3: Tinola, o Barbecue?

793 20 1
                                    

By Michae Juha

getmybox@hotmail.com

fb: Michael Juha Full

-----

Kinabukasan ay dumating si Victoria sa rest house. Pinapasok siya ng attendant at sinamahan papasok sa opisina ni Abel. Umupo siya sa isang silya sa harap ng mesa. Maya-maya aysumulpot si Abel, galing sa CR ng mismong opisina. Scripted ang eksenang iyon. Kunyari ay nagulat si Abel sa pagkakita niya kay Victoria.

"Oh? Nandito ka? Huwag mong sabihing mag-apply ka rin ng trabaho?" ang sambit ni Abel habang tinumbok niya ang isang bakanteng silya na nakaharap kay Victoria.

"Ungas! Pinatatawag ako ng may-ari dahil gusto niyang magtrabaho ako rito. Hindi ako nag-aapply!" ang inis na sagot ni Victoria.

"Ah, iyon pala... Hindi mo ba alam na nagbago ang isip ng may-ari? Ako na ang pinili niya imbes na ikaw. Kaya maaari ka nang umalis," ang pang-iinis ni Abel.

"Gusto mo bang sapakin kita? Kakainis ka ah! Sobrang yabang mo! Akala ko ba ay guest ka rito? Iyon pala ay nag-aapply ka ng trabaho? Namumulubi ka na kuya? Wala ng datung?" ang pang-iinis din ni Victoria.

"Actually, guest naman talaga ako. Pero nang makita ko ang isang mahirap na kahit ibong ligaw ay uulamin, narealize ko na sobrang challenging pala ng kalagayan ng mga mahihirap. Nabo-bored na kasi ako sa pagiging mayaman, eh. Kaya heto, i-try kong magpakahirap." Inilapit niya ang kanyang bibig sa tainga ni Victoria, "Idol kasi kita, 'te. Kaya full support ako sa iyo."

Doon na umalma sa inis si Victoria. Mabilis na piningot niya ang tainga ni Abel. "Hayop sa kayabangan talaga nito! Kung nasa labas lang tayo, baka nabugbog na kita, eh!"

"Arekop! Tangina! Bitiwan mo ang tainga ko!" ang sigaw ni Abel.

Nabitiwan ni Victoria ang tainga ni Abel nang biglang pumasok si Mang Estong na umarteng may-ari ng rest house. Nakabarong Tagalog siya, itim at pormal na pantalon, terno naman ang itim na leather shoes. Nagmukha siyang matandang ipapasok na lang sa ataul para sa kanyang libing. Hindi kasi siya sanay sa ganoong kasuotan. Halata rin na hindi siya komportable sa kanyang galaw.

Halos pumutok ang isang malakas na halakhak galing kay Abel sa pagkakita niya sa porma ni Mang Estong. Ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili. Ibinaling na lang niya ang kanyang paningin kay Victoria na biglang nagbehave nang makita si Mang Estong.

Umupo si Mang Estong sa silya ng may-ari, paharap sa kanilang dalawa. Ngunit nang mapansin ni Victoria na si Mang Estong pala ang kaharap nila, nagulat ito. "K-kayo po pala ang may-ari ng rest house na ito?" ang tanong niya.

Nangingiming sumagot si Mang Estong, halos hindi alam ang isasagot. Tiningnan niya si Abel na tila matatawa rin sa kanyang porma at sa kanilang set-up. "Ah..." ang sagot lang niya.

"Oo, siya nga," ang pagsingit din ni Abel. "Nakita mong nakaupo siya riyan sa upuan ng may-ari, 'di ba? Ang slow mo talaga! Gumagana ba iyang isip mo? O nagugutom ka na naman?"

Napalingon si Victoria kay Abel. "Ang bastos mo. Hindi ikaw ang kinakausap ko!" ang bulyaw niya.

"Ito naman. Mainitin ang ulo. Sobrang bait lang talaga niyang si Mang... este, Sir Estong. Gusto niya, simpleng tao lang siya at ayaw ipahalata na siya ang may-ari. Pero kung ako ang may-ari ng rest house na ito at tinatanong pa ako kung ako ang may-ari? Masasampal ko talaga ang nagtanong," ang parinig ni Abel. "Wala kang tiwala kay Sir Estong 'te? 'Di mo nakita ang kasuotan niya? Barong Tagalog? Galing sa baul iyan. Di mo ba naaamoy ang naptalina? Iyan ang amoy ng mga damit kapag may-ari ka ng rest house," ang patuloy na pang-iinis pa rin ni Abel habang palihim naman na tumatawa si Mang Estong.

Ang Lihim Ng Ibong TagakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon