CheckmateAko
ay minsan
na ring naligaw
sa kawalan na puro
dilim; hindi ako makasigaw
at hindi rin naman ako makagalaw.
Lahat ay aking ginawa, ano pa ba ang kulang?
Sinubukan ko na kumapit sa isang maliit na lubid,
Hindi ko maunawaan, mali pala ang aking nakapitan,
Dahil lalo lang akong nakulong sa sarili kong bilibid,
Dalawa ang isip ko; Patuloy ko ba itong hahawakan?
Natatakot ako na pati itong lubid ay mawala bigla—
Ako ay nagkamali na naman dahil hinawakan ka,
Sapagkat ako ay naliligaw at nalilito pa rin pala,
Nagsisisi, galit at malungkot na kinapitan kita,
Dahil naiparamdam ko ang hindi pa dapat.
Pasensiya na kung isang araw ay bigla—
Bigla akong tumigil sa nakasanayan mo,
Hihingi ako ng tawad sa mga kilos ko,
Na hindi ko naman naituloy sa dulo,
Takot lang akong sumugal muli lalo
na at ako ay narito pa rin sa gitna;
Patawad kung ako’y uurong muna
at hihinga. Paumanhin nga, sinta,
Kakayanin mo ba ang maghintay?
Sandali lamang ang desisyon ko,
Isasama kita pero ika’y mangako;
Babalik ako at babalik ako sa iyo,
Wala ng aalalahanin dahil ako na
sa wakas ay muling buong-buo.
Ikaw ang nagtulak sa akin dito,
Kaya salamat sa iyo, mahal ko,
Ang sarili ko’y mahahanap na ulit,
Mga luha na bumagsak at pumatak ay
pabaliktad nang aagos at ang wasak na
puso ay magdidikit-dikit at titibok ng ulit.
Ito nga ang sinag na nakikita ko sa iyo, ikaw
ang lubid na sandali kong binitawan, binuksan
mo ang kurtinang harang kaya nasilayan kong muli
ang bukang liwayway kasabay ng araw na nasa aking
harapan. Gusto kong ikaw ay yakapin. Palalayain ko na
ang bumabagabag sa akin na nakaraan; itutuon na ang
atensyon sa kung ano ang nasa kasalukuyan at ikaw ‘yon
aking sinta. Dati ako ay ligaw sa kawalan pero pinakapit
mo ako sa iyo at nahanap ko ang daan para makausad.
Maraming salamat, aking sinta’t maligayang kaarawan.
YOU ARE READING
Gunita at Haraya
RandomWhere in, chained ardency has a freedom to outgo and reach the hearts of certain people. Thus, they will be able to realize their chord. This is a collectanea of my poems and random thoughts. - Jeano. Illustration link: https://pngtree.com/freepng/m...