Hindi Inaasahan

31 2 0
                                    

Hindi Inaasahan

Wala akong alam sa naganap na pangyayari,
Tila ba ang lahat ay parang isang kidlat— hindi ko mawari,
Akin na lamang napagtanto;
Ikaw na pala ay aking gusto,
Nananaginip ba ako?
O nagpapatansya lang ako nang husto?

Noong una ay natakot ako dahil baka ako
lamang ay nalilito,
Ngunit sa oras na ako’y iyong tinawag,
Nakaramdam ako ng sigla at hindi ko ito mapahayag,
Nais kong alamin at tuklasin pero ako’y nanatiling basag,

Pero tinulungan mo akong mabuo,
Na sa bawat segundo at minuto
na kausap ka ako’y naging totoo;
Ako nga lang pala ito, nandito lang sa dulo.

Pero tinulungan mo ako; na humakbang at tumungo,
Patungo sa kung saan, hindi ko malaman
kung ito ba talaga ang daan?
Kapag tinahak ko ito, ako ba ay mahihirapan?
Ang nakaraan ba ay akin nang matatakasan?

Dumating ka lamang nang biglaan,
Pumikit ako sandali at lumitaw ka na sa aking harapan,
Pinapasaya mo ako sa kahit na anong paraan,
Pero bakit ngayon kita nadatnan?
Hindi ba’t sobrang aga pa naman?
Ang dami ko pang bagay na pinag-iisipan,
Kasama ka na doon dahil ako pa rin ay naguguluhan,
Ang puso ko ba’y muli kong ilalaan?

Ni hindi ako makapag-isip nang ayos
dahil patuloy kang umaagos
na para bang ilog sa aking isipan na nagpapadalos-dalos,
Kagagaling lang ng aking mga galos,
At ako ay hindi pa rin tapos,
Naghihintay lang ng tiyempo para sa wakas ako’y makaraos.

Nabigla ako sa iyong pagdating,
Ginagawa ko ang lahat para ikaw ay makapiling,
Pero ito ba’y sapat na para sa binibining
aking iniibig?

Ang iyong paglitaw ay hindi ko napaghandaan,
Napukaw mo lang ang atensyon ko pero hindi ko inakalang ako ay iyong mauunahan,
Ito’y iyo nang sinimulan, at ako na ang magpapatuloy nito hanggang kahit kailan,
Sapagkat ikaw ang dumating sa buhay ko na hindi ko inaasahan.

Gunita at HarayaWhere stories live. Discover now