Chapter 7

12 1 0
                                    


"Ang dahilan mo para pumarito ka dito sa aming bayan ng walang pahintulot sa akin, ay?" Pormal na utos niya. Napalunok ako nang wala akong maisip na dahilan, ano bang sasabihin ko talaga? Na naligaw lang naman talaga ako sa gubat at aksidenteng may nakakita sa'kin, at boom! Nakarating lang ako bigla dito ng lingid sa aking kaalaman.

Hindi ko pa nasasagot ang unang tanong niya ay may kasunod agad ito.

"Ang pangalan mo ay?"

"S-Sheryn po."

"Taga saang dako ka?"

"S-sa labas ng lugar na 'to."

"Ayusin mo." Napipikon na sagot niya. Na-offend ko ata siya. Pano ba naman kasi, ang bilis niya kung magtanong!

"Anong pakay mo dito?" Ulit niya.

"W-wala p-po." Nagsimula na akong magkautal-utal sa mabibilis niyang tanong.

"Alam mo ba na ang ginawa mong pagpasok sa lugar na ito nang walang pahintulot mula sa akin ay... pinaparusahan?" Tunog ng pagbabanta ang narinig ko mula sa kanya, na mas lalong nagpakabog sa puso ko.

Nakayuko lang ako at hindi umimik. Hindi ko talaga alam kung paano magpaliwanag, natatakot ako. Natatakot ako sa mga bawat salitang mabibitawan ko na maaaring makapahamak sa sitwasyon ko ngayon.

"Tatlong minuto para magpaliwanag." Saad niya. Unti-unti nang bumubuo ang butil ng mga pawis sa noo ko, mas tumatagal ay mas lalong bumibigat ang  huminga ko.

Mula nang nahuli ako ng ama nila Marfelo ay agad niya akong inihatid dito, hindi ko alam ang halo-halong nararamdaman ko nang ihatid niya ako dito at sinubukan ko pang makiusap na huwag niya akong dalhin sa kahit saan pero hindi siya natinag. Hanggang ngayon ay kulang nalang sumabog na ang puso ko sa sobrang kaba, ang sabi ni Mercelita sa akin kanina bago kami umalis ay ang lugar na ito ang tanging entrance at exit daw ng mga tao sa loob ng bayan na 'to. Ang sinumang lalabas at papasok ay kailangan ng pahintulot mula sa tinatawag nilang Señora Amoré.

Wala akong kaalam-alam sa prinsipyo, galawan, ekonomiya at buhay nila sa lugar na 'to. Hindi ko maiwasang mag-isip na kahibangan lang siguro ang lahat ng 'to at maya-maya ay magigising na ako.

"Dalawang minuto." Natinag ako nang magsalita siya.
Para akong inosenteng taong pinagbintangan na may nagawang krimen, na kung saan pilit akong pinapaamin sa kasalanan ko.

"Isang minuto at sampung segundo," anunsyo niya.

"Iyo bang nababatid na ang bawat segundong lumilipas ay hindi mo pinapahalagahan ng maayos? Na kung saan napapahalagahan mo lang ito kapag ubos at wala na ang oras mo." Makahulugang saad niya.

Natigilan ako nang sambitin niya iyon, dahan dahan akong napatingin sa kinaroroonan niya.

Mula sa kinatatayuan ko ay walang emosyon ang mga mata niyang nakatingin sa'kin, para talaga siyang reyna sa trono niyang 'yan. Nakaupo siya sa isang queen size single couch, red velvet ang kulay no'n at may mga gintong palamuti pa sa magkabilang-gilid, habang hawak-hawak niya ang silver tea cup niya.

"Limampung segundo." Anunsyo niya ulit. Ramdam ko ang pagka-inip sa tinig niya kaya napatikhim ako at nakahandang magsalita.

"A-ang totoo p-po niyan ay---"

"S-Señora!" Sumabat ang isang pamilyar na boses mula sa pinto. Dahan dahan akong lumingon sa kanya.

"Bakit ka naparito, Marlo?" Bungad niya kay Marfelo. Hinihingal pa rin si Marfelo halatang kagagaling lang niya sa takbo.

"K-kaibigan ko po kasi ang babaeng i-iyan." Turo niya sa'kin.

Hindi natinag si Señora Amoré at nakinig lang kay Marfelo.

Borrowed TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon