!"
"Mommy!" Hindi makapaniwalang bulalas ng dalagita sa sinabi ng ina. At bago pa nadugtungan ang sinabi 'y padabog na lumabas ng silid niya si Dorina.
Nanatiling nakatitig sa pinto si Judy. Diyata at pinagseselosan siya ng ina sa sariling ama. Kaya ba lagi na lang itong nagagalit sa kanya? Kaya ba minsan man ay hindi niya ito kinakitaan ng pagmamahal para sa kanya?
Pero bakit? Dapat bang magselos ang ina sa anak? Iba naman ang closeness nila ng daddy niya noong nabubuhay pa ito. Kung inilalapit lamang sana ni Dorina ang sarili sa kanya, di sana'y sa ina siya naglalambing. Pero hindi nga ganoon. Sa tuwing lalapit at maglalambing siya sa ina'y itinataboy siya nito kundi man inaangilan. Tuloy mas naging malapit silang mag-ama. At siya ang higit na naapektuhan nang mamatay ito.
At ngayon ay mag-aasawang muli ang ina. Paano niya tatanggapin iyon? Bakit agad itong naghanap ng ihahalili sa kanyang ama? Wala siyang kayang isagot sa mga tanong niyang iyon. Bagkus ay isinubsob ang mukha sa unan at nag-iiyak.
BINABASA MO ANG
Ganoon Kita Kamahal COMPLETED (Published by PHR)
Romance"You may have an enchanting smile and eyes that look deep into a man's soul but I am immune to the likes of you, Judy..." Labing anim na taon si Judy nang ipagtabuyan siya ng ina at ng stepbrother sa Hacienda Esmeralda pabalik ng Maynila sa kasalan...