Five years laterNagising si Frances dahil sa ingay na nagmumula sa bintana ng kanyang silid. Sandali siyang nag – inat mula sa pagkakahiga sa kama, pagkatapos ay inabot niya ang kanyang cell phone na nasa ibabaw ng nightstand. Napangiti siya nang makitang nag – iwan si Justin ng offline message mula sa Skype account niya. Isang simpleng take care at I love you lang ang mensahe nito pero sapat na iyon upang gumanda ang gising niya. Nag - reply siya sa message nito at masiglang bumangon sa kama.
Kung minsan, hindi pa rin niya mapaniwalaan na matagal nang kasintahan ang lalaking dati ay lihim lang niyang minamahal. Naalala pa niya noong una silang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan. Malinaw kasi sa kanya ang plano ni Justin na sa oras na makapasa ito sa board exam at maging ganap na doktor ay babalik na ito sa bansa. Pero hindi iyon ang nangyari. Nagdesisyon ang nobyo na mag – take ng specialization sa ospital kung saan ito nag – internship na hindi kaagad sinasabi sa kanya kaya kailangan nitong manatili sa Portland ng ilang taon pa. Nahirapan siyang tanggapin ang desisyon ni Justin noong una pero sa bandang huli ay sinuportahan din niya ang kasintahan matapos siyang paliwanagan ng kanyang pamilya. Bukod sa problema nila sa distansya sa isa’t – isa at paminsan – minsang tampuhan at selosan na mabilis rin naman nilang nareresolba, masasabi niyang maayos at matatag naman ang kanilang relasyon.
Sa kasalukuyan ay nasa huling taon na si Justin ng training nito. Konting panahon pa at babalik na ito sa bansa at permanente nang mananatili sa Pilipinas. Ngayon pa lang ay excited na si Frances na makasama ang nobyo ng mas matagal at makitang pumapasok sa St. Francis General Hospital.
Lumapit si Frances sa bintana nang muling makarinig ng mga hagikgikan at tawanan. Nakita niya ang kanyang mga kapatid at pinsan na naliligo sa swimming pool kasama ng kanyang mga pamangkin. Sa paglipas ng mga taon, nadagdagan at mas lumaki pa ang kanilang pamilya. Halos magkakasunod kasing nag – asawa ang kaniyang mga kapatid at mga pinsan. Ganoon din ang mga kapatid ni Justin. Nakita rin niya ang Ate Jane ni Justin kasama ng pamilya nito na naging kapitbahay na nila simula nang makapag – asawa.
Nagpunta na si Frances sa banyo at mabilis na naligo. Araw iyon ng Linggo pero kailangan niyang magpunta sa opisina ng Perfect Petals dahil tambak na ang mga dokumentong kailangan ng pirma niya. Hindi kasi siya nakapunta roon ng mga nakaraang araw dahil naging abala siya sa pagbubukas ng bagong branch ng Frances’, ang bakeshop at coffee shop niya.
Three years ago nang sa wakas ay nagawa niyang itayo ang pinapangarap na bakeshop sa compound ng St. Francis General Hospital na pinangalanan niyang Frances’ dahil sa suhestiyon ni Justin. Pagkalipas ng ilang buwan, nang maging stable at kumikita na nang maayos ang kanyang negosyo ay nagbukas siya ng dalawa pang branch. Ang isa ay sa ibaba ng YA Building and Condominium sa Ortigas Center na tulad ng sa main branch ay hindi siya nagkaroon ng problema sa lokasyon dahil pag – aari ng pamilya ng daddy niya ang building at doon din nag – oopisina ang kanyang mga kapatid. At ang isa pa na kabubukas lang ay sa Green Field District naman sa Mandaluyong.
Half owner at si Frances na rin ngayon ang nagma – manage ng Perfect Petals. Ilang araw bago siya grumaduate ng college ay kinausap siya ng mommy at Auntie Danna niya. Nagkasundo ang mga ito na ibenta sa mommy niya ang kalahati ng ownership ng Perfect Petals at flower farm sa Cavite, pero mangyayari lang iyon kung papayag siyang pumalit sa posisyon ng Auntie Danna niya. Gusto na kasi nitong magretiro at sa kanya nito gustong ipagkatiwala ang pinakamamahal na negosyo.
“You've work here for a long time, Frances, at alam na alam mo na kung paano i – manage itong business pati na rin ang flower farm. Nakita ko rin kung gaano ka kagaling mag – handle ng mga tao at gustong – gusto ka nila. Pamangkin kita, mas mapapanatag ako kung sa 'yo ko ipagkakatiwala ang Petals. Tutulungan pa rin naman kita sa oras na kailanganin mo ako,” sabi ng Auntie Danna nang mag – alangan siyang tanggapin ang posisyong inaalok nito.
Dahil sa sinabi ng tiyahin at sa encouragement ng mommy niya ay pumayag si Frances sa gustong mangyari ng mga ito. Binili ng mommy niya ang kalahati ng ownership ng Petals na ipinangalan sa kanya.Regalo iyon ng ina sa kanya sa pagtatapos niya ng college. Sa kasalukuyan ay maayos naman ang pamamahala niya sa Petals at wala siyang gaanong nagiging malaking problema.
Matapos maligo at makapag – ayos ay bumaba na siya.
“Puro ka trabaho, isusumbong kita kay Justin,” biro ni Ate Jane nang tumanggi siyang sumali sa mga ito pagsu – swimming at sinabi niyang pupunta pa siya sa opisina.
“Hmp! Siya rin naman, eh,” ingos niya habang kumukuha ng pagkain.
Magmula ng umalis si Justin matapos nilang magkaunawaan ay mabibilang lang sa daliri ang pag – uwi nito sa bansa. Sobra itong naging abala sa ospital kaya siya na lang ang nag – adjust. Halos buwan – buwan ay nagpupunta si Frances sa Portland para magkita sila. Kung minsan ay hirap siyang ayusin ang schedule niya sa pagbisita sa nobyo dahil madalas din siyang abala pero dahil ito ang mas mahalaga kaysa sa trabaho, ang binata pa rin ang inuuna niya sa tuwing naglalambing ito na magkita sila.
Matapos kumain ay kaagad nang nagpaalam si Frances. Baka kasi magbago ang isip niya at hindi na umalis. Masisira ang schedule niya kapag nagkataon. Kailangan niyang matapos ang trabaho hanggang bukas dahil sa Martes ay nakatakda siyang magpunta sa Portland para bisitahin ang nobyo at i – celebrate na rin ang ika – anim na taon ng kanilang relasyon.
BINABASA MO ANG
One Man To Love - Published under PHR
RomanceSixteen years old pa lang si Frances ay secret crush na niya ang kababatang si Justin.Pinigil niya ang damdamin sa pag-aakalang may gusto rin kay Justin ang Ate Francine niya. Pero nang ligawan ni Justin ang ate niya, nabasted ito. Natuwa si Frances...