KABANATA I

12 0 0
                                    

Nagtatangis ang mga tao sa Astorye. Patuloy pa rin sila sa pagdadalamhati sa pagkawala ng kanilang tagapagligtas, tagapagtanggol, at tagataboy ng mga mananakop. Gabi-gabi, sa kasuluksulukan ng bayan, maririnig ang ungol ng mga Astoryan, tunog ng kalungkutan at takot na apat na taon ng naninirahan sa kanilang mga puso.
 
Ang sabi ng mga matatanda, manampalataya at magdasal sa kung sino mang makaririnig ng kanilang mga daing. Ngunit, hanggang ngayon, wala pa ring nakaririnig sa kanila. Wala na ngang darating upang sila ay iligtas mula sa kahit na anong kapahamakan.
 
"Mahal naming pinuno, kataas-taasan ng Astorye. May sulat po kayo mula sa mga manlalakbay ng Saman." Bumangon sa kanyang higaan ang Pinuno, si Euros. Mahina na ito at sakitin. Taliwas na ang kanyang itsura sa itsura niya noon—makisig, malakas, matipuno at kinatatakutan. "Ano ang kanilang nais?" tanong ni Euros sa paos nitong boses. Dahan-dahan din nitong isinuot ang kanyang mahabang kasuotang panlamig, hinigpitan ang tali sa baywang saka tinungo ang mesa niyang gawa sa matibay na kahoy ng Nara, makinis ang pagkakagawa. Napapaimbabawan din ito ng salaming kasing-linaw ng dagat Ihim na pumapalibot sa kanilang isla. Tiningnan ni Euros ang kanyang kartero, si Fili, saka siya tumungo, tanda na pinapalapit ang kanyang mensahero. Lumapit si Fili at ibinigay ang makapal at naninilaw na papel sa kanyang pinuno.
 
"Ayon sa mensahero ng Saman, tatlong araw matapos mong mabasa ang sulat, dadaong ang kanilang barko sa ating bagong lunsaran. Pinuno, hangad nila ang kapayapaan." Ngumisi ang Pinuno kasabay ng paghigpit ng kanyang hawak sa papel. Napansin iyon ni Fili, ngunit hindi siya natinag, nanatili siya sa harap ng kanyang pinuno. Isa nga siyang tapat na tauhan.
 
"Paano tayo makasisigurong kapayapaan din ang kanilang nais?" tanong ni Euros, kunot ang noo at napapantastikuhan sa nangyayari. Nang 'di na makapag-antay na basahin ang sulat, maingat niyang inalis ang pulang tali sa nakarolyong papel. Nanahimik ito nang makita ang mahabang mensahe ng mga Saman. Isinantabi ni Euros ang papel at tiningnan ang kanyang mapa sa mesa, napapaibabawan ito ng salamin.
 
"Tayo ang bayang nasa dulo ng mapa. Ibig sabihin ng dulo, sa kadulu-duluhang bahagi ng mundo. Malayo sa mga naglalakihang mga bansa. Hindi tayo madaling mapuntahan ng sinumang kaaway ni ang nagnanais ng kapayapaan." Ipinunto ni Euros ang kanyang kanang hintuturo sa mapa kung saan naroon ang kanilang lugar. Sinundan pa ito ng kaliwang hintuturo na ipinunto niya sa lugar na kinatitirikan ng Saman—malaki, isang bansa at sa pagkakaalam niya ay pinaninirahan din ng mga mananakop. "Napakalayo ng Saman mula sa atin. Hindi dahil sa barkong pandirigma sila nakalulan, ilang araw lang ay mararating na nila ang ating bayan. Dalawa, tatlo, apat o baka limang buwan ang kanilang aabutin upang marating ang Astorye." Bumitaw si Euros sa mapa at tiningnan muli ang sulat.
 
Napansin ni Fili ang lalim ng iniisip ni Euros. 'Pinuno, batid kong ang nais mo rin ay kapayapaan, ngunit hindi sa oras na ito maaaring magpapasok ng mga taga-labas,' saad ng isip ni Fili.
 
"Fili, aking kartero, sabihin mo sa ating hukbo, maghanda sa paparating na mga Saman." Yumukod ang Pinuno, kumuha ng malinis at manilaw-nilaw na papel saka ito inilatag sa mesa. Hinagkan niya sa kanang kamay ang panulat at isinawsaw ito sa itim na likido. "Dalhin mo sa kanila itong sulat-"
 
"Ngunit Pinuno, hindi dapat tayo magdesisyon kaagad. Paano ang ating bayan?" Takot ang nangibabaw sa boses ni Fili. Ikinatuwa iyon ni Euros. Para sa kanya, iyon ay katapatan.
 
"Salamat, Fili. Labis kong hinahangaan ang iyong katapatan. Ngunit hahangaan ko rin ng lubos ang iyong katapangan kung tatanggapin mo na lamang ang aking desisyon. Gagawin ko naman ang lahat para protektahan ang aking nasasakupan." Natahimik si Fili. Tumango na lamang siya at hinayaan ang pinuno na tapusin ang sinusulat nito.
 
"Pitumpu't dalawa, pitumpu't tatlo, pitumpu't apat-" Pila-pila ang mga kabalyerong Saman habang sila ay binibilang ng kanilang punong kabalyero, si Luteius. Ang ilan sa kanila, kapansin-pansing nasa kritikal na kondisyon— sugatan at malapit ng kapusin ng hininga.
 
Mula sa ikatlong palapag ng barko, patakbong umakyat sa ikaapat na palapag ang pinakabatang Saman na pinagkakatiwalaan ng kanilang pinuno. Habang abala ang lahat, pinasok nito ang magulong silid ng kanyang pinagsisilbihan. Maingat siyang humakbang at walang pag-aalinlangang binuksan ang mga sisidlan sa lumang muwebles, ang aparador ng kanyang pinuno.
 
"Paumanhin, Ginoo," saad ng labing walong taong gulang na binata sa inosente ngunit madiin nitong boses sa lalaking nasa likuran niya— walang pang-itaas na damit, magulo ang buhok, at bagong gising. Hawak nito ang kanyang punyal na unti-unting bumabaon sa leeg ng binata.
 
"Alam mong hindi tayo magkasundo, Mendele. At hindi ko rin hinahayaang pumasok ang kung sinu-sino sa aking silid. Maaari mo bang bilangin kung ilang batas ko na ang iyong sinuway?" Nanatili sa puwesto ang dalawa maging ang posisyon ng punyal.
 
"Ginoo, maaari mo rin bang bilangin kung ilang payo ko na ang iyong hindi sinunod? Tandaan mo, Yttrius, itinakda akong maging iyong gabay." Sa harap ng salamin, pansin ang galit ng kani-kanilang mga mata sa bawat isa.
 
"Hindi ko kailangan ng payo mo, Mendele! Iyan ang tatandaan mo." Nagpumiglas si Mendele saka inilayo ni Yttrius ang hawak niyang punyal at muli itong isinuksok sa suot niyang pang-ibabang damit. Muli ring naghalughog si Mendele.
 
"'Wag iyan, Mendele. 'Wag mong guluhin ang mesa ko. Mendele! Ano ba ang hinahanap mo?" Patakbong lumapit si Yttrius sa mesa niya na punung-puno ng papel, mga sulat at mga librong hindi niya pa tapos basahin. Sa paghahanap ni Mendele ng kung ano, mas lalong gumulo ang kanyang mesa.
 
"Nasaan na?" Naguguluhan namang napatitig sa kanya si Yttrius. "Nasaan na ang pinakaunang sulat na ibinigay ko sa iyo?" Kumunot ang noo ni Yttrius, inaalala kung saan inilagay ang hinahanap ni Mendele. Umikot si Yttrius sa kanyang mesa at tumigil sa tapat ng kanyang sisidlan ng mga mahahalagang papeles.
 
"Sandali." Hinalughog ni Yttrius ang laman ng sisidlan saka inilabas doon ang papel na nakatupi. "Ba't mo ba 'to kailangan?" Iniabot iyon ni Yttrius kay Mendele at dali-dali niya naman itong binuksan. Muling nahiga si Yttrius sa magulo niyang higaan at hinayaan na lamang si Mendele sa ginagawa nito. Batid nitong aalis naman ito kaagad.
 
"Yttrius, anong sagot ng Astoryan?" Hindi iyon pinansin ni Yttrius, bagkus bumangon siya't inabot ang bote ng alak na nakalapag sa ilalim ng kanyang higaan. "Yttrius, tinatanong kita."
 
"Wala pa silang sagot." Nakarinig na lamang si Yttrius ng malalim na buntong hininga bago siya tuluyang lumabas ng silid para silipin ang mga kaganapan sa barko.
 
"Luteius." Nagbigay galang ang kanyang mga kabalyero matapos yumukod si Luteius sa binatang pinagsisilbihan nila ngayon.  Lumayo ang dalawa sa mga tauhan nila saka sila nag-usap. "Kumusta ang lagay nila?" Umayos ng tindig si Luteius.
 
"Ginoong Yttrius, karamihan po ay maayos ang lagay at ang ilan ay pilit nilalabanan ang kamatayan." Ngumisi lamang si Yttrius. "Kailangan na po nila ng manggagamot dahil mukhang hindi na nila aabutin ang paglubog ng tatlong araw."
 
Lumihis ang tingin ni Yttrius sa kanyang kausap. Natuon ang kanyang atensyon sa bagay na lumulutang sa tubig. "Iyon ay batas, Luteius. Ngunit 'wag kang mag-alala. Nakikita mo ba iyon?" Lumingon si Luteius sa kanyang likuran. Itinuturo ni Yttrius ang bangkang papalapit sa kanilang barko, 'di kalayuan sa daungan ng Astorye. "Iyon ay sakay ng mga manggagamot nila upang iligtas ang iyong mga kabalyero. Hangad kong ingatan mo sila dahil kailangan natin ng bahay-pahingahan." Tinapik ni Yttrius ang kanang balikat ni Luteius saka niya ito iniwang nakayuko at nakangiti.
 

ASTORYETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon