VI. Central Station
Umupo ako sa pinakadulong parte ng bagon sa LRT na sinakyan ko. Galing akong SM Mall of Asia o mas kilala sa tawag na MOA, bandang Pasay.
Mabuti na lang at kakaunti pa lang ang laman ng tren dahil pangalawang estasyon pa lang ito, galing Baclaran papuntang Roosevelt.
Hinapit ko ang suot na sweater dahil sa lamig. Himala, gumagana nang husto ang aircon ngayon. Siguro nakadagdag na rin ang amihan sa paglamig ng panahon.
Kinuha ko sa bulsa ng aking pants ang cellphone ko. Dalawang araw na nakalipas nung huli kaming mag-usap dalawa. Parang sumasabay na rin siya sa lamig ng panahon.
Huminga ako ng malalim. Napatingin tuloy sa akin 'yung lalaking nakatayo sa bandang harap ko.
"Anong problema nito?" isip isip ko. Hindi ko siya pinansin.
Lalo kong hinigpitan ang pagkakahatak sa sweater ko. Napakalamig. Para akong nakakulong sa loob ng isang freezer, dahil sa lamig.
Kasabay ng paghinto ng tren ay ang paglahad ng isang mas makapal na jacket sa mukha ko. Muntikan na itong masubsob sa akin dahil biglang huminto ang tren, dagdag pa na medyo mauga sa huling parte ng bagon.
"Suot mo na miss, mukhang lamig na lamig ka na e'." Napatingala ako sa kanya. 'Yung lalaking nakatinginan ko kanina. Nakangisi pa itong nakatitig sa akin. Pinagmasdan ko ang hitsura niya. Hindi naman siya mukhang gagawa ng masama, pero para sa akin, ang presko ng dating niya. Mayabang.
"Nagpapapansin ka ba? Kasi kung oo, hindi ako interesado," pagtataboy ko dito. Tumingin ulit ako sa cellphone ko para i-check kung may reply na ba siya, pero wala pa rin.
"Sino 'yan? Boyfriend mo?" Narindi ako sa pagkaintrimitida ng tanong nito.
"Kung boyfriend ko man 'to o hindi, wala kang pakielam. At isa pa bakit mo ba ako kinakausap, e' hindi naman tayo magkakilala—" Hindi ko na natapos ang sinasabi ko dahil bigla itong tumawa, gaya nang biglaang paghinto ng tren kanina.
Pinagtinginan siya ng mga tao, habang siya naka-pako ang mga mata sa akin.
"Okay miss, pasensya na, pero kung ayaw sa'yo 'wag mong pilitin. Sayang naman 'yung mga tao sa paligid mo na hinihintay lang na pansinin mo," nakangiting paliwanag niya. Kumunot ang noo ko. Hindi namalayan na unti-unti ko na palang inaabot ang jacket niya.
Hypnosis? O konsensya? Hindi ko alam. Basta ang alam ko lang ay may kung ano sa ngiti niya na nagpakuha sa akin sa jacket na hawak niya.
Huminto ang tren sa sumunod na estasyon. Central Station. Mukhang dito na siya bababa.
Habang hinihintay ang mga tao sa harapan niya na makababa, ay lumingon ito sa akin.
"Pasensya na 'di ako nakapagreply sa'yo, nahihiya kasi ako, kaya sinundan kita. Dinala ko talaga yang extra kong jacket kasi nakuwento mo dati na lamigin ka. Hindi ko lang ine-expect na 'di mo ko makikilala," sabi nito. Kitang kita ang saya sa mga mata niya na nakita niya ako.
Hindi ako nakapagsalita, ni hindi nakagalaw. Napayakap ako ng mahigpit sa jacket na bigay niya. Unti-unti kong naintindihan ang mga nangyari.
Siya, ang lalaking gustong gusto ko, makita, makausap, mayakap sa personal. Siya, siya ang lalaking 'yon. Hindi ko alam bakit hindi ko siya namukhaan. Makakalimutin ba ako? O sadyang ganito lang talaga kapag ngayon mo lang siya nakita ng personal?
Bago pa man magsara ang pintuan ng tren ay bumaba ako. Halos tumakbo na, para lang maabutan siya.
Magkikita pa kami, nararamdaman ko. Luminga-linga ako, kulang na lang ay mabali na ang leeg para lamang makita siya.
"Saan ka na ba," nanginginig na ang boses ko. Nauubusan ng pasensya dahil sa dami ng tao.
"Hala yung lalaki nahagip ng tren!"
Kasabay ng sigaw na 'yon, ay ang pagbagsak ng luha ko. Tila bumagal ang oras habang hinahakbang ko ang mga paa palapit sa nagkukumpulang mga tao.
Pahigpit nang pahigpit ang yakap sa jacket na nagpainit sa nilalamig kong katawan. Pahigpit nang pahigpit ang panalangin na sana—
"Hindi siya 'yan. Hindi siya 'yan diba? Hindi pwede!"
BINABASA MO ANG
Unheard Hearts
Cerita PendekHappiest people often shares most painful stories. And most of them are 'unheard'. April, 2020