Kabanata 30

301 16 16
                                    

Kanina pa palakad-lakad si Mari Casa dahil hindi siya mapakali kaiisip kung ano ang susunod niyang gagawin lalo pa at nakita na niya ang kaluluwa ni Roxanne. Malinaw pa rin sa isip niya ang labis na galit sa mukha nito dahil sa pagsanib niya sa katawan nito. Hindi niya akalaing ganoon pala magalit si Roxanne ngunit sa kabila niyon ay nauunawaan niya ito lalo pa at inagaw niya ang lahat ng mayroon ito.

"Alam mo, nahihilo na ako sa ginagawa mo." Napailing si Debot at nilapitan nito si Mari Casa. "Puwedeng umupo ka muna sa kama para naman makapag-isip ka nang maayos kung ano na ang gagawin mo."

Sinunod ni Mari Casa ang sinabi ni Debot. Umupo siya sa kama ngunit nanatiling magulo ang isip niya. Tila dudugo na nga ang utak niya sa kaiisip kung ano ang gagawin at kung paano niya sasabihin kay Arthur na hindi si Roxanne ang kasama nito kundi siya.

Napasapo na lang si Mari Casa matapos maisip kung paano niya pinilit si Arthur na umalis sa kinaroroonan nila kanina kung saan niya nakita si Roxanne. Napapaisip siya kung nasaan na si ito dahil hindi pa rin ito pumupunta sa bahay nina Mama Rose at Arthur. Sa kabila niyon ay hindi pa rin niya inaalis ang posibilidad na puntahan siya ni Roxanne para bawiin sa kaniya ang katawan nito.

"Nasaan na kaya si Roxanne, Mari Casa?" palaisipang tanong ni Debot at tumayo ito sa harapan ni Mari Casa. "Siguro, galit na galit iyon sa iyo at hindi malabong bawiin niya ang katawan niya. Saka bakit kasi tinakbuhan mo siya?"

"Nakita mo naman kung paano niya tangkaing bawiin ang katawan niya sa akin? Kulang na nga lang, suntukin niya ako at kung nahahawakan lang niya ako, baka puro pasa na ako." Napabuntong-hininga si Mari Casa at inangat niya ang tingin para tingnan si Debot. "Pero bakit hindi niya ako mahawakan samantalang ikaw, nahahawakan mo ako?"

"Magkaiba kami ni Roxanne dahil siya, kaluluwa at ako, anghel. Lahat ng gusto kong hawakan, mahahawakan ko kung gugustuhin ko. Puwedeng-puwede ko ngang mayakap si Arthur." Inilagay ni Debot ang mga kamay sa beywang at tinaasan nito ng kilay si Mari Casa. "Siguro naman, hindi mo siya pipigilan sa gagawin niya dahil hindi naman talaga sa iyo ang katawan na 'yan?"

Napabuntong-hininga na lang si Mari Casa dahil hindi niya masabi kay Debot ang gusto niyang sabihin. Kung siya lang ang masusunod, ayaw na niyang umalis sa katawan ni Roxanne dahil masaya na siyang kasama si Arthur. Tila hindi niya kayang mawalay pa rito lalo pa at dito niya napatunayang masarap palang mabuhay.

"Bakit hindi ka makasagot? Hindi ba ikaw na rin ang nagsabing gusto mong makaalis d'yan sa katawan ni Roxanne dahil alam mong kasalanan 'yang ginawa mo?" Napailing si Debot at nagpakawala ito ng malalim na buntong-hininga. "Mamaya o baka bukas, nandito na si Roxanne kaya ihanda mo na ang sarili mo sa pag-alis sa katawan na 'yan."

"Saan ka pupunta?" tanong ni Mari Casa kay Debot matapos nitong tunguhin ang pintuan. Sinikap din niyang hinaan ang tono niya dahil maaring marinig siya ni Arthur lalo pa at nagpaalam lang ito sa kaniya na may kukunin sa ibaba.

Lumingon si Debot. "Hahanapin ko si Roxanne. Please lang, maawa ka sa kaniya, Mari Casa."

Muling nagpakawala si Mari Casa ng malalim na buntong-hininga matapos lumabas ni Debot ng silid. Muli siyang napasapo sa noo dahil sa labis na kalituhan kung ano ang dapat niyang gawin. Gusto niyang gawin ang alam niyang tama ngunit sa tuwing maiisip ang lungkot na mararamdaman niya kapag nakaalis na siya sa katawan ni Roxanne ay naduduwag siyang gawin ang tama.

Nagsisisi tuloy si Mari Casa kung bakit hinayaan niya ang sariling makapasok sa katawan ni Roxanne. Sana ay hindi na niya tinangkang sumanib sa katawan nito, tuloy ay nahihirapan siya kung ano na ang susunod niyang gagawin. Ngayon ay ayaw na niyang umalis sa katawan ni Roxanne na alam niyang malaking kasalanan kung ipagpipilitan pa niyang manatili roon.

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon