NAPANGITI nang maluwang si Frances nang makitang nakaparada sa kanilang garahe ang sasakyan ng kaibigang si Justin. Matapos mai – park ng driver nila ang sinasakyang kotse sa tabi ng kotse ng binata ay kaagad na siyang bumaba. Tila may pakpak ang mga paang naglakad siya papasok sa loob ng kanilang bahay. Nadatnan niyang nakaupo si Justin sa three – seater sofa sa living room nila.
"Hi, Frances," nakangiting bati nito na kaagad na tumayo nang makita siya.
Sandali siyang napatanga kay Justin nang makita ang matamis na ngiti nito. Nakalitaw ang malalim na dimple ng binata sa kaliwang pisngi at tila nangungusap ang asul na mga mata. Fresh na fresh itong tignan sa suot na red stripe polo shirt at cream pants.
"Hi!" Isang matamis na ngiti ang isinukli niya sa binata. Lumapit ito sa kanya para hinalikan siya sa pisngi bilang pagbati dahilan para maamoy niya ang suwabeng amoy ng ginagamit nitong cologne. Pero biglang nawala ang ngiti sa kanyang mga labi nang mapagawi ang tingin niya sa center table. Nakapatong kasi roon ang isang boquet ng iba't ibang klase ng bulaklak at malaking bar ng imported chocolate.
Napabuntong - hininga si Frances. Ilang beses na ba siyang umasam na sana ay para sa kanya ang mga bulaklak na iyon?
Hindi na niya mabilang. Ang Ate Francine kasi niya ang gusto at kasalukuyang nililigawan ni Justin. At siya ay lihim lang na humahanga sa binata.
"What's wrong?" kunot – noong tanong ni Justin.
"Ah, wala," deny niya. "Pagod lang ako."
"Bakasyon na, 'di ba? Saan ka ba nanggaling?"
"Sa Perfect Petals, marami kasing order ngayon kaya tumulong ako kay Auntie Danna."
Tumango – tango si Justin. Alam nito na may trabaho siya kapag walang pasok sa school. Isang malaki at kilalang flower shop ang Perfect Petals na pag – aari ng Auntie Danna niya, asawa ng nag – iisang kapatid ng kanyang mommy na si Uncle Francis. Bata pa lang ay mahilig na siya sa pagtatanim ng bulaklak at pag – aayos niyon. Dose anyos siya nang matuklasan ng Auntie Danna niya ang talento niya sa flower arranging. Niregaluhan siya nito ng mga libro tungkol doon at kapag pareho silang libre ay ito mismo ang nagtuturo sa kanya. Nang matuto siya nang husto at matapos payagan ng kanyang mga magulang, tuwing weekends at kapag school vacation ay lagi na siyang tumutulong sa flower shop ng tiyahin.
"Upo ka. Kanina ka pa?"
"Nope. Kadarating ko lang," tugon nito habang bumabalik sa sofa.
"Orange juice?" tanong pa niya.
"Sure!"
"Okay, sandali, ikukuha kita." Inilapag ni Frances ang dalang bag sa isang silya at nagpunta sa kusina. Nakasanayan na niyang personal na asikasuhin ang binata kapag nagpupunta sa kanila.
"Para ba 'yan kay Justin, Karen?" tanong niya sa nadatnang bagong kasambahay nila sa kusina. Kasalukuyan itong nagsasalin ng concentrated orange juice sa isang malaking baso.
"Opo, señorita," sagot nito.
"Oh, kapag para kay Justin, fresh orange dapat, ha. Ako na ang gagawa, pakilabas na lang 'yong binake kong fruit cake kagabi sa ref," utos niya.
Sumunod naman si Karen. Ilang sandali pa ay pabalik na si Frances sa living room, dala ang merienda ng binata.
"Wow!" biglang sabi ni Justin pagkakita sa kanyang dala. Kinuha nito sa kanya ang tray at ito na ang nagpatong sa center table.
"Ubusin mo, 'yan, ha," aniya habang umuupo sa isang silya sa tapat ng kinauupuan nito.
"Sure, basta ikaw ang naghanda. Nag – merienda ka na ba? Share tayo."
"Para sa 'yo talaga 'yan. Nag – pizza na kami nina Auntie sa Petals kanina."
Inumpisahan ni Justin ang pagkain. Napangiti siya nang sunod – sunod ang ginawa nitong pagsubo sa fruit cake na halatang nagustuhan nito.
"You're really the best, Frances!" papuri nito.
Isang malapad na ngiti ang itinungon niya. Bukod sa pag – aayos ng bulaklak ay mahilig din siyang mag – bake. Plano niyang mag – enroll sa isang Culinary school pagka – graduate ng high school sa susunod na taon, pangarap kasi niyang magkaroon ng sarili niyang bakeshop pagdating ng araw. Isasabay niya iyon sa Management course na kanyang kukunin. Kung magkataon, sa pamilya niya, siya lang ang maiiba na tatahaking career. Parehong may kinalaman sa construction ang mga kurso ng Ate Francine at Kuya Gabe niya, at ang bunso niyang kapatid na si Gian Carlo, kahit na first year high school pa lang ay desididong maging doktor.
Nagmula si Frances sa pamilya ng mga doktor at inhinyero. Pag – aari ng mga Yuzon, pamilya niya sa father side, ang malaki at kilalang construction and design company sa bansa ang YA Builders and Design Incorparted. At sa mother side naman ay pag – aari ng mga Ocampo ang isa sa pinakamalaki at modernong ospital sa bansa, ang St. Francis General Hospital. Isang retired sea captain ang Daddy Gino niya na nag – shift ng career sa construction at automotive. Dermatologist naman ang Mommy Cheska niya na may limang beauty clinic sa sikat na mga mall kaya nakakaangat sila sa buhay.
"By the way, pumunta ba rito si Anthony kagabi?" tanong ni Justin matapos nitong uminom ng orange juice.
Kaibigan nila si Anthony na anak ng best friend ng daddy niya. Actually, they belonged to a big circle of friends. Ang Daddy Gino niya, ang Mommy Jean ni Justin, ang Daddy Vincent ni Anthony, ang Uncle Francis niya at ibang mga kaibigan ng mga ito ay matalik na magkakaibigan simula pa noong high school. Nakabuo na rin sila ng sarili nilang barkada.
"Oo, nagpunta rito si Anthony kagabi," sagot niya. Kasing-edad lang ni Justin si Anthony. Parehong kaga – graduate lang ng BS Biology at parehong pangarap na maging doktor. Bukod doon ay kapwa masugid na manliligaw ng Ate Francine niya ang dalawang binata.
"Okay," kibit – balikat na tugon ni Justin.
"Hi, Justin!"
Napalingon sila sa hagdanan nang marinig ang boses ng kanyang Ate Francine.
Kaagad tumayo si Justin nang makitang pababa ng hagdan ang kanyang kapatid.
"Sorry natagalan akong bumaba, may tinapos lang ako," apologetic na sabi ng ate niya kay Justin nang makalapit.
"It's okay, nandito naman si Frances, eh." Yumuko ang binata at mabilis na kinuha ang bulaklak at tsokolate sa ibabaw ng center table at ibinigay sa ate niya. "For you," sabi nito.
"Thanks!" nakangiting sagot ng kanyang kapatid.
Kinuha ni Frances ang kanyang bag sa silya at tumayo na. Gusto pa niyang makasama si Justin pero alam niyang hindi naman siya ang pinuntahan nito sa bahay nila. Ini– entertain lang naman niya si Justin kapag wala pa ang kapatid dahil solo niya ang atensyon ng binata. Pero kapag ganoong naroon na ang ate niya ay dapat lang na umalis na siya dahil ang buong atensyon nito ay malilipat na sa kapatid.
"Sa 'taas na muna ako, Justin," paalam niya.
"Okay, thanks sa merienda, Frances," sagot nito.
Tumango lang si Frances at mabigat ang mga hakbang na naglakad patungo sa hagdanan. Nasa landing na siya paakyat sa second floor nang hindi niya mapigilang lumingon sa sala. Nakita niyang masaya nang nagkukuwentuhan si Justin at ang ate niya.
Napabuntong-hininga siya at ipinagpatuloy ang pag–akyat. Hindi niya alam kung kailan siya nagsimulang makaramdam ng paghanga kay Justin basta ang alam niya, bago pa manligaw ang kaibigan sa kanyang kapatid mahigit isang taon na ang nakararaan ay gusto na niya ang binata. Bukod sa guwapo, mabait kasi ito at ubod ng talino. Tambak ang academic awards at trophy ni Justinsa at nagtapos na magna cum laude sa UST. Pareho rin silang homebody at marami rin silang pinagkakasunduan. Pero naniniwala si Frances na lilipas din ang nararamdaman niya sa binata. She was just turning sixteen, normal lang sa edad niya ang magkaroon ng infatuation. Siguradong mawawala rin iyon kapag sinagot na si Justin ng kanyang kapatid.
![](https://img.wattpad.com/cover/208722794-288-k421707.jpg)
BINABASA MO ANG
One Man To Love - Published under PHR
RomanceSixteen years old pa lang si Frances ay secret crush na niya ang kababatang si Justin.Pinigil niya ang damdamin sa pag-aakalang may gusto rin kay Justin ang Ate Francine niya. Pero nang ligawan ni Justin ang ate niya, nabasted ito. Natuwa si Frances...