By Michael Juha
getmybox@hotmail. com
fb: Michael Juha Full
----------------------------
Maulan ang hapon na iyon. Alas-5:30 nang maisipan ni Abel na ikutin ang lupain na nakapaligid sa rest house. Nang binaybay niya ang pampang ng ilog, napansin niyang medyo tumaas na ang tubig. Babalik na sana siya nang makita niya ang dampa ni Hector na nasa kabilang pampang. Naisipan niyang silipin ito. Tinawid niya ang bakis-bakis na tulay na yari lamang sa kawayan.
Bakas sa mukha ni Hector ang pagkagulat nang makita si Abel sa harap ng kanyang dampa. Hindi niya alam ang kanyang gagawin. Mistulang isang tuod siya na nakatayo na lang sa harap ni Abel. Nang nagkatitigan sila, doon napagmasdang maigi ni Abel ang anyo ni Hector na hindi niya napansin sa una nilang tagpo. Katamtaman ang pangangatawan ni Hector, may mahaba at kulot na buhok. Kung hindi lang siya nakadamit panlalaki ay masasabing kambal sila ng kapatid niyang si Victoria. Guwapo si Hector. Makinis ang mukha, matangos ang ilong bagamat ang kanyang suot na damit at pantalon ay luma, puno ng mantsa na normal lang para sa mga taong-bukit. Halatang hindi rin siya maasikaso sa kanyang sarili. Gusot-gusot ang buhok, nakapaa lang, at marurumi ang kamay at paa.
Sa pagkataranta niya ay napako rin ang tingin ni Hector kay Abel. Naglalaro sa kanyang isip ang tanong kung ano ang tunay na pakay ni Abel. Hindi rin niya alam kung ano ang sasabihin. Ang nasa isip lang ni Hector ay naroon kay Abel ang kanyang ibon at ang galit niya rito dahil sa puwersahang pagkuha niya sa kanyang alaga. At masama pa rin ang loob niya.
"Puwede bang pumasok sa dampa mo?" ang tanong ni Abel.
"B-bakit po? Wala na po akong ibon na itinatago sa aking dampa," ang patutsada ni Hector.
Nagpanting ang tainga ni Abel nang marinig ang sagot ni Hector. "Mag-ingat ka sa salita mo. Baka mamaya ay sabihin ko sa may-ari na palayasin kayo rito. Gusto mo iyon?"
"Ganyang naman kayo. Kapag mahihirap, kayang-kaya ninyong takutin. Kayang-kaya ninyong sirain o paiikutiin ang buhay," ang pagmamaktol ni Hector, hindi maiwasang iparamdam ang galit lalo na sa mga taong may kaya sa buhay.
"Anong sabi mo?" Medyo tumaas na boses ni Abel.
"Wala po..." ang sarkastiko namang sagot ni Hector.
Inikot ni Abel ang paligid ng dampa. Nakita niya ang mga pananim na gulay, dalawang inahing manok at isang tandang. May inis na nakatingin lang si Hector sa kanya. Si Abel naman ay patango-tango lang habang tinitingnan ang paligid.
Pagkatapos ay umakyat na si Abel sa kawayang hagdanan patungo sa dampa. Hindi na niya hinintay pa ang pagpayag ni Hector. Sa isip niya ay nasa kanya ang lahat ng karapatan. "Sino ang natutulog dito?" turo ni Abel sa papag na kawayan na may banig pa at lumang kumot na nakatupi.
"S-si Victoria..."
Iyon lang. Tapos sinilip pa niya ang iba pang sulok sa loob ng dampa. Nang walang ibang napansin ay naisipan na niyang umalis. Kahit lampas alas sais lang iyon ng gabi ngunit dahil sa makulimlim na langit, halos nababalot na sa dilim ang paligid, dagdagan pa sa malakas na ulan. Nagpumilit pa rin si Abel na umalis. Sa isip niya ay maliligo naman siya pagdating ng rest house at hindi kalayuan iyon. Hinatid siya ni Hector sa pampang.
Ngunit nang nasa pampang na sila, doon nila naaninag na tumaas na ang tubig at halos umapaw na ito sa pampang. Wala na rin ang improbisadong tulay na kawayan. Tinangay ng malakas na agos ng tubig!
"Shit!" ang bulong ni Abel sa kanyang sarili.
"Mahirap tumawid kapag ganyan kalakas ang agos," ang sambit ni Hector.