Idinaan na lang ni Mari Casa sa pagngiti ang kilig na nararamdaman habang pinupunasan ni Arthur ang ulo at mukha niya gamit ang panyo. Kahit ginamit nito ang kamay bilang pamandong niya ay nabasa pa rin siya lalo pa at malakas ulan. Lalo tuloy siyang na-inlove kay Arthur dahil kahit mas nabasa ito kaysa sa kaniya ay siya pa rin ang inisip nito.
"Saan ba kayo galing, Arthur?" tanong ni Mama Rose. Nakaupo ito katabi ng driver.
"May pinuntahan lang po kami," tugon ni Arthur habang patuloy pa rin nitong pinupunasan si Mari Casa.
"Magpunas ka rin, Arthur. Ikaw ang nabasa sa ating dalawa." Ibinaling ni Mari Casa ang tingin sa labas ng bintana ng sasakyan para alamin kung may madaraanan silang tindahan ng damit para makapagpalit si Arthur ngunit wala siyang nakita.
"Okay lang ako. Mamaya lang, tuyo na 'to."
Ibinalik ni Mari Casa ang tingin kay Arthur at hinawakan niya ang damit nito. Napangiti siya dahil hindi naman pala iyon masyadong basa gaya ng iniisip niya. "Mukhang waterproof yata 'tong damit mo ah."
Ngumiti si Arthur. "Nagugutom ka na ba? Saan mo gustong kumain ng lunch?"
"Tinatanong mo pa 'yang asawa mo. Ang gusto niya, sa mamahalin," turan ni Mama Rose habang ang tingin nito ay nasa unahan.
Ngumiti si Mari Casa dahil nakatingin sa kaniya si Arthur. "Kahit sa karinderya, okay ako. Mas masarap kasi kapag lutong bahay kaya lang baka ayaw ninyo roon."
"Kumakain kami ni Mama sa karinderya. Talaga bang gusto mo roon?"
"Mukhang napipilitan lang yata 'yang asawa mo."
Sinulyapan ni Mari Casa si Mama Rose mula sa rear-view mirror dahil napansin niyang nakatingin ito sa kaniya. Ngumiti siya kahit ganoon ang pakikitungo nito sa kaniya. Mas gugustuhin na niyang ganoon ito sa kaniya kaysa naman bigla itong maging mabait dahil alam niyang kapag nangyari iyon, alam na nitong may ibang kaluluwang nasa loob ng katawan ni Roxanne. Nagpapasalamat nga siya dahil hindi nagbago ang pakikitungo nito sa kaniya at nakasisiguro pa rin siyang wala pa itong alam sa nangyari sa manugang.
Naramdaman ni Mari Casa ang paghinto ng sasakyan kaya ibinaling niya ang tingin sa labas ng bintana. Napangiti siya matapos makakita ng karinderya. Bigla tuloy siyang natakam sa lutong ulam lalo na sa bagoong dahil pakiwari niya ay may tindang talong o baboy na may bagoong kahit pa kakakain lang nila ni Arthur ng paborito niya.
"D'yan na lang tayo kumain?" tanong ni Arthur.
Ibinaling ni Mari Casa ang tingin kay Arthur. "Okay lang ba sa inyo?"
"Hindi naman kami maarte tulad mo," turan ni Mama Rose at tinaasan pa nito ng kilay si Mari Casa bago ito umibis ng sasakyan.
"Bilib talaga ako kay Mama Rose, Arthur. Kahit na ganoon siya sa akin, hindi pala siya mapili kung saan siya kakain." Ibinaling ni Mari Casa ang tingin kay Mama Rose na noon ay nakaupo na sa harap ng mesa. Pinagtitinginan pa nga si Mama Rose ng mga tao dahil tila nagtataka ang mga ito dahil may mayamang naligaw sa karinderyang iyon.
"Lumaki kasi sa mahirap na pamilya si Mama."
"Kaya pala." Nakatuon ang tingin ni Mari Casa kay Mama Rose. Mas lalo niya itong nakilala at dahil doon, tila nagbago ang tingin niya sa ina ni Arthur. Kahit na hindi maganda ang pakitungo nito kay Roxanne, naramdaman pa rin niyang mabuti pa rin ang puso nito. "Iyong iba, yumaman lang, naging maarte at naging matapobre na. Dapat nga, maging humble pa rin sila dahil puwedeng mawala lahat ng mayroon sila ngayon."
"Simula nang magtrabaho si Papa sa ibang bansa at magkaroon ng bagong pamilya roon, si Mama na ang tumayong ama sa akin at kahit mag-isa niya akong pinalaki, busog ako sa pangaral niya." Bumuntong-hininga si Arthur at kita sa mga mata nito ang lungkot. "Tara na. Nagugutom na rin kasi ako."

BINABASA MO ANG
Borrow for Love
RomanceHindi kagustuhan ni Mari Casa na sumanib sa katawan ng asawa ng lalaking mahal niya. Gusto niya itong makasama ngunit hindi sa ganoong paraan dahil alam niyang patay na siya. Wala na siyang pagpipilian kundi magpanggap na siya ang asawa nito. Ang hi...