How the Time Flows

33 2 0
                                    


Daloy ng Panahon

Araw-araw,
Bumabangon akong walang ngiti sa aking labi,
Pumapasok sa aking isipan na isang araw na naman
upang damdamin ang pighati,
Na dala ng nakaraan at pati na rin ng kasalukuyan,
Puros hinanakit at kalungkutan,
Hindi ko na mawari kung mayroon
pa bang patutunguhan,
Pinipili ko namang maging positibo sa kahit na anong paraan,
Pero bakit sa huli ako pa rin ang talunan?

Araw-araw,
Lumalaban ako kahit na wala akong napaghandaan,
Tumutuloy kahit na hindi alam kung saan-
Saan ako dadalhin ng aking sinusundan,
Para akong nakapiring at kumakapa sa kawalan,
Kaunti na lang, titigil na ako at papalunod sa karagatan,

Araw-araw,
Nagsisinungaling ako't niloloko ko ang sarili ko,
Para kung ano man ang banggitin ko ay magkatotoo,
Hanggang kailan ba ako maghihintay?
Pagod na ako kakaantabay,
Gusto ko na lang naman muna tumigil sa paglalakbay,
Kung pwede naman, mauna na akong mawalan ng buhay.

Araw-araw,
Itinutuon ko ang atensyon ko sa mga bagay,
Mayroon man o walang saysay,
Sa ganitong paraan na lamang ako sumasabay,
Nang sa gayon hindi ako mawalan ng kulay,
Dahil baka pagsapit ng bukang liwayway,
Tumawid na ako sa tulay-
Tulay patungo sa katapusan ng aking nilalakbay.

Gabi-gabi,
Tumitingala ako at humihingi ng tulong sa itaas,
Pagsapit ng alas dose ako ay lumalabas,
Hihiling ako sa mga bituin na kumikinang,
Na sana sa aking paggising ako ay nananaginip lamang.

Gabi-gabi,
Pinapadaloy ko ang parang ilog kong luha dahil sa agos,
Sa mga unan ko ito'y tumatagos;
Saksi pati ang kumot sa pagtatago ng aking dinaramdam,
At pati ang mga salita kong tila ba namamaalam.

Gabi-gabi,
Naghahanap ako ng makakausap,
Dahil ang sarili ko'y hindi ko maiharap,
Sa salamin na puno ng alapaap,
Sa sandling ito, gusto ko na lamang matakpan ng mga ulap.

Gabi-gabi,
Kinakain ako ng aking mga malikmata,
Nilalason ako ng aking mga haraya,
Pinipilit akong sundin ang inuutos nila na;
"Magpatiwakal ka,"

Sa nagdaang mga taon,
Ilang beses kong sinubukang tapusin ang pagkakataon,
Pagkakataong mabuhay at bumangon,
Ngunit pagkatapos balakin ay ito'y naitatapon,
At babalik kung saan man ako pumaroon,
Hindi ko namamalayan ang panahon,
Ang sirkulo ng buhay ko ay lunod at ahon;

Nakakapagod. Nakakasawa. Nakakahilo.

Paikot-ikot na lamang ang kaganapan,
Nakakatakot nang sumaya kahit sandali lang,
Maya-maya ay malulungkot ka na naman,
Hindi ko malaman kung bakit hindi man lang ako binabalaan?
Paulit-ulit kong naririnig ang mga salitang
Hindi ko gustong pakinggan,
Kahit na takpan ko nakakahanap pa rin ng lagusan.

Nakakabingi.

Nagkunwari akong wala akong nakita,
Ang totoo niyan alam ko na,
Hindi ko lang pinupuna,
Sapagkat naniniwala akong ito ay daya,
Lalo na at mayroon akong tiwala.

Hindi ko naman aakalain na gano'n lang kadali,
Parang kisapmata bigla na lang nahuli,
Ang katotohanan nga nama'y hindi makukubli,
Pwede bang tumigil ang oras kahit sandali?
Nais kong pag-isipan ang mga pangyayari,
Dahil sa unang pagkakataon, wala akong maunawaan.

Ang paglipas ng bawat segundo,
Nasisira ang aking pagkatao,
Pati na rin aking mga prinsipyo,
At lalo na ang mga pangarap ko.

Nakakahapo na.

Pero nangako ako na sa kabila ng lahat ng ito,
Kikilos pa rin ako at susulong para maabot ang dulo,
Kahit sabihin pa nating kailangan kong
danasin ang maraming gulo.
Siguro ay dapat na akong masanay sa konsepto,

na ito ang sistema at daloy ng panahon.

Gunita at HarayaWhere stories live. Discover now