KABANATA VI

4 0 0
                                    

Dumating na ang takdang oras upang magliwaliw ang mga Saman sa bayan ng Astorye lalung-lalo na sa sentro nito kung saan makikita ang ibinibida nilang pamilihan na punung-puno ng mga ipinagmamalaki nilang mga paninda at mga masisipag na mga Astoryan.
 
Hindi pa man sila nakaaalis, napansin na ni Mendele ang kakaibang itsura ni Yttrius. Nakatayo ito sa kanyang tabi, kagaya niya, hinihintay ang ilang sasamang mga tauhan. "Yttrius, hindi ko gusto ang timpla ng iyong mukha. Anong nangyayari sa iyo?" nag-aalalang tanong ni Mendele.
 
Hindi siya nito sinagot ni nilingon. Patuloy lamang si Yttrius sa pagsuntok ng marahan sa sarili nitong dibdib. Umalis si Mendele.
 
"Ang sakit," maluha-luhang daing ni Yttrius. "A-anong nangyayari sa akin?"
 
"Kailan mo huling naramdaman iyan?" tanong ni Mendele nang muli itong sumulpot. Iniabot nito kay Yttrius ang isang baso ng tubig. "Yttrius, kunin mo na ito. Hindi ito ang oras upang tayo'y magkagulo." Kinuha ni Yttrius ang tubig at dali-daling ininom. "Kung hindi ako nagkakamali, may sakit ka sa puso. Kailan mo pa naramdaman iyan? Alam ba nila ang karamdaman mo?"
 
Umayos ng tayo si Yttrius. Inalis ang sakit na kanina pa nakaukit sa kanyang mukha. "Maaaring magaling kang magbasa ng tao, pero hindi ngayon, Mendele. Wala akong karamdaman." Umismid si Yttrius at ibinalik kay Mendele ang basong ininuman nito.
 
"Nag-aral ako ng medisina, Yttrius, at hindi pambabasa ng tao ang aking ginagawa. May sakit ka. Malala na ang sakit mo." Seryoso silang nagkatinginan.
 
"Nag-aral din ako, Mendele. Ni isa sa mga pinag-aralan ko, wala akong nakuhang sagot. Hindi ko alam kung ano ito. Apat na taon na ang nakararaan nang atakehin ako nito sa unang pagkakataon." Umiwas ng tingin si Yttrius.
 
Natigilan si Mendele sa kanyang narinig. Naramdaman niyang nanigas ang kanyang tuhod. "Bakit hindi ko alam?"
 
"Dahil mabilis ding nawala iyon. Wala ring nakapansin sa akin dahil nakatutok ang lahat sa babaeng nakapula na sumasayaw. Alam mo ang tinutukoy kong araw at lugar, Mendele," may diing saad ni Yttrius.
 
'Iyong babae,' saad ni Mendele sa kanyang isipan. Napansin ni Yttrius ang ngiting sumilay sa mukha ng kanyang tagapayo.
 
"Yttrius, Pinuno." Yumukod si Luteius sa harapan ni Yttrius. Umayos muli siya ng tindig. "Sampu ang sasama sa atin habang ang ilan ay mamaya naman mag-iikot. Hinati-hati ko na sila."
 
"Mabuti kung ganoon. Tara na't naghihintay na ang ating mga kaibigan," nakangising tugon ni Yttrius.
 
"Inay? Ano't maagang nagsibukasan ang mga pamilihan? Alas- singko pa lamang ho ah."
 
"Ikaw talagang bata ka! Hindi mo ba alam?" Umiling ang dalaga sa matandang kasama niya sa pag-iigib ng tubig. "Ngayon bibisita ang mga Saman sa sentro." Natulala naman ang dalaga sa sinabi ng matanda. "Kaya bilisan na natin upang makapag-ayos ka't makahanap ng mapapangasawa sa isa sa mga Saman na iyon. Bilis! Bilis!" Pinagpapalo ng matanda ng timba ang dalaga upang bilisan na nito ang pag-igib sa balong malapit sa tarangkahan ng sentro.
 
Hindi pa man tuluyang nakatutuntong ang mga Saman sa sentro ng Astorye, sinalubong na sila ng maraming bata at isa-isa silang sinuotan ng kuwintas na yari sa mga mababangong bulaklak.
 
"Magandang umaga ho, mga ginoo! Maligayang pagdating!" nakangiting sigaw ng mga bata matapos nilang sabitan ng kuwintas ang mga manlalakbay ng Saman.
 
Lumapit si Yttrius sa kanila at isa-isang hinawi ang kanilang mga buhok. "Maraming salamat mga bata," saad ni Yttrius. "Mababait kami. Mga kaibigan kami ng inyong bayan. Ako si Yttrius, ang ama nila." Sabay turo sa kanyang mga tauhan.
 
"Ama? Hindi pa naman kayo mukhang matanda ah," saad ng isa sa mga bata. Ngumiti na lamang si Yttrius.
 
"Sandali lang ho, Ginoong Yttrius." Mas lumapit ang batang lalaki sa kanya at kumapit sa kanang kamay nito. "Puwede ko ho ba kayong maging kapatid kahit hindi tayo magkadugo? Wala ho kasi akong nakatatandang kapatid na lalaki e," pakiusap ng bata.
 
Mas hinigpitan naman ni Yttrius ang kanyang hawak sa kamay ng bata. "Tara na't mag-ikot."
 
Masaya silang nakapasok ng sentro. Nalaman din ni Yttrius na ang ngalan ng bata ay Fabe.
 
Unang napansin ng mga Saman ang mahaba at organisadong pamilihan ng Astorye. Hindi ito magulo at nakahilera lahat ng paninda depende sa uri nito.
 
"Iniaangkat din kaya ang mga paninda nila, Mendele?" Lumapit si Mendele kay Yttrius habang patuloy na naglalakad.
 
"Isang beses, isang buwan," seryosong saad ni Mendele. Nakatuon kasi ang kanyang atensyon sa mga Astoryan.
 
"May alam ka ba?" muling tanong ni Yttrius. Pansin din nitong may kung ano itong hinahanap.
 
"Dahil may iniiwasan silang mangyari. Kung ano iyon, hindi ko alam."
 
"Aalamin ko," seryosong tugon ni Yttrius. Nang marinig ni Mendele ang sinabi niya, umiling-iling lamang ito at sumuway sa kanilang grupo.
 
"Ikaw, bata. Maaari mo bang samahan ang Ginoong Yttrius mo? Mag-iikut-ikot tayo dito sa sentro," tugon ni Yttrius sa bata. Ngumiti ang bata at tumango. "Luteius," tawag niya sa pinuno ng kanyang mga tauhan na abala rin sa pagtingin-tingin sa mga paninda. "Luteius," muli niyang tawag. Lumingon si Luteius at patakbong lumapit kay Yttrius.
 
"Pinuno," saad nito habang nakayuko.
 
"Hanggang dito na lamang tayo magsasama-sama. Kayo na ang bahala sa inyong mga sarili. Kita-kita na lamang tayo sa tinutuluyan natin," tugon ni Yttrius. Pansin kasi nitong aliw na aliw ang kanyang mga tauhan sa mga paninda maging sa mga magagandang babae na nag-iikot-ikot sa sentro.
 
Hindi lang mga tauhan ni Yttrius ang tinititigan ng lahat maging siya ay hindi nakaligtas dahil sa kisig ng kanyang katawan at tindig. Hindi kalayuan sa kanya, naroon din sa isang tindahan si Mendele na abala sa pagsusuri ng mga alahas. Maging ito ay naagaw rin ang atensyon ng mga Astoryan.
 
"Ginoo," tawag ni Fabe sa kanya. Tumingin naman agad siya rito. "May asawa na ho ba kayo?" Ginulo nito ang buhok ni Fabe.
 
"Wala, wala pa. Hindi ko alam kung makahahanap pa ako. Abala kasi ako sa paglalakbay," masayang tugon ni Yttrius.
 
"Bakit ho? Sa itsura niyo hong iyan? Sa kisig niyo hong iyan? Hindi ho ba kayo nalulungkot?" muling ngumiti si Yttrius.
 
Hinanap ni Yttrius si Mendele. Nang makita niya ito, itinuro niya ito kay Fabe. "Iyon si Ginoong Mendele," saad ni Yttrius sa bata.
 
"Kapatid niyo ho ba siya?" nagtatakang tanong ng bata.
 
"Malapit na. Magiging asawa niya kasi ang aking kapatid."
 
"Gusto mo ho ba siya para sa inyong kapatid?"
 
Kumunot ang noo ni Yttrius sa tanong ng bata. "Kapag mahal ng aking kapatid, tatanggapin ko. Wala namang problema kay Mendele. Matalino siya't may mataas na pinag-aralan." Huminga ng malalim si Yttrius habang nakatingin kay Mendele saka sila nagpatuloy muli sa paglalakad.

ASTORYETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon