SA SUMUNOD na dalawang araw ay sinikap ni Erwin na iwasan si Judy. Bagaman nagkakasama sila sa pagkain ay nanatiling hindi nag-uusap ang mga ito. Alam ni Judy na guilty ang binatilyo at nauunawaan niya ito.
Si Luis ay laging galit. Kung kanino ay hindi niya alam. Kahit ang mga tauhan sa villa at sa hacienda ay nangingilag dito.
Mula nang mangyari ang eksena sa guestroom ay sinikap rin niyang iwasan ito.
Sa ikatlong araw ay nagising si Judy sa malakas na pagbalya ni Dorina sa pinto ng silid niya.
"Hindi ko akalaing nahiyang sa iyo ang buhay- hacienda, Judy," sarkastikong wika nito. "Aba'y tinalo mo pa ako, ah. Kung hindi pa ako pumasok dito'y hindi ka pa magigising."
Naalimpungatang bumangon ang dalagita. Tiningnan ang table clock. Alas-otso y media pa lang naman. Bakit nagagalit si Dorina.
"Maaga pa naman, Mommy. Lagi namang ganito ang gising ko, 'di ba?"
"Hindi na maaga ang pasado alas-otso. Bumangon ka na riyan at ipinagigising ka ni Anselmo. Nasa komedor na ang lahat at ikaw na lang ang hinihintay na tila ka reyna ng bahay na ito! " Pagalit itong lumabas ng silid.
Mabilis na bumangon ang dalagita, pumasok sa banyo at nag-ayos ng sarili.
Nasa komedor ang lahat nang bumaba siya. Naupo siya sa tabi ng ina. Nasa harap niya ang magkapatid na parehong hindi niya tinitingnan.
"Ipinagising kitang sadya, hija," simula ni Anselmo. "Gusto ko kasing sumama ka sa mommy mo at kay Jolo sa paghahatid kay Erwin sa Cebu para tuloy makabili ka ng mga bagong gamit mo. Dalawang araw sila roon. Noong gabi ng party alam kong kaya hindi ka makababa ay dahil wala kang maisuot. Sinabi sa akin ni Erwin iyon nang hanapin kita. Wala ka raw damit maliban sa tatlong maong..."
Hindi siya nag-angat ng ulo pero sa sulok ng mga mata niya'y alam niyang tumingin sa kanya si Dorina.
"'Ay naku, Anselmo. Hindi nga ba at kontra-gusto sa batang iyan ang pagsama dito sa hacienda? Kaya 'ayun, iniwan ang mga gamit sa Maynila," si Dorina. "Pero sige, ipamimili pa rin namin siya ni Jolo ng mga gamit sa Cebu kung iyon ang gusto mo. At dapat kang magpasalamat sa Tito Ansel mo, Judy," makahulugang tinitigan nito ang anak.
"Salamat, Tito Ansel, pero bakit ho pupunta ng Cebu si Erwin? Gaano ho siya katagal doon?" Sa kauna- unahang pagkakataon ay nag-angat siya ng mukha patungo kay Erwin. Apologetic ang ipinahihiwatig ng mga mata ng binatilyo.
"Sa Cebu na magpapatuloy ng pag-aaral si Erwin," si Luis ang sumagot sa pormal at malamig na tono. Umabot ng ulam at naglagay sa sariling plato.
"Oo nga, hija. At ewan ko ba rito kay Jolo at napakabilis ng desisyon. Kung hindi marahil sa mga kakilala ko roon at dito rin sa bayan natin ay hindi magiging madali para kay Erwin ang pagta-transfer ng paganoon lang..."
Nagyuko uli ng ulo si Judy. Alam niya kung bakit. Dahil sa nangyari pagkatapos ng party. Gusto ni Luis na ilayo sa kanya si Erwin sa pag-aakalang masama siyang impluwensiya. At nakapagtatakang ganoon na lang ang impluwensiya ni Jolo sa ama at hindi man lamang nito kinuwestiyon ang desisyon ng binata.
"Ala-una ang schedule ng alis ng eroplano, hija. Kaya pagkakain ay gumayak ka na," patuloy ng matandang lalaki.
Tumingin sa ina si Judy at kabisado na niya ang warning look sa mga mata nito.
"H-hindi na lang.po ako sasama, Tito Ansel. Masama ang katawan ko. Lalagnatin ho yata ako..." Hindi sinasadyang napasulyap siya kay Luis. Nakatitig ito sa kanya. Agad siyang nagyuko ng ulo.
"Sigurado ka?"
"Opo."
Napapailing si Anselmo. "Siya sige at bahala na ang mommy mo na ibili ka ng damit sa Cebu."
Hanggang sa makaalis ang tatlo ay hindi nagkaroon ng pagkakataong kausapin ni Judy si Erwin. Magkatabi ang silid nito at ni Luis. Maliban pa sa abala ito sa pag- aayos ng mga gamit dahil sa biglaang pag-alis.
BINABASA MO ANG
Ganoon Kita Kamahal COMPLETED (Published by PHR)
Romance"You may have an enchanting smile and eyes that look deep into a man's soul but I am immune to the likes of you, Judy..." Labing anim na taon si Judy nang ipagtabuyan siya ng ina at ng stepbrother sa Hacienda Esmeralda pabalik ng Maynila sa kasalan...