KABANATA II

6 0 0
                                    

Matapos lunukin ng buwan ang nagdaang tatlong araw, umugong ang tunog ng kampana sa buong Astorye. Dapit hapon, nagbukas ang malaki, mataas, at gawa sa bakal na tarangkahan ng bayan. Ang mga Astoryan ay hindi na nagsilabasan pa dahil sa takot na baka masaktan o patayin ng mga Saman. Sa nakalipas na tatlong araw, usap-usapan ang naging pasya ng kanilang pinuno sa mga taga-Saman.
 
Ang tunog na hatid ng kampana, ang tarangkahang umaangat maging ang tulay na bakal na bumababa na daraanan ng mga Saman papasok sa bayan ay naghahatid ng matinding takot sa bawat bahay. Lahat ng pinto ay sarado maging ang mga bintana. Ang ilan sa kanila ay nagagawa pang sumilip sa mga butas ng kani-kanilang bahay. Maging ang ilaw na gasera ay kanya-kanya ring pinagpapapatay.
 
Nang tuluyan nang bumukas ang tarangkahan at lumapat ang tulay sa kabilang dulo kung nasaan naghihintay ang mga kabalyero, umaliwalas ang mukha ni Yttrius. "Luteius, mauna ka." Tumango si Luteius at naunang bagtasin ang tulay. Sumusunod din sa kanya sina Yttrius at Mendele na sabay ang bagsak ng mga paa. Pawang lakad ng mga kabalyero.
 
"Ibang-iba ang bayang ito," saad ni Yttrius, mangha at nag-aalala sa kaligtasan ng kanyang mga tauhan.
 
"Hindi sila ligtas," tugon ni Mendele habang naglalakad at pinagmamasdan ang buong paligid. "Takot ang naghahari sa bayang ito." Batid ni Mendele na may problemang kinakaharap ang Astorye. Ramdam niya ring may nagmamasid sa kanila mula sa malayo, ngunit hindi niya alam kung nasaan ito. Maaaring isa sa mga Astoryan.
 
"Kaya't hindi rin ako magtataka kung may palasong magmumula sa kung saan." Natuon ang atensyon ng lahat sa palasong tumarak sa lupa, sa may paanan ni Yttrius. Kinuha iyon ni Yttrius. "'Wag kayong mangamba. Ito ay palaso lamang ng takot. Hindi sila pumapatay."
 
"Magpatuloy!" Sigaw ni Luteius sa kanyang mga tauhan. Bago nila maabot ang tarangkahan, hinarang sila ng apat na lalaki. Umabante ang isa sa apat at hinarap ito ni Luteius. "Ako ang pinuno ng mga kabalyero." Nakipagkamay si Luteius na tinanggap naman ng lalaki.
 
Sumingit si Yttrius, "Ako si Yttrius, ang pinuno ng manlalakbay ng mga Saman." Tiningnan siya ng lalaking unang nakausap ni Luteius. Tumango ito at umatras.
 
"Batid natin pareho na kapayapaan ang ating nais. Kayong manlalakbay ng Saman ay pinahihintulutang pumasok sa aming teritoryo at manatili sa loob ng dalawang linggo." Napatingin ang mensahero ng Astorye sa langit. "Magdidilim na. Sundan niyo lamang ako nang kayo'y makapagpahinga na. Para sa'yo Yttrius at Saman, ako si Fili, ang mensahero ng aming pinuno."
 
Nasa parteng gubat na sila nang makaramdam si Mendele ng kung ano. Binalewala niya iyon hanggang sa makarating sila sa lupaing binakuran at sa loob ay may mga pansamantalang bahay-panuluyan. "Ligtas kayo rito. Bukas na lamang kayo magkita ng aming Pinuno. Matanda na siya't sakitin.  Kung may kailangan kayo, patunugin niyo ang kampana. Kung may gulo, patunugin niyo ang tambol."
 
"Salamat," tugon ni Yttrius habang nasa likod nito si Mendele, nakikinig.

Pagkatapos ng naging pag-uusap ng mensahero at ni Yttrius, nilisan ng mga Astoryan ang lugar. 

“Ano ang balak mo, Yttrius?” tanong ni Mendele.

“Magpahinga? Mag-ikut-ikot? Suriin ang paligid?” Napansin ni Yttrius na masyadong malapit ang kanilang mga katawan ni Mendele kaya’t umatras siya. “at lumayo sa’yo.” Iniwan ni Yttrius si Mendele.
 
Kanya-kanya namang pili ng matutulugan ang mga kabalyero. Inihalo ni Luteius ang mga sugatang tauhan sa mga hindi.  Taktika upang mapanatiling ligtas sa kung anong gulo ang mga sugatan. Sa paligid naman ay nagbabantay ang ilan sa mga itinalagang nasa ikalawang hanay na mandirigma, sunod sa pinunong si Luteius.
 
"Makinig kayong lahat." Alertong tumingin ang mga nagbabantay kay Luteius. "Kayo ay itinalaga upang magbantay lamang. Wala kayong gagalawin ni papatayin. Ang batas ay batas ng Saman." Hinanap ni Luteius ang kanang kamay niya. Natagpuan ng kanyang mga mata si Nitro na naghuhugas ng sugat ng isa sa mga sugatan.
 
"Pagkatapos nito, Tellos, matulog kana't magpagaling." Tinapik ni Tellos ang balikat ni Nitro, isang pagpapasalamat.
 
"Nitro," tugon ni Luteius. Napalingon si Nitro sa kanyang pinuno nang nakangiti. Batid nitong tawag siya kaya agad naman siyang lumapit, patakbo. Yumukod siya at hinintay na magsalita si Luteius. "Nais kong iyong ianunsyo ang ika-labindalawang batas ng mga kabalyerong Saman." Tumango ng ilang ulit si Nitro saka hinarap ang mga bantay.
 
"Makinig kapwa ko mga kabalyero. Ang ika-labindalawang batas ng Saman ay nasusulat sa libro: Anumang gulo, bigyan ng karampatang pasya. Kung nakituloy sa hindi angking bayan, manahimik. Huwang pumatay, makipagkaibigan at pagsilbihan ang bayan. Bantayan ang lupa't teritoryo. Iyon ang ika-labindalawang batas." Yumukod si Nitro sa mga kabalyero at kay Luteius, ganoon din si Luteius kay Nitro.
 
"Salamat, Nitro." Ngumiti lamang si Nitro at nagpatuloy sa pagtingin sa kalagayan ng kapwa kabalyero. "Sa loob ng dalawang linggo, dito sa bayan ng Astorye, inyong susundin ang batas na iyon. Ang lumabag, ang bayang ito ang hahatol," dagdag ni Luteius.  Nagsitanguan naman ang mga kabalyero bago bumalik sa pagbabantay.
 
"Kung titingnan ang mapa, napakaliit lamang ng Astorye. Hindi ko inakalang ganito ito kalaki. Kung susuriin ang kabuuan, mukhang maayos ang pamamalakad ng kanilang pinuno. Hindi rin ito pangkaraniwang bayan, Mendele." Mula sa pagkakatayo, nahiga si Yttrius sa damuhan, malapit kay Mendele, tanging tuyong mga kahoy na may sulo lamang ang kanilang pagitan.
 
Kanina pa naaakit sa ganda ng mga bituin sa langit si Mendele. Kanina pa siya rito nakatingin, 'di alintana ang init na nagmumula sa apoy na 'di kalayuan lamang sa kanya. Natigilan lamang siya sa pag-iisip nang mahagip ng mga mata niya si Yttrius, kanina pa may iniisip. Nagsalita si Yttrius at nahiga rin ito malapit sa apoy. Walang sagot si Mendele sa sinabi nito. "Malakas ang pakiramdam mo, hindi ba, Mendele? Ba't hindi mo sabihin sa akin ang iyong napapansin?"
 
Malalim na hininga ang pinakawalan ni Mendele. Batid ni Yttrius ang ganitong reaksyon ng tagapayo niya, ayaw nitong magsalita.
 
"Hindi ko talaga lubos isipin na kasingtuso ko ang aking magiging tagapayo," ngumisi si Yttrius. Hindi niya alam na bawat salitang lumalabas sa kanyang bibig ay isa-isang bumabaon sa isipan ni Mendele.
 
"Maaari mo naman akong ipakain sa alaga mong pusa kung ayaw mo akong makasama sa iyong paglalakbay. Hindi ko rin naman ginustong pagsilbihan ka, pero tinanggap ko nalang dahil ito ang aking kapalaran," seryosong saad ni Mendele. Bumangon ito't tinalikuran si Yttrius. "Magpahinga ka na, Pinuno. Gigisingin na lamang kita bukas."
 
"Hindi kita ipapakain sa aking pusa, Mendele,"saad ni Yttrius habang nakatingin sa langit, unti-unting napapansin ang gandang hatid ng bawat kislap ng mga bituin. Lumingon si Mendele sa kanya, ngunit hindi na niya ito binigyang pansin pa.
 
'Hindi ko alam kung ba't ka nagpipigil, Yttrius. Hindi ko kayang basahin ang isip mo, pero alam ko, malalaman ko rin kung ano ang itinatago mo sa iyong mga mata.' Tuluyang naglaho si Mendele sa dilim. Unti-unti ring bumibigat ang mga talukap ni Yttrius hanggang sa tuluyan na itong pumikit.
 
Madaling araw, nagkagulo ang limang bantay nang mapansin nilang may gumulong na kahoy, ang dulo nito ay may sindi. "Sinong nariyan?" tanong ng isa. Naging alerto ang lima. Inikot nila ang kanilang mga paningin, sa mga puno, maging sa mga halaman, at sa dulong bahagi ng gubat. Madilim iyon at wala silang nakitang kahit na ano.
 
"Anong nangyayari rito?" tanong ni Luteius, kasunod niya si Nitro na siyang nagpaabot ng balita sa kanya.
 
"Luteius," yumukod ang isa sa lima. "Isang sulo ang gumulong mula sa madilim na bahaging iyon." Itinuro niya iyon kay Luteius. "Hindi lang iyon sulo, Pinuno. Ang kahoy na iyon ay may naka-rolyong papel. Nakumpirma rin naming hindi ito galing sa Pinuno ng Astorye." Iniabot ng kabalyero kay Luteius ang sulat.
 
"Umalis na kayo rito. Ang bayan ay nananahimik. Kamatayan ang kapalit kung gulo ang inyong nais," saad ni Luteius nang basahin niya ang sulat. "'Wag niyo itong isipin. Hindi naman tayo magsisimula ng gulo. Gisingin ang ilan at higpitan ang pagbabantay."
 
Hapdi ang gumising kay Yttrius. Nakangiti na ang araw at nakaratay pa rin siya sa damuhan. Rinig niya ang bawat yabag ng mga kabalyero, ang kanilang mga usapan at ang ingay na nagmumula sa gubat.
 
"Ilang langgam na ang inilagay ko sa iyong mga braso, ngunit hindi ka pa rin gumigising." Nagmadaling bumangon si Yttrius at pinagpagan ang suot niyang damit. Hinimas niya ang kanyang braso na namumula na't umaalsa na ang ilang kublit. Iritado itong tumingin kay Mendele. "Maagang nagising ang lahat dahil sa isang banta," mapang-uyam na tugon ni Mendele.
 
Inayos na lamang ni Yttrius ang kanyang kasuotan kaysa suntukin si Mendele. Agad niya ring kinuha ang kanyang punyal na nasa paanan ng kanyang tagapayo. Habang nakayuko, napansin niya ang panyapak nito. "Ano't putikan ang iyong panyapak maging ang iyong kasuotang pang-ibaba? Hindi ko alam, nagsasaka kana rin pala, aking tagapayo." Muli siyang nag-ayos ng tindig at tiningnan ng maigi si Mendele, naghihintay ng sagot.
 
"Hindi ka ba nababahala sa isang banta, Yttrius?" Pag-iiba niya ng usapan. Ngumisi lamang sa kanya si Yttrius.
 
"Magkaiba tayo ng puso, Mendele. Maaaring ikaw nababahala ka, pero ako? Matagal na akong inuusig ng takot. Ang bantang iyon ay wala pa sa takot na naramdaman ko noon." Muli siyang ngumiti kay Mendele saka ito nilisan, tinungo ang kinaroroonan ni Luteius upang alamin ang nangyari.
 
Naiwan namang nagtataka si Mendele. 'Noon, may nangyari noon?'

ASTORYETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon