Ikaapat na Bahagi

50 3 0
                                    

[ IKAAPAT NA BAHAGI ]

Pagkatapos kumain ng agahan ay inaya siya ng kaniyang lolo na pumunta sa taniman nito pero tila ba naliligaw na sila dahil sa kapal ng hamog na bumabalot sa paligid, huminto sila at nagdesisyong magpahinga. Sumagi sa isipan niya ang ibinigay sa kaniya ng kaniyang  lolo kaninang umaga, isang kuwintas na may pendant na hugis kalahating buwan. Naalala niya iyong bida sa pinapanood niyang fantaserye, iyong nagsusuot ng kwintas upang magbago ang anyo. Dala na rin ng makulit niyang imahinasyon, kinuha niya iyon sa kaniyang bulsa saka isinuot. Minuto lamang ang dumaan nang bigla na lamang itong lumiwanag kasabay ng paghigop sa kaniya ng isang malakas at kakaibang enerhiya. Napapikit na lamang siya habang may ngiti sa labing iniisip ang mundo ng pantasya.

Iminulat ni Alvin ang kaniyang mga mata nang mapansing humupa na ang liwanag maging ang malakas na enerhiyang humigop sa kaniya, bumungad sa kaniya ang mundong malayo sa kaniyang inaakala. Ngunit dali-dali rin siyang napapikit,  Maligno! Maligno! Pangit! Pangit!” Malakas na sigaw niya habang nagpupumiglas sa kaniyang kinahihigaan. 

Tinakpan niya ang kaniyang mga mata  at nagpatuloy sa pagsigaw. Ngunit nang mapansing walang reaksyon ang mga nilalang na nakapalibot sa kaniya ay dahan-dahan  siyang dumilat.

Halos lumuwa ang kaniyang mga mata dahil sa labis na pagkagulat at pagkamangha, “Wow! Mga Engkanto!” Ang tanging nasambit niya habang naglalakbay ang paningin sa paligid, sa kakaibang kakahuyan.

Kakaiba ang lugar na kinaroroonan niya; maraming mga malalaking puno at makukulay na bulaklak; mayroong mga lumilipad na maliliit na nilalang na nag-iiwan ng mga purong butil na ginto sa hangin; at may mga naglalakihang halaman at hayop na ngayon niya lamang nakita, puno iyon ng mahika at makukulay na enerhiya.

Napadako ang kaniyang paningin sa mga nilalang na kanina pa nagmamasid sa kaniya, malayong-malayo sa pagsasalarawang napanood niya sa TV at nabasa sa libro. Sa pangalawang pagkakataon ay hindi na siya nakaramdam ng takot, naging tila isang napakagandang tanawin sa kaniyang mga mata ang itsura ng mga nilalang na nakapaligid sa kaniya.

Abot-taingang ngiti ang pinakawalan niya kasunod ng kaniyang masiglang boses, “Sabi ko na nga ba’t totoo ang mga Engkanto e! Hello po, kumusta? Ako po si Alvin, gagawin na ninyo po ba akong isang Engkanto?” 

Alvin Albino, Ang Batang Engkanto! (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon