Napabalikwas ako ng bangon nang maramdaman kong unti-unting sumisikip ang dibdib ko. Summer ngayon pero nakakapagtaka dahil umuulan. Malamig ang hangin na pumapasok sa bintana ng kwarto ko na nagsisilbing lamig sa buong paligid. Agad akong napahawak sa leeg ko nang maramdaman kong may suot akong kwintas. Walang duda, ito nga ang kwintas na nakita ko sa study table ko bago ako matulog kanina. Napatingin naman ako sa lamesita na nasa gilid ng kama ko na ngayon ay basa na dahil sa anggi ng ulan. 7:00 PM na. Ilang oras akong tulog at tiyak na di ako makakatulog buong gabi. Ngunit ang gumugulo sa isipan ko ay kung paano naging suot suot ko ang kwintas na 'to.
Napalingon naman ako sa pinto na ngayon ay kinakatok ni mama.
"Rosa, gising na dyan. Kakain na." tawag pa nya sa labas.
"Susunod na po." sagot ko naman. Ilang segundo pa, narinig ko ang mga yapak nya na pababa ng hagdan hudyat na nagtungo na sya sa kusina. Inayos ko naman ang higaan ko at isinara ang bintanang malapit sa lamesita dahil basang basa na ito. Agad ko rin itong pinunasan at nang matapos na ay bumaba na 'ko para kumain.
Naabutan kong nasa hapag kainan na sina mama at Daisy at kumakain ng tirang ulam na adobo kanina na ininit ngayon. Umupo na rin ako sa tapat ni mama nang biglang kumulog sanhi para mapasigaw ako sa gulat.
"May bagyo daw. Nakakapagtaka nga dahil dapat ay tag-init eh." ani mama habang pinupunasan ang bibig ni Daisy na nagkalat ang kanin at sarsa ng adobo sa bibig nya.
"Ayos na rin yan, para hindi masyadong mainit sa araw." sagot ko naman habang nagsasandok ng kanin. Wala akong masyadong gana ngayon kaya kaunti lang ang sinandok ko.
Nang matapos kaming kumain ay nag-kusa na akong magligpit ng kinainan at maghugas ng mga pinggan. Umakyat naman sila mama at Daisy dahil paliliguan daw nya ito bago matulog. Natapos ako agad sa paghuhugas ng mga pinagkainan. Pinatuyo ko na rin ito at pinunasan.
Umupo ako sa sofa nang sumagi nanaman sa isip ko ang kwintas. Hinawakan ko ito mula sa dibdib ko na para bang sinusuri ko iyon. Hindi ko matandaan kung saan ko nakita ang tala at ang bilog na nasa kwintas at batok ko ngayon, pero pamilyar sakin ang lumulukob na enerhiya sa pagkatao ko sa'twing kakapain o titignan ko iyon.
Ilang sandali pa, narinig kong tumunog ang cellphone ko hudyat na may notification ito. Kinapa ko naman ito sa bulsa ko at agad na binuksan ang message niyon. Nalimutan ko palang patayin ang mobile data ko dahilan para sunod sunod na mag ingay ang cellphone ko dahil sa chat ng mga kaklase ko sa gc ng section namin.
Ms. President : Ingat kayo guys, kanina lang may tornado here samin. Buti na lang medyo malayo sa bahay namin.
Annika : Oo nga. Ingat guys, malakas din ang hangin at ulan.
James : Keep safe, everyone!
Dj : @James maypa-keep safe, keep safe ka pa dyan! Lagi ka namang tumatakas sa cleaners.
Lily : Ingat po tayo!
James : @Dj namo ka!
Ash : Manood kayo ng balita. May malaki daw na ulap ang tumatakip sa buong bayan natin.
Agad ko namang binuksan ang TV namin at inilipat ito sa balita.
"Magandang Gabi, Pilipinas!"
"May malaking hugis bilog na ulap ang tumatakip sa bayan ng Milagros na ngayon ay nakakaranas ng matinding pag ulan dulot ng malakas na hangin na nagmumula sa timog. Ngunit kakikitaan ang bandang timog ng isang sobrang liwanag na bituin---"Kumabog ng husto ang puso ko nang marinig ko ang balita. Kasabay nito ang patuloy na pagtunog ng cellphone ko dahil sa ingay ng gc namin. Malakas din ang hangin na humahampas sa bubong at ang mga patak ng ulan na wari bang galit na galit ang kalangitan.
Bilog na ulap at tala sa bandang timog.
Agad akong napahawak sa kwintas na nasa leeg ko ngayon tinanggal ko ito at ipinatong sa mesa. Ilang sandali ko pa itong tinitigan at napansin kong naging kulay dugo o maroon ang pulang bato niyon. Hinawakan ko ito ulit para suriin kung nagkakamali lang ba ako ng tingin sa kulay nito nang biglang tumigil ang pag-ulan. Natahimik rin ang buong paligid. Agad kong tinignan ang TV na kanina'y bukas na ngayon ay tila ba huminto ang nagbabalita. Nagtungo ako sa taas ng bahay para tignan sila mama nang makita kong parang naging rebulto sina mama at Daisy na hindi gumagalaw sa kanilang higaan. Tinignan kong muli ang pendant ng kwintas na hawak ko nang bigla itong nagliwanag ng sobra at wari bang may ipinakita sa'kin na isang alaala.
●●●
Dapit-hapon at maganda ang papalubog na sikat ng araw. Masayang lumilipad ang isang anghel na ubod ng ganda sa kalangitan. Magiliw niyang pinagmamasdan ang mga taong abala sa kani-kanyang ginagawa nang may makita siyang isang puno sa tuktok ng isang burol. Puno ito ng Narra at hitik ito sa mga malulusog na dahon. Naisipan niyang umupo sa ilalim niyon para mapagmasdan ang ganda ng buong bayan. Kitang kita rin nya ang ilog milagros na mala-kristal ang linaw ng tubig na nagsisilbing ganda ng buong bayan. Dahan dahan siyang umawit at ang tinig nya ay talagang nakakaakit.
Samantala, sa kabilang banda, may isa ring anghel na lalaki ang ubod ng kisig. Ipinatapon siya ng kalangitan dahil sa pagbibigay ng kahilingan sa isang batang mortal. Kapalit niyon ay ang pagiging itim nang kanyang mga pakpak na siyang hindi kaaya-aya at hindi nararapat sa kalangitan kaya naman ipinadala sya sa mundo ng mga mortal. Masama ang loob niyang nilisan ang langit gamit ang itim niyang mga pakpak. Nagmamasid masid sya sa paligid ng isang bayan na mayroong ubod ng linis na ilog nang makita niya ang kaisa-isahang puno ng Narra na nasa burol niyon. Agad syang nagtungo roon at nahimlay sa isang sanga ng puno. Ilang sandali pa ng kaniyang pagkakahiga ay naulinigan nya ang isang tinig na talaga namang kaaya-aya. Malambing itong umaawit na nakakapawi ng lahat ng kaniyang kalungkutan at galit kaya naman napagpasyahan niyang silipin kung sinong nilalang ang may ari ng boses na iyon. Laking gulat niya ng makita ang isang anghel na ubod ng ganda. Naisin man niyang magpakita sa ubod nang gandang anghel ay di niya magawa dahil sa kaniyang itsura. Kaya naman masaya na siyang pagmasdan ito sa malayo sa tuwing bumababa ito sa kalupaan.
Naramdaman kong unti-unting naninikip ang dibdib ko dahilan para mabitawan ko ang kwintas na hawak ko. Sa pagbagsak niyon ay kasabay din nito ang muling paghampas ng malakas na hangin at pagpatak ng malalaking butil ng ulan. Narinig ko ring muling gumana ang TV at nag-ingay ang notification sa cellphone ko. Alas onse na ng gabi, halos tatlong oras palang huminto ang panahon ngunit hindi huminto ang oras. Nanghihina na rin ako at nahihilo kaya naman minabuti kong patayin na ang TV at magtungo na sa kwarto.
Nang makarating ako sa kwarto ay muli akong napatingin sa kwintas na hawak ko. Itinapon ko iyon sa labas ng bintana ko dahil creepy na ang nangyayari sa'kin at 'di ko na kaya pa ang mga susunod na pwedeng mangyari. Habang nakahiga ako sa kama at nakatingala sa kisame ay maraming katanungan ang gumugulo sa isip ko.
Sino ang lalaking iyon?
Anong koneksyon sa'kin ng kwintas na 'yon?
Anong ibig-sabihin ng peklat ko sa batok?
Sino ako?
BINABASA MO ANG
60 Days Summer Of Rosa (On Going)
RandomIsa itong piksyon na naglalahad ng araw-araw na buhay ng isang lowkey na Rakista. Ngunit paano kung ang nilalang na gumugulo sa kaniyang panaginip ay isang malaking parte pala ng kaniyang pagkatao? Will the protagonist chase that man who once make...