Chapter 5

37.2K 801 25
                                    


SA MGA unang araw ni Judy sa Hacienda Esmeralda ay hindi maikakailang nagugustuhan niya ang buong paligid. Halos araw-araw ay nasa dagat siya at sinasa- mahan ni Erwin.

"Wala ka bang bathing suit at laging shorts ang suot mo?" tanong ng binatilyo na nakatingin sa suot niyang short shorts na maong at puting T-shirt.

"Hindi naman kasi ako nagbe-beach noong nasa Maynila kami kaya hindi ako nagkaroon ng tsansang makabili noon," aniya na naupo sa buhangin at nilalaro ng paa ang alon. Hindi niya gustong sabihing himalang dalhin siya ng mommy niya sa beach lalo na ang pagbili ng bathing suit.

"Alam mo, gusto kita. Mabait ka. Sana nga naging kapatid na lang kitang totoo," patuloy ni Erwin. "Alam mo bang nagseselos sa iyo 'yong nililigawan ko sa kabilang hacienda minsang makitang nakasakay ka sa likod ko noong nangangabayo tayo?"

Natawa si Judy. "Alam ko iyon. Nakita kong umasim ang mukha noong dalagitang nakasalubong natin. Bakit hindi mo ipinaliwanag?"

"Hayaan mo si Susan. Tinabangan na rin naman ako. Ang paki-pakipot tapos tinarayan ako noong makita ka. Anyway, may bago naman akong crush sa school. Transferee mula sa Cebu. Ikaw nga pala, bakit huminto ka sa taong ito. Sana'y nilakad na lang ni Tita Dorina ang transfer mo dahil puwede naman."

Nagkibit siya ng mga balikat. Iminungkahi na rin ni Anselmo na maipapasok siya sa high school sa bayan sa impluwensiya nito habang hinihintay ang mga records niya sa dating eskuwelahan. Pero hindi pumayag si Dorina. Saka na lang daw tutal ay isang taon lang naman ang masasayang.

Wala sa loob na itinukod niya ang dalawang kamay sa buhangin nang bigla siyang mapaaray.

"Ouch!" Mabilis niyang itinaas ang kanang kamay na agad dinaluyan ng sariwang dugo.

"Ano ang nangyari?" Nag-aalalang lumapit sa kanya si Erwin. Lumuhod sa buhangin sa tabi niya at tiningnan ang kamay niya. Isang daliri niya ang nasugatan.

Nilingon ni Judy ang pinagtukuran. Naroon pa rin ang basag na shell na nadiinan niya. "Natusok ng basag na shell. Hindi ko nakita."

"Ang daming dugo. Teka..." dinala ng binatilyo sa bibig ang hintuturo niya at sinipsip ang dugo, pagkatapos ay iniluwa. Inulit nito ang ginawa.

"Tama na, Erwin. Hindi na yata nagdurugo. Maliit lang naman ang sugat..."

"Baka matetano ka. Mabuti na iyong lumabas iyong dugong kaunti," wika nito, Nakahawak pa rin ito at nakatitig sa kamay niya. "O, 'ayan, wala na..."

Mga yabag ng kabayo ang nagpalingon sa dalawa. Si Luis at patungo sa kanila. Halos magdikit ang mga kilay. Wala sa loob na mabilis na naghiwalay ang dalawa.

"Dalawang oras na kayong narito sa dagat, Erwin. Hindi ba at ipinagbilin ko sa iyong abangan ang pagdating ng mamimili ng palay at i-radyo mo sa akin?" pagalit nitongsinabi. Pinaglipat-lipat ang tingin sa dalawa.

"Nakupo! " Napakamot ng ulo ang binatilyo kasabay ng pagtayo. "Sorry, Kuya Jolo. Nakalimutan ko...

Paanong hindi mo makakalimutan gayong hindi na kayo naghiwalay. Mula umaga hanggang sa gumabi!" Sinulyapan nito si Judy na napatayo at nagpagpag ng buhanging nakadikit sa basa niyang shorts. Naningkit pang lalo ang mga mata nito sa pagkakatitig sa blouse ng dalagita.

Binalingan ni Luis ang kapatid. "Mauna ka na, Erwin, at may sasabihin lang ako kay Judy."

"E, Kuya..."

"Erwin!" matigas nitong sinabi. Sandaling nilingon ng binatilyo si Judy bago walang kibong dinampot ang tuwalya sa tabi at mabilis na lumayo

Si Judy na hindi pa rin makapagsalita ay tumingala sa binatang nasa ibabaw ng kabayo. Hindi mapigilan ni Judy ang paghangang bumukal sa dibdib sa nakikitang anyo ng binata. Kay guwapo ni Luis.

Ganoon Kita Kamahal COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon