Kabanata 14

360 17 22
                                    

"Parang ang sarap ng sopas, Bakla. Pahingi naman ako." Inilapat ni Debot ang palad sa tiyan nito at ilang sandali pa ay umupo ito sa bakanteng upuan. Bahagya rin nitong inunat ang mga kamay na kung buhay ito ay nasuntok na nito ang katabing babae.

"Kumuha ka na lang kung gusto mong kumain," tugon ni Mari Casa nang hindi tumitingin kay Debot dahil nakatuon siya sa kaniyang ina na ilang sandali nang nakatayo sa harap ng kaniyang kabaong.

Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam ni Mari Casa dahil tumigil din sa pag-iyak ang kaniyang ina. Noong mga oras na humahagulhol ito ng iyak ay wala siyang magawa para mapatahan ito kaya naman maging siya ay napahagulhol na rin ng iyak. Alam niyang masakit para sa kaniyang ina na pagmasdan siya sa kabaong at kung naririnig nga lang siya nito ay hihilingin niyang huwag na itong malungkot dahil mas nalulungkot siya.

"Ganoon ka ba mag-asikaso sa mga bisita mo? Buti nga nakipaglamay pa ako," himutok ni Debot at tinaasan nito ng kilay si Mari Casa.

Humarap si Mari Casa at tinaasan din niya ng kilay si Debot. "Bakit, nakikipaglamay rin naman ako ah?"

"Bakit, kanino bang burol 'to?" Tumayo si Debot at inginuso nito ang litratong nakapatong sa ibabaw ng kabao. "Hindi ba sa iyo?"

Sinamaan ni Mari Casa ng tingin si Debot at saka niya ibinaling ang tingin sa litrato niyang nasa ibabaw ng kabaong. Hanggang ngayon ay naiinis pa rin siya dahil hindi maganda ang kuha niya roon. Hindi niya alam kung bakit iyon pa ang napili ng kaniyang ina gayon ay marami naman siyang magagandang kuha.

"Inday, hindi ko pa rin nakikita si Arthur ah. Mukhang wala nang balak pumunta sa huling araw ng burol mo." Muling umupo si Debot at muli na naman itong umunat. "Mukhang ngayon lang yata siya hindi makikipaglamay."

Napaupo na lang din si Mari Casa sa bakanteng upuan na medyo malapit kay Debot. Napabuntong-hininga siya at iginala ang tingin sa pagbabaka-sakaling makita na niya si Arthur ngunit wala pa rin ito. Tila nga tama ang kaibigan niya na wala na itong balak pumunta sa huling araw ng burol niya.

Sa kabila niyon ay hindi nagtampo si Mari Casa dahil araw-araw nakikipaglamay si Arthur sa burol kasama ang kaibigan nitong si Fred. Ito pa nga ang katuwang ng kaniyang ina sa pag-aasikaso sa mga bisita na tila kamag-anak nila ito. Minsan pa nga ay napagkakamalan na nobyo niya ito.

Napapaisip na nga lang si Mari Casa kung alam ba ng asawa ni Arthur na araw-araw itong nasa burol niya. Kung minsan pa nga ay pupunta ito ng umaga at gabi na uuwi na tila wala itong pamilya. May pagkakataon pa nga na madaling-araw na itong umuuwi.

Muling napabuntong-hininga si Mari Casa matapos niyang maalalang muli ang araw na nakita niyang umiiyak si Arthur sa loob ng sasakyan nito. Gusto niyang tanungin kung ano ang dahilan ngunit hindi naman siya nito nakikita at naririnig kaya hanggang ngayon, palaisipan pa rin sa kaniya kung ano ang dahilan nito. Kung dahil man iyon sa pagpanaw niya, mas mapapatunayan niyang mahal siya ni Arthur bilang kaibigan.

"Ano ang nararamdaman mo na ililibing ka na bukas, Mari Casa?"

Tumayo si Mari Casa at ibinaling niya ang tingin sa kaniyang kabao. "Sobrang lungkot, Debot. Hanggang ngayon nga, hindi pa rin ako makapaniwalang patay na ako. Pakiramdam ko, parang hindi ito totoo."

Tumayo si Debot at hinaplos nito ang likod ni Mari Casa. "Hayaan mo, masasanay ka rin. Ganiyan din ako noong burol ko. Naalala ko pa nga na halos maubos mo na 'yong bagoong."

"Bakit, may pruweba ka?" Nilingon ni Mari Casa si Debot at tinaasan niya ito ng kilay.

"Baka nakakalimutan mong ilang araw rin akong naging ligaw na kaluluwa," tugon ni Debot habang duro nito si Mari Casa.

"Pasensya na, ang sarap kasi ng luto ng mama mo." Kumunot ang noo ni Mari Casa. "Bakit nga pala nagluto 'yong mama mo ng bagoong?"

"Ulam 'yon at hindi 'yon para sa mga bisita." Muling tumaas ang kilay ni Debot at nagpakawala ito ng malalim na buntong-hininga. "Kung alam ko lang talaga na mamamatay ka rin pala, hindi na sana kita sinagip. Sana, buhay pa ako."

Hindi nakatugon si Mari Casa kay Debot dahil nakita niya ang pagdating ni Arthur at kasama nito ang kaibigang si Fred. Napangiti siya at kasunod niyon ay ang pagbuhos ng kaniyang luha. Ang buong akala niya ay hindi na ito pupunta at akala rin niya, matatapos ang huling burol niya nang hindi niya nakikita si Arthur.

"Pasensya na po kung ginabi na kami," turan ni Arthur at masuyo nitong hinaplos ang likod ni Nanay Marife.

"Okay lang, Hijo. Dapat nga hindi ka muna pumunta. Lagi ka na lang kasing puyat."

"Okay lang po basta para kay Mari Casa."

Muntikan nang madapa si Mari Casa nang itulak siya ni Debot. Agad niya itong nilingon habang nakataas ang kilay. "Anong problema mo?"

"Kinilig kasi ako, Inday. Basta para sa iyo raw? Ikaw, hindi ka ba kinikilig?"

Pinigilan ni Mari Casa na ngumiti dahil ang totoo, nakaramdam siya ng kilig sa sinabi ni Arthur. Hindi niya akalain na mayroon pa rin pala siyang pakiramdam kahit isa na siyang kaluluwa. Sa kabila niyon ay alam niyang ginagawa iyon ni Arthur dahil sa pagmamahal nito sa kaniya bilang isang kaibigan.

Muling ibinalik ni Mari Casa ang tingin kina Arthur at sa kaniyang ina habang nakatayo ang mga ito sa harapan ng kaniyang kabaong. "Natatakot ako na dumating ang araw na hindi ko na siya makita. Kung puwede nga lang na rito lang ako kahit pa maging kaluluwang ligaw ako, okay lang makita at makasama ko lang ang mga taong mahal ko."

"Eh kaya lang, imposibleng mangyari 'yon." Bumuntong-hininga si Debot at tumabi ito kay Mari Casa. "Parang posible pala kasi hindi pa naman tayo sigurado kung tatanggapin ka sa langit."

"Akala ko ba, sinundo mo ako?" kunot ang noong tanong ni Mari Casa nang hindi sinulyapan si Debot.

"Kaya nga eh kaya lang, mukhang ayaw mo yata sa langit. Baka gusto mo yatang maging reyna sa impiyerno."

Sinundan ng tingin ni Mari Casa si Arthur at ang kaibigan nito matapos lumayo ng dalawa. Pumunta ito malapit kung saan nakaparada ang sasakyan kaya lumapit siya rito dala na rin ng kuryosidad dahil tila may pinag-uusapan ang dalawa.

"Hindi ba ang sabi ko, bawal makinig sa pag-uusap ng mga tao? Kasalanan ang pagiging tsismosa, Inday."

Hindi inintindi ni Mari Casa si Debot habang sumusunod ito sa kaniya. Nadadala siya ng kuryosidad dahil bakit kailangan pang lumayo ng dalawa kung may pag-uusapan ito. Puwede naman ng mga itong pag-usapan iyon malapit sa kaniyang ina.

"Akala ko ba, sasabihin mo na sa nanay ni Mari Casa, Arthur?"

Tinitigan ni Mari Casa si Arthur dahil tahimik lang ito nang tanungin ni Fred. Inalis niya ang kamay ni Debot matapos nitong tangkaing hatakin siya palayo sa dalawa. Pinili niyang tumayo sa harapan ng dalawa dahil mas nadala siya ng kuryosidad kung ano ang ibig sabihin ni Fred.

"Kung sasabihin ko naman, para saan pa, Fred?" tugon ni Arthur at ibinaling nito ang tingin kay Nanay Marife na nakatayo pa rin sa harap ng kabao.

"Patay na si Mari Casa pero mas maganda pa ring masabi mo. Kung hindi mo rin sasabihin ang talagang gusto mong aminin, mahihirapan ka n'yan."

Natigilan si Mari Casa nang makita ang pagbuhos ng luha mula sa mga mata ni Arthur. Hindi niya maipaliwanag dahil tila biglang sumaya ang puso niya sa kabila ng lungkot na nararamdaman nito. Gusto na niyang isipin na tila higit pa sa kaibigan ang turing nito sa kaniya.

Dahil na rin sa malalim na pag-iisip ni Mari Casa ay tuluyan siyang nailayo ni Debot kina Arthur. Gusto pa sana niyang makinig sa pag-uusap ng dalawa ngunit pinagbawalan siya ni Debot. Kung ano man ang pinag-uusapan ng dalawa, hiling niya na malaman din niya iyon.

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon