Kabanata 9

375 23 21
                                    

"Hindi pa ba tayo uuwi, Mari Casa?"

Tumayo si Mari Casa mula sa pagkakaupo sa harap ng puntod ni Debot at humarap siya kay Arthur. "Ayoko pang umuwi, Arthur. Parang hindi ko kayang iwan si Debot. Sige na, mauna ka na. Baka hinahanap ka na ng asawa mo. Salamat ulit dahil nakipaglibing ka."

"Dito lang ako, Mari Casa. Hindi kita iiwan."

Idinaan na lang ni Mari Casa sa pagngiti ang nararamdaman. Tanging pagtitig lang sa mga mata ni Arthur ang nagawa niya dahil gusto man niya itong yakapin nang mahigpit ay hindi niya magawa. Alam niya ang limitasyon niya dahil may pamilya na ito.

Labis ang pasasalamat ni Mari Casa kay Arthur dahil ito ang nakasama niya sa panahon na lugmok siya sa kalungkutan dahil sa pagpanaw ni Debot. Araw-araw niya itong kasama at kung minsan, ito pa ang nag-aaya sa kaniya na maglakad-lakad para makalimutan ang lungkot sa kaniyang puso.

Dahil doon ay lalong minahal ni Mari Casa si Arthur. Gusto niyang aminin dito ang nararamdaman niya ngunit pinili na lang niyang ilihim. Tila kuntento na siyang nakakasama ito bilang isang kaibigan. Hindi pa nga rin siya makapaniwalang magiging malapit sila sa isa't isa.

Tumalikod si Mari Casa kay Arthur at ilang sandali ay nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga. "Umuwi na silang lahat pero ikaw, nandito pa rin sa tabi ko, Arthur. Maraming salamat."

"Alam ko kasi na sa panahon ngayon, kailangan mo ng makakasama."

"Paano kung nakayanan ko na ang lungkot, iiwan mo na ako?"

"Hindi, Mari Casa. Nandito pa rin ako bilang kaibigan mo."

"Alam mo, nagpapasalamat ako dahil kahit wala na ang pinakamatalik kong kaibigan, may pumalit naman sa kaniya." Hindi na napigilan ni Mari Casa ang pagbuhos ng luha sa kaniyang mga mata. Hindi nga niya akalain na may luha pa pala siyang mailalabas dahil ang buong akala niya, naubos na iyon habang tinatabunan na ang labi ni Debot.

"Nagpapasalamat din ako dahil ikaw ang nagiging dahilan para makalimutan ko ang ang problema ko."

Muling humarap si Mari Casa kay Arthur. "Hindi ko alam na may problema ka pala. Siguro naman, hindi sa pamilya 'yan. Noong nakaraan kasi, nakita ko kayo ng asawa at anak mo na magkasama. Parang perfect family kayo." Ngumiti si Mari Casa kahit na nakaramdam siya ng pagseselos nang araw na iyon. "Bagay na bagay kayo ni Roxanne dahil maganda siya. Alam ko ring mabuti siyang tao. Napakaswerte niya sa iyo, Arthur."

Ngumiti lang si Arthur. Tumingin ito sa kalangitan at ilang sandali ay bumuntong-hininga ito. "Ang ganda ng panahon, sana laging ganito."

"Kailanman, hindi mangyayari 'yon, Arthur." Ngumiti si Mari Casa nang ibalik ni Arthur ang tingin sa kaniya. "Parang sa buhay lang 'yan ng tao na hindi puwedeng palaging masaya dahil minsan, kailangan ding maging malungkot at masaktan. Doon kasi tayo nagiging matapang."

"Kapag naka-move on ka na pala, magiging matapang ka na?"

"Oo, magiging matapang na ako. Lahat, hahamunin ko ng suntukan," tugon ni Mari Casa at hindi na niya napigilang mapangiti. Hiling niya na sana ay palaging nasa tabi niya si Arthur dahil kapag ganoon, nakasisiguro siyang madaling maghihilom ang sugat sa kaniyang puso.

Ngumiti si Arthur habang nakatitig ito kay Mari Casa. "Ganiyan, palagi ka na sanang nakangiti. Mas lalo kang gumaganda kapag ganiyan."

Bahagyang lumaki ang mga mata ni Mari Casa dahil hindi siya makapaniwala na sa ilang araw nilang magkasama ni Arthur ay sasabihan siya nitong maganda. Akala niya ay hindi nito napapansin ang angkin niyang kagandahan. Kung may ilalapad pa nga ang ngiti niya ay gagawin niya dahil masaya siyang marinig iyon mula sa lalaking mahal niya.

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon