[ IKALIMANG BAHAGI ]
Sa halip na sumagot ay lumapit sa kaniya ang isang Engkantada, mahaba ang malagintong buhok nito at nakasuot ng kakaibang kulay haban-ubeng kasuotang bumabagay sa kaniyang perpektong kurba ng katawan. Ang mukha nito’y tila nanghahalina, sa labis niyang kagandahan ay walang sinuman ang hindi mararahuyo sa kaniya. Gumuhit sa labi nito ang isang matamis na ngiti, “Isang batang Engkantado, isang Albino?”
Halos malaglag ang kaniyang panga nang marinig ang boses ng Engkantada. Ngunit unti-unting sumilay ang pagtataka sa kaniyang mukha, hindi niya maunawaan ang sinabi nito.
“Albino? Ano po iyon? Pangalan po ba iyon? Pero hindi naman iyon ang pangalan ko ah. Alvin po ang pangalan ko at hindi Albino.” Kunot-noong sambit niya. Naalala niya tuloy ang mga pilyong batang nanunukso sa kaniya.
Dumistansya ang Engkantadang nasa harap niya’t bumalik sa dati nitong puwesto, bumaling ito sa kasama at hindi siya sinagot. “Ngunit matagal nang walang nabubuhay na Albino sa mundong ito, saan nagmula ang isang ito at tila kakaiba siya kung magsalita at kumilos?”
Bumaling ang isang nakaputing Engkantada sa kaniya, “Ang isang ito ay hindi pangkaraniwang Engkantado.” Sinuri siya nito at pinagmasdang maigi. “Taglay niya ang pinagsamang dugo ng Engkanto at isang–” Tumigil ito.
“Maligno!” Halos mapaatras ang lahat ng Engkantong nakapaligid sa kaniya nang tuluyang maisaboses ng nakaputing Engkantada ang nais nitong sabihin. Naiwan siyang nakamasid sa kanila, hindi alam kung ano ang gagawin o sa kung ano ang nangyayari.
“Imposible! Matagal nang naglaho sa buong kaharian ng mga Engkanto ang mga batang Engkantado. Baka nagbabalatkayo lamang ang isang ito!” asik ng isang Engkantada sabay hugot ng sandata.
BINABASA MO ANG
Alvin Albino, Ang Batang Engkanto! (Completed)
Historia CortaSa murang edad ni Alvin, isa lamang ang hiling niya- ang maging isang engkanto at ang makapaglakbay sa mundo ng pantasya. Malayo sa paniniwala ng iba, naniniwala siyang totoo ang mga engkanto at mababait sila. Pero hanggang saan siya dadalhin ng kan...