By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
fb: Michael Juha Full
-------------------------------
"Ang mga Tagak ay malalaking ibon na may taas na hindi bababa sa tatlong talampakan kapag mature at ang kanilang timbang ay nasa halos dalawang kilo. Mahahaba ang kanilang leeg at paa at kadalasan ay purong puti ang kulay ng kanilang balahibo. Karamihan sa kanila ay migratory o nanggagaling sa malalamig na mga bansa. Kapag tag-init ay bumabalik sila sa lugar na kanilang pinanggalingan," ang paliwanag ni Abel sa mga estudyanteng high school na dumayo sa kanyang rest house. Simula kasi nang dumating sa buhay niya si Damsel ay nagpagawa si Abel ng isang sanctuary para sa mga alagang hayop na inabandona, inabuso, may sakit, may mga pinsala o mga baby animals na nawalan ng mga magulang. Ngunit si Damsel pa rin ang pinamahal niyang alaga. Ginawa niya itong mukha sa kanyang advocacy para maitaas ang kamalayan ng kabataan sa kahalagahan ng pangangalaga sa mga hayop at kalikasan. Inilagay niya ang kuwento ng buhay ni Damsel at iba pang mga alaga niya sa video at iponost ito sa kanyang page at Youtube Channel. Nang nagviral ito, nagkaroon ng libo-libong tagasunod. "Likas na monogamous ang mga tagak. Ibig sabihin, kapag nakahanap na sila ng partner, panghabambuhay na ito. Forever kumbaga. Hindi kagaya sa karamihan sa atin, marami riyan ang pinaasa, ang iba ay nahulog sa mga pa-fall, marami ang umuuwing luhaan. I'm sure marami sa inyo ang natamaan," dugtong niyang biro.
Tawanan ang mga estudyante.
Habang ganoong nagi-explain si Abel, nasa ibabaw ng bubong ng rest house naman si Victoria. Kasalukuyang tinutulungan si Damsel sa patuloy na paggawa ng pugad. Demo nila, kumbaga. Hinakot ni Victoria sa ibabaw ng bubong ang isang langkay ng mga sanga ng kahoy at isa-isa niyang iniabot ang mga ito kay Damsel upang ipuwesto ito ng ibon sa nararapat na sulok ng kanyang pugad.
"Ito ang dahilan kung bakit tinulungan naming gumawa si Damsel ng kanyang pugad. Sa darating na buwan ay panahon na ng pagdayo ng mga tagak. Maghahanap sila ng pagkain dahil sa lugar na kanilang pinaggalingan ay nagyi-yelo, mahirap maghanap ng pagkain. Dito sila titira at bubuo ng pamilya. Panahon din ito para sa mga 'single' na tagak na maghanap ng kanilang kabiyak at dito nila palakihin ang kanilang mga supling. Kaya si Damsel, kahit baldado, isa lang ang pakpak, naghahanap din ng kanyang forever. At tutulungan namin siya. Para kasi sa mga lalaking tagak, kapag maganda ang pagkagawa ng pugad, nai-in love sila sa babaeng tagak na gumawa nito." Saglit na nahinto si Abel, "Sino ba sa mga babae rito ang single at naghahanap?" ang pabirong tanong niya.
Nagtawanan ang mga estudyante. "Ito po, Sir!" "Siya po, Sir!" Nagtuturuan.
"Dapat din kayong matutong gumawa ng pugad!"
Lalong lumakas ang tawanan.
Tumaas ng kamay ang isang estudyante. Tinuro siya ni Abel.
"May kapansanan po si Damsel, may magkakagusto kaya sa kanya na lalaking ibon? Alam naman natin ang ibang mga boys d'yan..." sabay irap sa isang grupo ng mga lalaking estudyante na halatang may pinaparinggan, "...maarte, mapili kala mo naman..."
Nagtatawanan uli ang mga babaeng mga estudyante, pati ang ibang mga lalaki. Natawa na rin si Abel. "Magandang tanong. Ngunit ako man ay hindi rin sigurado. Sana ay idaan na lang talaga sa ganda ng pugad. Sana ay ganoon din ang tao, no? Wala na iyong kapogian, kagandahan, kinis ng balat, tangkad. Lahat ng single na babae ay gagawa na lang ng pugad at iyon na."
Sumagot ang isang estudyante. "Puwede ring ang mga lalaki ang gagawa ng pugad at kaming mga girls ang mamimili."
Tawanan uli.
"May ganyang klaseng ibon din! Mga lalaking ibon ang gumagawa ng pugad at mamimili na lang ang mga babaeng ibon!" ang sagot naman ni Abel. At baling niya sa isa pang estudyante na tumaas ng kamay, "Yes?"
"Bakit po Damsel ang pangalan niya?"
"Ang ibig sabihin kasi ng Damsel ay dalaga, dalagita, o virgin," sagot ni Abel. Ikinuwento rin niya ang isang pelikula na may temang "Damsel-in-distress" na sa bandang huli ay isinalba ng isang "Hero" na naging love of her life.
Napa-"Wow!" ang mga estudyante sa kanilang mga natututunan.
-----
Sumapit ang Nobyembre, ang buwan kung saan ay magsidatingan ang mga dayong ibon. Dahil sumikat na ang facebook page ni Damsel at alam ng mga tao na naghihintay siya sa kanyang "Hero," excited ang lahat.
Ngunit natapos ang Nobyembre na sa dinami-daming tagak na nagsidatingan ay walang ni isa sa kanila ang dumapo sa pugad ni Damsel. Marami ang nalungkot.
December 10 ng hapon, ito ang buwan at petsang hindi nila malilimutan. Hindi magkamayaw sa pagsisigaw si Mang Estong. "May dumapong ibon sa pugad ni Damsel! May dumapong ibon sa pugad ni Damsel!!!
Pakiwari ni Abel ay iyon na ang pinakamagandang sigaw na kanyang narinig. Halos matapilok siya sa hagdanan sa bilis ng kanyang pagtakbo palabas upang tingnan ang sinabi ni Mang Estong. At doon niya nakita ang isang ibong katulad ni Damsel. Puting-puti ang kanyang pakpak, matikas ang kanyang tindig... napakagandang ibon. Lahat sila ay nabalot sa tuwa at sobrang pagkamangha.
Kapwang nag-iingay si Damsel at ang dayong ibon. Tila gumagawa sila ng ritwal. Ramdam ng mga tao na may gusto sa isa't-isa ang dalawang ibon. Hindi sila mapigil sa kanilang pag-iingay.
Sa sobrang tuwa ay hindi namalayan nina Abel at Victoria na nagyakapan na pala sila habang tumatalon. Ngunit bigla rin silang nahinto nang natauhan sa kanilng ginagawa. At kagaya ng dalawang taong may pride, biglang bumitiw sila sa kanilang yakapan at kunyari ay wala lang nangyari habang nagpatuloy sila sa pagsisigaw at pagtatalon.
"From now on, you will be called 'Hero'!" ang sigaw ni Abel.
Nagpalakpakan ang mga tao.
Dahil hindi nakakalipad si Damsel, hindi umalis si Hero sa tabi niya. Makalipas ang mahigit dalawang linggo ay nangitlog si Damsel. At paglipas pa ng mahigit ng isang buwan ay nagkaroon sila ng limang inakay. Natupad ang kanilang pangarap para kay Damsel.
Doble kayod sina Abel at Victoria sa panghuhuli at pamimingwit ng isda. Pinapakain at sinusubuan nila ang mga inakay habang si Hero naman ay tila naka-check in lang sa isang hotel, nakikain sa mga huling isda nina Victoria at Abel na nilalagay sa aquarium. Ngunit hindi nila ito ininda. Masaya sila sa naibigay na kaligayahan ni Hero kay Damsel.
Lumipas ang tatlong buwan at lumaki ang mga inakay. Natuto silang lumipad. Panahon na rin iyon ng pagbabalik ng mga dayong ibon sa kanilang pinanggalingan. Unang lumisan ang limang mga anak nina Damsel at Hero. Dito nila napansin na tila gusto na ring umalis ni Hero. Noong una ay lumipad ito palayo ngunit bumalik na tila gusto niyang isama si Damsel. Halatang nalilito siya kung bakit nanatili si Damsel sa pugad. Paulit-ulit siyang lumipad at bumabalik. Hanggang sa dumapo na lang siya sa tuktok ng poste na hindi kalayuan sa pugad. Pinagmasdan niya si Damsel. Limang araw siyang ganoon. Si Damsel naman ay tumatalikod. Iyong tila ang mensahe para kay Hero ay, "Umalis ka na, hindi ako puwedeng sumama. Okay lang ako rito..."
Lungkot na lungkot silang lahat sa nakitang kalagayan ng dalawang ibon. Kung gaano kasaya ang mga tao nang dumating si Hero ay kabaligtaran naman sa sandaling iyon. "Huwag mo nang iwanan si Damsel, Hero. Kawawa naman siya..." ang sigaw ng ibang tao.
Ngunit dahil nakagisnan at nasa dugo na ni Hero ang pagiging migrante, tuluyang din siyang lumisan...
(Itutuloy)