MAAGA silang umalis sa bahay, past 5:30 am na yata, tamang-tama sa pagtaas ng haring araw. Si Homer ang nagda-drive ng red Toyota Innova, katabi naman nito sa front seat si Papa. Si Mama at Page nasa likod ng driver's seat at nasa pinakalikod naman sila ni Alt. Kung saan tambak lahat ng mga baon nila sa family roadtrip na 'yon.
"Gusto n'yong mag-falls tayo?" tanong ni Homer.
"Boang ka man diay!" Natawa sila sa paasik na reaksyon ni Papa. "Mag-fa-falls tayo? Saan natin iiwan ang sasakyan, ha?"
"Pa, naman, suggestion lang naman. 'To naman highblood agad."
"Saka na tayo mag-falls," ni Mama, "Babalik pa naman sila Alt at Scroll dito."
"Madami po bang falls dito?" tanong ni Alt.
"Naku, madami, Kuya Alt," sagot ni Homer. "Pinakasikat talaga na dinadayo 'yong Kawasan falls dito sa Santander. Oslob, tapos Santander na, parang tip of the South na. Meron ding mga undiscovered falls sa Alegria. 'Yong Cambais saka Cancalonog. Meron din sa Genitilan, Moalboal at sa Barili. Basta, kung trip mong mag-falls, madami sa South."
"I like to visit that, siguro sa pagbalik namin."
"Usually, kasi, ang mga turista, either DIY or naka van, may tour guide saka may nakabantay sa mga van nila kaya safe na rin," explain pa niya. "Alam mo naman basta falls, nilalakad, saka pinapasok ang masukal na gubat at inaakyat ang mga dapat akyatin. Mauubos ang oras natin. Pero kapag nagka-time pa tayo bago tayo bumalik ng Maynila, isasama kita sa isang hidden falls na wala pa gaanong tao."
"Sa Alegria ba 'yan, ate?" may himig na panunuksong tanong ni Page.
Pinaningkitan niya ng mga mata si Page. "Bakit mo alam?"
"Ay sus, ate! Mas matagal pa akong naninirahan dito kaysa sa'yo. Madami akong alam, chika ko sa'yo mamaya."
"Hoy, Page!" Dinuro ng itlog ni Mama si Page. "Bata ka pa. Saka ka na mag-falls kapag pwede ka nang mag-asawa."
"Ma, anong konek?"
"Madaming nabubuntis sa falls."
"Ano ba 'yan, Maaa!" reklamo niya. "Ang halay! Sinisira n'yo naman ang imahe ng mga falls dito sa atin. 'Di naman sila SOGO."
"Ate, madami ba talagang SOGO sa Maynila?"
Tumango siya. "Oo, kasing dami ng Queensland dito sa atin. Aba'y teka lang! Bakit ba ang dami mong alam sa mga ganyang bagay Page?" Tinaasan niya ng kilay ang kapatid.
"Ate, teacher ako, I know a lot of things."
"Nasa syllabus n'yo ba ang pag-aaral patungkol sa mga motel sa Pilipinas?"
"Patricia Geraldine Catapang, ano 'yang naririnig ko, ha?" ni Papa. "Twenty-two ka pa lang, saka ka na lumandi kapag ibinenta na ni Ellen Adarna ang mga motel niya sa atin."
"E kailan naman 'yon? Kaya madaming single na teacher e kasi wala kaming time lumandi. Laging, bahay at eskwelahan, pati weekends namin nasa eskwelahan pa rin kami."
Tawang-tawa naman si Homer. "Ate Page, hayaan mo, kapag nakasampa na ako sa barko, bigyan kitang seaman."
"Ayoko ng LDR."
"Choosy ng lola!"
"O, kaya 'di ka magkaka-love-life ang dami mong standards sa buhay," ni Mama. "Pareho kayo ng ate mo. Nanggigil ako sa inyo."
"Nag-iingat lang kami Ma."
"Si Mama, napaghahalataang walang standards –"
"Boang ka man diay, Homer!" sigaw ni Papa. "Anong ibig mong ipahiwatig? Pagkatapos ko kayong buhayin, ito lang ibabalik n'yo sa amin. Mataas ang standards ng ina n'yo. Nag-adjust lang siya." Malakas na tumawa si Papa. "Gwapo kasi ng ama n'yo kaya 'di na ako hiniwalayan niyang si Socoro."
BINABASA MO ANG
SWIPE HELP GONE WRONG - COMPLETE
RomanceNaniniwala si Emari Scroll Catapang na ang true love ay makikita lamang niya sa mga AFAM. Kaya swipe right siya sa lahat ng dating site. Pero ang freenemy niyang si Direk Alt Flores ay lagi siyang inaasar at sinisita sa pakikibaka niya sa mga ideal...