Beneath the Stars

37 2 0
                                    


Sa Ilalim ng Mga Bituin

Patuloy akong nakikinig ng musika,
Hindi ko namamalayan na sila ay tungkol sa iyo, sinta,
Pati sa pagsulat ng tula, ikaw ang nailalagay kong paksa,
Hanggang kailan ko pipiliting kalimutan ang nakaraan na?

Kung tutuusin parang sumakay lang akong dyip,
Kasama kitang sumakay pero sandali akong naka-idlip,
Paggising ko wala ka na, baka isa ka lamang na panaginip?
O isa ka lamang sa mga taong nagtangkang sumilip?

Sumilip sa pinangarap kong hinaharap na hindi matatag,
Masyado akong nadala sa iyong mga ngiting marilag,
Nakalimutan ko tuloy kung papaano ako nakapaglayag,
Natigil ako bigla sa gitna ng karagatan at walang kalasag.

At ito na nga, sa pagdating ng sigwa,
Ako ay natataranta, paano nga ulit mangasiwa?
Ang aking barko, unti-unti nang lumulubog at nawawala,
Kasama akong nalulunod, kasabay ng umaagos kong luha.

Kung mayroon man tayong lugar na kitaan,
Sa tingin ko ito ay sa ilalim ng puno at kalangitan,
Habang tayo pa ay laging magkikita sa daan,
Sabay nating papanoorin ang mga bituin sa kalawakan.

Pag-uusapan ang nangyari sa buong araw ng bawat isa,
Parehong makikinig sa mga hinanakit at mga problema,
Sabay na lulutasin at sosolusyan kapag batid na kaya,
Hanggang sa bigla na lamang naglaho na parang bula.

Ngunit sa kabila ng lahat, ay patuloy na bumibisita,
Sa lugar na kung saan ang usapan tayo ay magkikita,
Pinagmamasdan ang mga bituin kahit na ako'y nag-iisa,
Minsan din nama’y nagba-baka sakaling bumalik ka.

Batid ko na sa pagdating ng panahon ako'y mapapagod,
Na magpabalik-balik sa ilalim ng puno lagpas ng bakod,
T’wing darating ako, naaalala ko na wala nang hahagod,
Sa likod kapag ako'y dadalawin ng antok at nais na matulog.

Sa paggising ko, ang aking pag-iisa ay nabigyang diin,
Habang ang mga tala sa itaas ay patuloy sa pagningning,
Hindi sila humihinto; Pero huwag kang mag-aalala sa akin,
Sapagkat narito lang ako naghihintay sa ilalim ng mga bituin.

Gunita at HarayaWhere stories live. Discover now