Nakatayo lang si Mari Casa sa harapan ni Arthur at ng kaniyang ina habang nakikinig sa pag-uusap ng mga ito. Ang ina niya ay patuloy pa rin sa pag-iyak. Nais man niya itong patahanin ngunit hindi niya magawa. Mas nasasaktan siya para sa kaniyang ina dahil alam niyang mahirap para rito na mabuhay nang mag-isa. Hiling niya na sana ay dumating ang araw na makaahon ito sa kalungkutan dahil sa pagkamatay niya.
Akala noon ni Mari Casa, matatapos na ang paghihirap kapag namatay na ang isang tao ngunit nagkamali siya. Mas masakit pa pala na makitang malungkot ang mga mahal sa buhay dulot ng pagkamatay. Sigurado siyang hindi lamang siya ang nakaranas niyon.
"Maraming salamat ulit, Arthur. Alam kong natutuwa sa iyo ang anak ko dahil hindi mo siya iniwan hanggang sa huli."
Ilang sandaling tumahimik si Arthur bago gumuhit ang pilit na ngiti sa labi nito. "Huwag po kayong mag-alala, kapag may free po akong oras, bibisitahin ko kayo rito. Kung puwede nga lang po, araw-araw ko kayong pupuntahan kaya lang, may pamilya ako."
"Naiintindihan ko, Arthur. Wala ka namang responsibilidad sa akin dahil una sa lahat, kailan lang naman nang magkakilala tayo." Ngumiti si Nanay Marife kahit patuloy pa rin ang pagbuhos ng luha sa mga mata nito. "Huwag ka sanang magagalit, ikaw sana ang gusto ko para sa anak ko kaya lang..."
Tanging pagngiti ang naging tugon ni Arthur. Ilang sandali pa ay humugot ito ng malalim na hininga na agad nitong pinakawalan na tila nais nitong pigilin ang pagbuhos ng luha sa mga mata nito.
Nalungkot si Mari Casa dahil akala niya, ipagtatapat na ng kaniyang ina na mahal niya si Arthur. Kahit pa may pamilya na ito, gusto pa rin niyang malaman nito mahal niya ito. Kung naririnig nga lang siya ni Arthur, sasabihin niyang mahal niya ito para kapag tuluyan na niyang nilisan ang mundo ay masaya pa rin siya dahil nasabi niya ang nasa kaniyang puso.
"Kung wala ka lang pamilya, ako na ang pipilit kay Mari Casa para ligawan ka." Tumawa si Nanay Marife at kasunod niyon ay ang muli nitong pag-iyak. "Sayang lang dahil hindi siya nakapag-asawa."
Hinaplos ni Arthur ang likod ni Nanay Marife. "Tahan na po. Masaya na si Mari Casa kung nasaan man siya."
"Hindi ako masaya, Arthur." Nagpahid ng luha si Mari Casa at napabuntong-hininga na lang siya.
Iyon ang madalas marinig ni Mari Casa sa mga taong pinapatatag ang loob ng taong namatayan ng mahal sa buhay. Nasabi rin niya iyon sa mga magulang ni Debot ngunit wala siyang kaalam-alam na hindi pala lahat ay nagiging masaya at tahimik na. May mga kagaya niya na nahihirapang tanggapin na patay na sila kaya ang bunga niyon ay nakararamdam sila ng matinding lungkot.
"Sige na, Arthur, baka hinahanap ka na. Maraming salamat ulit."
"Malalampasan din po ninyo 'to." Muling hinaplos ni Arthur ang likod ni Nanay Marife. "Kung kailangan po ninyo ng kausap at wala ako, nandiyan po ang Diyos. Handa siyang makinig sa lahat ng sasabihin natin. Ilabas lang natin sa kaniya ang bigat na nararamdaman natin at aalisin niya 'yon."
Ngumiti si Nanay Marife. "Ikaw pa tuloy ang nagsasabi sa akin n'yan samantala ako itong uugod-ugod na."
"Ganiyan nga po, ngumiti kayo. Hindi magugustuhan ni Mari Casa kapag malungkot kayo dahil mas magiging malungkot siya."
"Sana tulungan niya ako," turan ni Nanay Marife at muli itong nagpahid ng luha. "Sige na, Hijo. Baka magtalo pa kayo ng asawa mo dahil narinig ko sa kaibigan mo na hinahanap ka na."
"Sige po. Basta po, bibisitahin ko kayo rito," ani Arthur at lumakad na ito palapit sa sasakyan.
"Mama, babalik ako rito. Sasama lang ako kay Arthur," paalam ni Mari Casa sa kaniyang ina kahit hindi siya nito naririnig.
BINABASA MO ANG
Borrow for Love
RomanceHindi kagustuhan ni Mari Casa na sumanib sa katawan ng asawa ng lalaking mahal niya. Gusto niya itong makasama ngunit hindi sa ganoong paraan dahil alam niyang patay na siya. Wala na siyang pagpipilian kundi magpanggap na siya ang asawa nito. Ang hi...