Chapter Four

1.1K 34 2
                                    


“HOW’S JANINE?” tanong ni Frances kay Justin habang nasa loob sila ng flower farm ng Perfect Petals sa Silang, Cavite. Kanina pa ito nakasunod sa kanya habang hawak ang isang basket na pinaglalagyan niya ng iba’t – ibang kulay at varieties ng mga bulaklak na hina-harvest. Ipapadala niya ang mga bulaklak kay Justin pauwi para ibigay sa Lola Amelia nito na mahilig din sa mga bulaklak. Nang malaman ng binata na pupunta siya sa flower farm ay nagboluntaryo kaagad ito na samahan siya.
“She’s fine.Hindi pa nga lang puwedeng tanggalin ang cast sa braso niya pero papasok na siya sa university,” tugon nito.
“Magkakaroon ba siya ng driver?” tanong pa niya. Muli siyang tumigil upang gumupit ng ilang tangkay ng yellow rose. 
May mahigit pitong ektarya ang flower farm at halos lahat ng uri at breed ng mga bulaklak ay mayroon sa farm. Mayroon din silang contact sa ibang bansa na mapagkukunan ng mga bulaklak kung sakaling may order ang kliyente na wala sa Pilipinas. Halos dalawampung taon na rin ang Perfect Petals na unti – unting nakilala at napalago ng Auntie Danna kasabay ng pagma – manage nito ng Incredible Concepts, isang event management firm na kasalukuyang pinamamahalaan na ng pinsan niyang si Kuya Fran.
“Yes, si Anthony,” tugon ni Justin habang inaayos ang mga bulaklak sa hawak na basket.
"Talaga? Paano nangyari ‘yon? Ang alam ko, ayaw na ayaw ni Janine na magkaroon ng driver.”
“Knowing Janine, matigas talaga ang ulo ng babaeng ‘yon. Pinagpilitan niya na kaya na niyang mag – drive. Of course, hindi pumayag si Daddy, hanggang sa nagprisinta si Anthony na ihatid - sundo siya. Magpapa – adjust na lang si Anthony ng schedule sa ospital o kung hindi siya puwede, si BJ ang susundo kay Janine or si Kuya Jay – Jay.” Tulad ni Justin ay Anthony ay medical student din Janine. 
“Anthony is so sweet by doing that.”
“Yeah, pero bistado na namin siya ni BJ dati pa,” natatawang sabi ni Justin. Napahinto si Frances sa paglalakad. Nagtatanong ang mga matang napatingin siya sa binata.
“In love si Anthony kay Janine,” patuloy nito. “Nahalata namin siya noong si Janine pa lang at ang ex – boyfriend niyang si Oliver. Pero torpe ang loko kaya ayan hanggang tingin lang s’ya.”
“Oh, wow!” nasorpresang sabi ni Frances. “Kaya siguro hindi na niya itinuloy ang panliligaw kay Ate noong umalis ka.”
“Sa tingin ko rin. Siguro na - develop ‘yung feelings ni Anthony kay Janine kasi lagi silang magkasama. Parang tayo, lagi tayong nag – uusap kaya nahulog ang loob ko sa ’yo.”
Napangiti si Frances. “Gusto n’yo ba si Anthony para kay Janine?”
“Oo naman,” mabilis na sagot ni Justin. “Kaibigan natin si Anthony, kilala na natin siya mula pa pagkabata, at matino siyang tao. Kaya lang torpe s’ya, eh.” Sinundan pa nito ng tawa ang sinabi.
“Mag – playing cupid ka kasi,” biro niya.
“No way. Diskarte n’ya ‘yon,” nakangiting sabi nito bago yumuko at mabilis siyang hinalikan sa dampian sa mga labi.
Napangiti si Frances sa ginawa ng nobyo. Mahigit isang linggo pa lang silang may relasyon pero busog na busog na siya sa pagmamahal at atensyon nito. Paano pa kaya kung alam na ng lahat ang relasyon nila? Nagpatuloy siya sa paglalakad.
“Hey, malapit na ang Tagaytay rito. Punta tayo doon pagkatapos natin dito,” mayamaya ay excited na yaya ni Justin.
“Okay, wait iti - text ko lang si Mommy na gagabihin ako.” Inilabas niya ang cell phone na nasa loob ng shoulder bag na nasa balikat ng nobyo. Nakita niyang may missed call at isang text ang mommy niya, at isa pang text mula naman sa daddy niya.
Unang binasa ni Frances ang text ng mommy niya, kasunod ang text ng ama. Pareho lang ang mensahe ng mga ito na pinapauwi siya sa oras ng hapunan.
“May problema?” tanong ni Justin nang mahalata nitong natigilan siya.
“Hindi tayo puwedeng pumunta sa Tagaytay, Justin, nasa bahay na raw si Ate Francine.  Gusto nina daddy na sabay – sabay kaming mag - dinner tonight,” imporma niya habang unti – unting sinasalakay ng pangamba ang kanyang dibdib sa balitang dumating na ang ate niya.
“Okay,” sabi nito. “Pero puwede ba akong pumunta sa inyo? Sabay nating kausapin si Francine.”
“Justin, no!” pabiglang sabi niya. “Ako na lang.”
“Okay,” sabi nito at inakbayan siya. “Tapusin na natin ang trabaho mo, baka ma - traffic tayo pauwi.”
Kabado man ay ipinagpatuloy ni Frances ang ginagawa. Halos hindi na sila nag – usap hanggang sa makabalik sila sa opisina ng farm. Naging abala si Justin sa cell phone nito habang nakaupo sa sofa paharap sa desk niya. Nahahati naman ang kanyang atensyon sa tina - type sa laptop at kung paano sasabihin sa kapatid ang tungkol sa kanila ni Justin pag – uwi niya sa kanilang bahay. Wala sa loob na napatingin siya kay Justin habang nag – iisip. Sakto namang tumingin din ito sa kanya at ngumiti.
“Tapos ka na?” tanong nito.
“Oo,” tugon niya kahit halos hindi pa siya nangangalahati sa ginagawa. Tatapusin na lang niya iyon sa bahay.
Pinagpatong – patong ni Frances ang mga files at ibinalik ang logbook sa filing cabinet. Pag – ikot ay natabig niya ang isang folder na hindi nakaayos at nalaglag iyon sa sahig. Mabilis niyang dinampot ang nahulog, pero napatukod naman siya sa gilid ng desk kaya nahulog din ang iba pang folders na nasa ibabaw ng desk.
“Hey, easy,” sabi ni Justin na mabilis nakalapit sa kanya. Hinayaan niyang ang binata na ang dumampot sa mga nagkalat na folder. Ganoon siya kapag problemado at kinakabahan, nagiging clumsy kung minsan.
Ibinalik ni Justin ang mga folder sa ibabaw ng desk, pagkatapos ay naupo ito sa gilid niyon. Saka lang nito napuna ang hitsura niya.
“Okay ka lang ba? Mukha kang tensiyonado.”
“Okay lang ako.”
Hinawakan siya ni Justin sa isang kamay at bahagya hinila papalapit dito. Napahawak siya sa balikat ng binata sa ginawa nito. Ipinulupot naman ng nobyo ang kaliwang kamay sa kanyang baywang at ang isa naman ay humamplos sa kanyang pisngi.
“Hindi ka mukhang okay, sweetheart. Ano’ng problema?”
“Wala,” kaila niya.
“Kinakabahan ka ba sa pagkikita n’yo ni Francine mamaya?” tanong ni Justin na nahuhulaan ang kanyang dilemma.
Hindi siya sumagot at nag – iwas ng tingin.
“Frances, maniwala ka. Hindi magiging hadlang ang ate mo sa ating dalawa. She’s a great sister you ever had.”
“She’s my only sister!” maktol niya.
Natawa ito. “Oo nga pala,” sabi nito at bahagyang pinisil ang kanyang ilong. Pagkatapos ay sumeryoso. “Ipaglalaban mo ako ano man ang mangyari, ‘di ba?” tanong nito.
“Akala ko ba walang magiging problema?”
“Oo, pero gusto kong marinig ang sagot mo.”
Napabuntong – hininga si Frances bago dahan – dahang tumango. “Hindi kita isusuko kahit na anong mangyari, Justin,” tipid ang ngiting pangako niya. Marahil ay tama ang binata, kung mahal siya ng kanyang kapatid ay maiintindihan nito na sila ni Justin ang nagmamahalan.
Ngumiti ito nang maluwang. “I love you so much, Frances. Hinding – hindi kita sasaktan,” pangako nito bago mainit na inangkin ang kanyang mga labi.

One Man To Love - Published under PHRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon