SIMULA

119 3 0
                                    

Nakahilera ang mga upuan sa kinaroroonan ng magkakaibigan. Tila'y nagsasaya sila habang kinakampay ang kanilang mga baso na may laman na nakakasulasok na amoy ng matapang na alak. Ang iba rito'y nakatulog na dahil sa kalasingan na nakaka-abala sa dinadaanang sahig. Animo'y nasa panaginip habang hindi iniintindi ang paggalaw ng oras.

Ang ilaw na papalit-palit ng kulay ay umiikot sa silid kasabay ang nakakabinging ingay na lumalabas sa malalaking parihabang speaker. Marami ring tao ang nagsasaya, ang iba'y sumasayaw sa malaking enteblado sa gitna ng madilim at nakakabulag na k'warto. Lahat ng problema na galing sa labas ng lugar ay nawawala na lang biglaan. Mga nagsasaya sa gitna nang gabing malalim at walang sinuman ang makakapagpapigil sa ginaganap na animo'y selebrasyon.

Sa isang lugar ay may nakatayong lalaki habang nakaharap sa mga kaibigang lutang na rin sa lalim ng espiritu ng alak. Hindi masyadong tuwid ang kan'yang pagkakatayo pero nakakaya niya pa rin ito. Nakasuporta ang kaniyang kamay sa isang bakal na upuan upang maiging i-balense ang tindig. Kahit may kaunti pang hilo ay inaayos niya ito at matamang sinabi ang gustong ipahiwatig.

"Parang hindi ko na kaya p're." pagsuko niya. Ang lalaking ito ay nagngangalang James habang hawak ang t'yan na humihilab. Kasama na sa komplikasyon ang maraming naisuka sa banyo. Mga alak na napakakamahal na kasinghalaga ng sampung gramong ginto at pagkaing labas ng bansa na tila'y parang tinatapon lang sa lapag.

Ang nahihirapan na lalaki dahil sa kan'yang kalbaryo ay tinatawanan na lamang ng isa niyang kaibigan na si Carlos, "Iinom-inom, hindi naman kaya. Ang hina mo naman!" sabay batok nito sa kaibigan at humagikhik pa ito habang may hawak na baso.

"Ang iingay niyo! Natutulog 'yong tao eh!" inis na pahayag naman ni Desacro habang ito'y nakayuko sa counter. Isa rin nila itong kaibigan na mataas na ang tama kaya mas piniling tumahimik at manalagi sa tabi. Inaantok ang dahilan kung bakit gan'yan siya makitungo. Siya lang naman ang umubos ng dalawang bote sa isang oras.

"Bahala nga kayo d'yan." akma nang aalis sana si James kahit na ika-ika maglakad pero agad siyang hinila ni Francis. Isang kasama rin nilang kaibigan at mababa pa ang tama dahil na rin sa pagkontrol sa sarili lalo na sa ganitong inumin.

Kumunot ang mukha ni James at paduling na tumingin sa kaibigan, "Aalis ka na agad? Parang 'yung ginawa mo kay Bea­­—"

Nang pagkasabi ng mga salitang iyon ay biglang nagising ang kaluluwa at katinuan ni James. Isang ala-alang ayaw niya nang balikan. Dali-dali niya itong binawi para hindi na humaba ang usapan. Alam niyang tinapon na ang naganap sa mga bagay na gusto niyang kalimutan kaya kailangan niyang pigilan ito upang hindi na siya muling hanapin. Isang masamang panaginip na tatapos hindi lang sa sarili kundi na rin sa nakakasakop sa kan'ya.

"Bawiin mo sinabi mo!" hinawakan ni James ang k'welyo ni Francis. Mahigpit na ginusot ito nang masikip upang ipamuka sa kaibigan na 'wag nang ipaalala ang dapat nang hindi pinapaalala. "Kung gusto mo pang mabuhay, 'wag mo ng sasabihin ang pangalan na 'yon." at tinaliman niya pa ito ng titig para bigyan ng babala. Parang bombang malapit nang sumabog ang kan'yang galit kung hindi na magtutuloy-tuloy ang mitsa.

"Tama na 'yan," biglang tumayo ang isa nilang kasama na si Carlos at dali-daling niyang hininto ang alitan kahit na hilong-hilo siya. "Nandito tayo sa bar, gusto niyo bang makaladkad ng mga bouncer d'yan." tinuro niya pa ang exit na may mga lalaking malalaking katawan.

Nakinig naman si James kaya tinulak na lang niya ang lalaking kaharap. Nang bumagsak ito sa sementadong sahig ay sinipa pa niya ito ng kaunti at dinuraan.

"Easy lang, Tang ina! Walang gan'yanan." nakisabat na rin si Desacro matapos maalimpungatan dahil sa pag-aaway ng kan'yang mga kaibigan. Hindi na siya nainis sa ingay dahil alam niyang mangyayari at mangyayari ito kapag nag-inuman sila. Lagi na lang nababanggit ang ganitong isyu sa tuwing may maliit na 'di pagkakasunduan at tanggap niya naman na mayroon din silang mali sa nakaraan.

Pinagpagan muna ni Francis ang damit niya nang siya'y tumayo nang tuluyan at pinakita ang walang emosyong mukha sa kaibigang mapanakit. Tinuloy niya na lang ito sa salita, "Sus, gusto niyo lang matakpan ang mga gusot niyo!"

"Gago ka! Hindi mo alam kung sino ang binubunggo mo!" malakas na mura ni James at sinabi ang hinanaing, "Bakit? Sino ka ba?!" pinatunog niya ang kaniyang buto sa leeg at kamao na naghuhudyat na gustong makipaglaban sa kaibigan gamit ang sariling lakas.

"Habulin sana kayo ng karma niyo." bulong ni Francis sa sarili niya. Umalis na lang siya nang tuluyan at hinabol ang salita, "Sa C.R. muna ako 'los." pagpapaliban niya habang pagtukoy sa kaibigang si Carlos.

Ilang saglit ay tumahimik nang tuluyan sa kanilang parte ngunit maliban sa k'wartong nagpapatutog ng naglalakasan na musika. Hindi naman napansin ng mga bouncer ang kanilang ayaw kaya wala na masyadong awat ang nangyari. Isang girang napahupa lamang ng isang paalala.

Napatingin na lang si Carlos kay James at bumuntong-hininga. Paulit-ulit na lang niya naririnig ang kanilang ayaw at sawa na rin siya do'n. Napa-upo na lang sa pagod sa kakaawat si Carlos dahil wala rin siyang magagawa sa ganito nilang miskomunikasyon. Isang away na pilit binabalik sila sa lumipas.

"P're, masaya lang. Kaarawan ko ngayon tapos gan'yan kayo. Kaunting respeto na lang." salita ni Carlos upang payuhan nang kaunti ang kaibigan bago siya uminom ng isang basong alak.

"Basta ako, aalis na." kinuha na ni James ang jacket niya sa upuan malapit sa counter. Kasabay din nito ang mabilisang pag-inom sa huling basong tagay niya. Ito'y katabi lamang ni Desacro na bumalik ulit sa pagtulog.

Nang pagkatapos, "Sige p're, paalam." huling sambit na narinig niya mula sa kaibigan at tumingin na lang sa kawalan bago gumayak.

Gabing malalim na mayroong kasiyahan at mayroong ding panira ng saya. Hindi lahat ng positibong nagaganap ay doon lang nakabase, minsan hindi lang napapansin ang negatibong unti-unting lumalaki. Buwan lamang ang saksi at langit ang tanging tagapagpatawad. Tulog ang dadalaw at panaginip ang bibisita ngunit hindi lahat ng panaginip ay sa tulog lang din ang daan.

Tinahak niya ang silid upang makalabas at hanapin ang kan'yang pulang kotse. Nang ito'y kanyang natagpuan ay hinanap niya ang kontrol para p'wede na itong gamitin. Nang naipindot na ay binuksan niya ang pinto ngunit bago niya ipasok ang buo niyang katawan ay nakaramdam siya ng kalabit mula sa likod. Tiningnan niya ang taong pinagmumulan ng pahiwatig at nagulat siya. Nanlaki ang kaniyang mata at nagtataka.

"I-ikaw si..." utal na saad niya at mabagal na bigkas.

####

ShortcutTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon