Kabanata 20

378 13 11
                                    

Hindi alintana ni Mari Casa ang bawat pagsagi ng balikat niya sa mga taong nakakasalubong dahil tila napadpad sa malayong destinasyon ang isip niya habang naglalakad. Magulo pa rin ang isip niya kung bakit nahahawakan niya ang nais hawakan at kung bakit nakikita siya ng mga tao. Mas lalo siyang napapaisip kung bakit tinawag siya ni Arthur sa pangalan niya kaya naman ang ina nito at si Cecil ay labis na nagtaka. Upang maiwasan niya ang maaring tanong na ibato sa kaniya ng mga ito ay pinili niyang lumabas ng silid.

Napapabuntong-hininga na lang si Mari Casa sa tuwing iisipin na maaring nabuhay siyang muli ngunit hindi niya maitatanggi sa sarili na malabong mangyaring mabuhay siyang muli. Nahihiwagaan siya kung bakit nangyari iyon sa kaniya. Napapaisip na lang tuloy siya na maaring kagustuhan din ng Diyos na mangyari iyon sa kaniya.

"Inday, buti nandito ka. Bakit biglang nag-iba ang suot mo?"

Bumalik lang ang diwa ni Mari Casa matapos marinig si Debot. Napahinto siya sa paglalakad at ibinaling ang tingin sa kaibigang hindi niya namalayang nasa harapan na niya dahil ang tingin niya ay nasa ibaba.

"Bakit parang wala ka sa sarili?" kunot ang noong tanong ni Debot. "Saka bakit nag-iba 'yong suot mo?"

"Hindi ko nga rin alam, Debot. Kanina ka pa ba rito sa loob ng hospital?" Gumilid si Mari Casa upang hindi siya makaistorbo sa mga taong dumaraan sa kinaroroonan niya.

"Nag-ikot-ikot ako rito. Ang dami ko ngang nakitang kaluluwa." Mas lalong kumunot ang noo ni Debot habang nakatitig ito kay Mari Casa. "Teka nga, bakit parang hindi ka mukhang kaluluwa? Bakit parang buhay na buhay ka?"

Malalim na nagpakawala si Mari Casa ng buntong-hininga. "Hindi ko nga rin alam, Debot. Nagtataka nga rin ako kung bakit nakikita ako ng mga buhay na tao."

"Ang gandang babae pa naman kaya lang parang baliw. Nagsasalita nang mag-isa," turan ng babae sa kasama nito. Sandali pa nitong tinitigan si Mari Casa bago tumawa at magpatuloy sa paglalakad.

"Ikaw ba ang tinutukoy nila, Mari Casa?" pagtatakang tanong ni Debot habang nakatingin pa rin ito sa dalawang papalayong babae.

"Oo yata," kibit-balikat na tugon ni Mari Casa. "Para ngang nakikita nila ako."

"Hindi parang, nakikita ka talaga nila." Ibinalik ni Debot ang tingin nito kay Mari Casa. "Anong ginawa mo?"

"Wala akong ginawa, Debot." Muling nagpakawala si Mari Casa ng malalim na buntong-hininga dahil maging siya, hindi rin alam kung ano ba ang nagawa niya. "Sinubukan kong saniban si Roxanne pero hindi naman ako nagtagumpay. Nagtataka nga ako kasi kanina, tinawag akong Roxanne ng mama ni Arthur."

"Ano!" bulalas ni Debot na halos madinig sa labas ng ospital ang tinig nito.

Sumunod na lang si Mari Casa kay Debot habang hawak nito ang kaniyang bisig. Wala siyang ideya kung saan siya nito dadalhin kaya ipinaubaya na lang niya rito kung saan sila pupunta. Hindi na lang niya inintindi ang mga taong nakatingin sa kaniya na sa pakiwari niya ay pinagkakamalan siyang baliw.

Naramdaman ni Mari Casa ang malakas na pagkauntog ng ulo niya sa pinto ng banyo ng mga babae matapos siyang dalhin doon ni Debot. Naiwan siya sa labas habang ang kaibigan niya ay nasa loob na dahil nakasarado ang pinto ng banyo na tila bihira lang na may gumamit ng palikuran na iyon.

"Sorry, akala ko kasi tumatagos ka pa," turan ni Debot habang ang kalahating katawan nito ay nakadungaw sa nakasaradong pinto.

Tinaasan na lang ni Mari Casa ng kilay si Debot habang sapo-sapo ang bandang noo niya dahil sa sakit. Pakiramdam niya ay lamog na iyon dahil kanina lang ay nauntog na siya. Binuksan na lang niya ang pinto ng banyo at pumasok na siya sa loob ng palikuran. Masuwerte sila dahil walang gumagamit ng banyong iyon.

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon