Kabanata 6

427 21 26
                                    

"Kanina ko pa napapansin na parang mas daig mo pa ang natalo sa sugal, Ma." Napailing na lang si Mari Casa at napahawak siya sa kaniyang tiyan dahil katatapos lang nilang kumain ng kaniyang ina at ni Debot ng pananghalian. Pakiramdam nga niya ay sasabog na ang kaniyang tiyan dahil sa dami ng kinain.

Tumayo ang ina ni Mari Casa at bahagyang tumaas ang kilay nito. "Paano ba naman kasi, may nasangga ako sa daan na babaeng ang sama ng ugali."

Tiningnan ni Mari Casa ang kaniyang ina. Nakita niya sa mukha nito ang labis na inis na halos umusok na nga ang tainga nito at ngayon na lang ulit niyang nakitang ganoon ito. Tila isa rin itong aktibong bulkan na anumang oras ay maaring sumabog.

"Tapos ano'ng nangyari, Ma?" Ayaw na sanang tanungin pa ni Mari Casa ang nangyari ngunit nadadala siya ng kuryosidad at nais din niyang alamin kung nasaktan ba ang kaniyang ina. Kapag nalaman niyang sinaktan ito ng pisikal ay hindi siya magdadalawang-isip na hanapin ang tinutukoy nito.

"Natapon lahat ng dala kong prutas."

Agad na napangiti si Mari Casa dahil sa sinabi ng kaniyang ina. Tila nga ikinasaya pa niya ang nangyari sa ina. "Binayaran ka rin ba ng fifty thousand, Ma?"

"Buti nga sana kung ganoon kaya lang, tinarayan pa ako. Akala mo naman, sinasadya kong masangga siya." Nakangising napailing ang ina ni Mari Casa. "Napakawalang respeto ng babaeng 'yon."

"Kapal naman ng mukha ng babaitang 'yon! Nasaan ba siya? Kakalbuhin ko talaga ang kilay ng babaitang 'yon!" Umupo si Mari Casa at isinandal ang likod sa headboard ng upuan. Hindi niya ipinahalata ang pagkadismaya dahil akala niya, binayaran din ang kaniyang ina katulad ng ginawa ni Arthur. "Wala siyang karapatang magtaray dahil kaming magaganda lang ang may karapatang magtaray."

"Hindi porket maganda ka, may karapatan ka nang magtaray. Hindi dahilan ang kagandahan ng panlabas na anyo para mangmata ka ng kapwa mo. Kung maganda ka man, kailangan pagandahin mo rin ang panloob mo. Hindi 'yong nakatuon ka lang sa pagpapaganda sa panlabas na anyo."

Hindi nagsalita si Mari Casa dahil muli na naman siyang pinangangaralan ng kaniyang ina. Hindi man nito naibigay sa kaniya ang college diploma na pinapangarap niya, naibigay naman nito sa kaniya ang lahat ng mabubuting aral sa mundo. Kahit din lumaki siyang galawgaw ay palagi niyang isinasabuhay ang mga magagandang aral na ipinamana nito sa kaniya. Hindi lang niya alam kung paano siya naging galawgaw ngunit sa pakiwari niya ay malaki ang naging impluwensya ni Debot para maging ganoon siya.

"Kaya ikaw, Mari Casa, alam kong alam mong maganda ka kaya huwag na huwag kang magmamaliit ng kapwa mo. Palagi kong sinasabi sa iyo 'yan. Kapag nalaman kong nanlait ka ng kapwa mo, ako mismo ang magsasaboy ng asido sa mukha mo para mawala 'yang ganda mo," pagbabanta ng ina ni Mari Casa at malalim itong humugot ng hininga na agad din nitong pinakawalan para maikalma ang sarili.

"Mama naman, akala mo ba sa akin, masamang tao?"

"Pinaaalalahanan lang kita dahil 'yong babae kanina, maganda nga pero ang pangit naman ng ugali. Naku, kapag nakita ko ulit ang babaeng 'yon!"

"Ano'ng gagawin mo, Ma?" tanong ni Mari Casa habang nakatingin sa ina na tila nilalabanan ang inis. Napapailing na lang siya dahil matandain pa naman ang kaniyang ina sa mga naging kaaway nito.

"Huwag na huwag lang talaga kaming magkikita baka kung ano ang magawa ko sa kaniya." Kulang na lang ay ibalibag ng ina ni Mari Casa ang mga paninda. Mabuti na lang ay muli nitong ikinalma ang sarili. "Anak, kunin mo nga 'yong pain reliever ko sa bahay. Sumasakit ang ulo ko."

"Iyan, masyadong kasing na-stress sa babaeng 'yon ang nanay mo, Inday. Tara, samahan na kita. Pabantay na lang ng paninda namin, Mader." Tumayo si Debot at napailing na lang ito nang tingnan ang ina ni Mari Casa.

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon