Ikaanim na Bahagi

96 11 0
                                    

[ IKAANIM NA BAHAGI ]

Maluha-luha siyang napataas ng kamay dahil sa takot, “Huwag po, huwag po ninyo akong sasaktan. Gusto ko lang naman pong maging isang Engkanto e.” Nagsimula siyang umiyak dahil sa takot. Muli niyang naagaw ang atensyon ng Engkantadang lumapit sa kaniya kanina dahilan upang lumapit itong muli sa kaniya.

Inalo siya nito, “Tumigil ka na sa pag-iyak, hindi ka namin sasaktan. Hindi lang kami lubos makapaniwala.”  Niyakap siya nito at hinagod nang marahan ang kaniyang likod.

Kumalas siya sa pagkakayakap sa Engkantada at pinunasan ang luha, “Ano po ba ang Albino? Ano pong nangyari sa mga batang Engkantado?”

“Ang Albino ay isang batang Engkanto at ikaw iyon,” malumanay na sagot ng Engkantada na siyang bumura sa kalungkutan ng bata.

“Talaga po? Isa akong Engkanto? Yehey! Natupad na ang hiling ko noon. Yahoo! Isa na akong Engkanto, may kapanyarehan na ako!” Nagtatalon siya sa tuwa nang marinig ang sinabi ng Engkantada bagay na ipinagtaka ng mga Engkanto sa paligid niya, “Hindi ko batid kung bakit ka masaya gayong kami ay binabalot ng labis na pagkabahala,” komento ng isa.

Natigilan siya, tumingin sa gawi nito at nagtanong, “Ano po ang ibig mong sabihin?”

“Hindi namin alam kung saan ka nagmula at kung paano ka napadpad rito gayong matagal nang naglaho sa buong kaharian ang mga batang Engkantado dahil sa isang kakaibang sakit na lumaganap noon at kumitil sa mga  kagaya mo.  At saka isa pa, hindi ka isang pangkaraniwang batang Engkantado, nananalaytay sa’yo ang dugo ng isang Engkanto at Maligno, ibig sabihin kailangan mong–” Pinutol ng Engkantada ang mahaba nitong litanya nang mapansing lumamlam ang kaniyang mga mata’t nagbabadya na namang umiyak.

Ipinaliwanag niya kung paano siya nakarating sa lugar na iyon, sinabi niyang magkasama sila ng kaniyang lolo sa gubat ngunit binalot ng makapal na hamog ang paligid kaya tumigil sila at nagpahinga. Isinuot niya ang kwintas na galing sa kaniyang lolo at–

“Kwintas? Anong kwintas?” Putol ng Engkantada sa pagkukuwento niya. Kinapa niya sa kaniyang leeg ang kuwintas ngunit hindi niya na iyon mahanap, hanggang sa napadako ang kaniyang paningin sa likod ng kaniyang kanang kamay.

“Ang Marka ng Tandang Segundo?” Komento ng isang Engkantada nang makita ang marka sa kaniyang kamay. 

Napatingin siya sa gawi nito nang marinig ang pangalan ng lolo niya, “Kilala po ninyo si Lolo Segundo? Ang lolo ko?”

Alvin Albino, Ang Batang Engkanto! (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon