KABANATA VII

6 0 0
                                    

Mag-isa na lamang si Yttrius sa pag-iikut-ikot matapos alukin ng ilang mga batang naglalaro si Fabe. Hindi niya na rin nakita pa si Mendele dahil dumagsa na rin ang mga Astoryan sa mga pamilihan.
 
"Magandang umaga," bati niya sa matandang babae na nag-aayos ng mga paninda nitong alahas. Tumingin lamang ang matanda kay Yttrius at nagpatuloy muli sa paghihiwa-hiwalay ng mga singsing at pulseras. "Ang gaganda ng inyong alahas," tugon muli ni Yttrius saka hinawakan ang kuwintas na yari sa pinagdugtong-dugtong na mga perlas. Ngumiti ang matanda. Napansin iyon ni Yttrius at nagpatuloy muli sa pagsusuri. "Mahirap kunin ang mga perlas na ito." Tumango ang ale. "Gusto kong bilhin ang tatlong ito," masiglang saad ni Yttrius.
 
Natigilan ang matanda. "Ang dalawa ay para sa aking kapatid at ina. Ilang buwan na kaming hindi nakauuwi sa aming bayan. Batid kong nag-aalala na ang aking pamilya." Kinuha ni Yttrius ang kapiraso ng tela sa kanyang bulsa at inilabas ang maraming barya. "Ilan ho ang aabutin nito?"
 
"Isang daang barya," tugon ng matanda sa nananabik nitong boses.
 
"Isang daan," pag-uulit ni Yttrius dahil mukhang mababa ang singil ng matanda sa kanya. Kumuha siya ng isang daang barya at iniabot sa ale.
 
"Maraming salamat," saad ni Yttrius.
 
"Tatlo ang iyong binili. Ang dalawa ay para sa iyong ina at kapatid. Kanino ang isa?" pahabol ng matanda bago pa man siya humakbang paalis.
 
"Ibinulsa ni Yttrius ang kanyang pinamili. Ngumiti siya't tiningnan ang matanda. "Hindi ko ho batid kung kanino. Alam niyo ho, dalawampu't isang taong gulang na ako, pero wala pa rin ho akong nabibigyan ng bulaklak ni babaeng nahahalikan. Batid kong ang kuwintas na ito ay para sa babaeng iyon," saad ni Yttrius sa masaya nitong boses.
 
Nagulat ang matanda sa sinabi nito. "Pambihira! Sa ganda ng iyong tindig, sa kisig ng iyong katawan at sa perpekto mong mukha, wala kang naging babae? Hulaan ko, maraming nagkakandarapa sa iyong mga binibini ano? Nahihirapan ka bang pumili?"
 
Yumuko si Yttrius matapos mapangisi. "Mahirap hong pumili, tama kayo. Pero mas mahirap umibig kapag ganito ho ang aking sinumpaang trabaho. Hindi kami pumipirme sa aming bayan dahil madalas ho kaming ganito, naglalakbay, sinusuri ang mga karatig-bansa at naghahanap ng mga bagong ideya sa pagpapalago ng aming bayan," malungkot na may halong sayang tugon ni Yttrius.
 
"Basta iho, maglakad ka lang at maglakbay. Mahirap naman talagang hanapin ang tunay na pag-ibig. Minsan nga, akala mo siya na, pero pinaglalaruan lang pala kayo ng tadhana. Kapag ganoon, 'wag niyo na lamang ipilit. May paraan naman para makalimot ang puso't isip. Ang problema nga lang, iba mangmulto ang tunay na pag-ibig."
 
Titig si Yttrius sa mga mata ng matanda. Pakiramdam niya ay bigla siyang nilamon ng kalungkutan at pighati. Para rin siyang nagtatangis sa bagay na nawala sa kanya. Napansin niya rin ang butil ng tubig na dumadausdos sa kanyang pisngi.
 
"Yttrius," tawag ng hanging nagpatigil sa kanyang pagluha.
 
"Isang inuming mainit sa umaga!"
 
"Alak sa bote! Bote sa alak!"
 
"Sapin sa paa! Bili na!"
 
"Gulay at prutas! Gulay at prutas!"
 
"Berdeng tela! Mayroon pang asul at dilaw! Bili na ng sikat na pulang tela!"
 
"Pulang tela!" sigaw na paulit-ulit namayani sa isipan ni Yttrius.
 
Nagising lamang ang kanyang ulirat nang makita niyang nasa tapat na siya ng isang tindahan ng mga iba't ibang klase ng papel, mga panulat, at mga aklat. Puno rin ang pamilihan ng mga pigura.
 
"Ito na ang oras para bumili ng mga paborito kong gamit," saad niya saka tinungo ang pinto nito. Sumilip muna siya sa salamin ng pinto bago tuluyang pumasok.
 
Mangha nitong hinawakan ang malapad na nakarolyong papel. Nangunot ang noo ni Yttrius dahil hindi niya magawang aninagin ang totoo nitong kulay dala ng dilaw na ilaw na bumabalot sa buong silid. "Kung kulay krema ay handa ko itong bilhin, ngunit kung ito'y dilaw o kulay kape ng Astorye, malayo ito sa aking panlasa." Binitawan niya ito at nag-ikot sa mga estanteng punung-puno ng mga kagamitan sa pag-aaral at pananaliksik.
 
"Naligaw ka ata, Yttrius."
 
Nanatili si Yttrius sa kanyang kinatitindigan nang marinig ang boses na iyon. May katandaan na ang pinanggagalingan ng tinig. "Kumusta ka na? Kumusta na ang iyong ama?"
 
Umikot si Yttrius at nakita ang matipunong lalaki na umiinom ng alak. Pansin ng matanda na naguguluhan ang binata nang makita siya nito. "Hindi ka ba masaya sa iyong nakikita? Hindi ka man lang ba nakaramdam ng pananabik?"
 
Umiling si Yttrius at muling tinitigan ang matanda. "Ikaw si Ginoong Nati. Hindi ba't ikaw ay isang Saman? Ano't naririto ka?" Umismid ang matanda at binitawan ang bote ng alak sa kanang kamay nito.
 
"Ito na ang aking buhay, Yttrius. Mas pinili ko ito. Mas pinili kong mamuhay ng tahimik. Ito ang bunga ng lahat. Isa na akong mangangalakal ng ganitong mga kagamitan," saad ng matanda na may pagmamalaki sa kanyang tinig.
 
"Kung ganoon, binabati kita Ginoong Nati. Nawa'y masaya ka sa iyong desisyon. Hangad kong maayos ang iyong pamumuhay rito sa Astorye."
 
"Masaya rin akong nakita kita, Yttrius. Pakikumusta mo na lamang ako sa iyong ama." Tumayo ang matanda sa pagkakaupo nito sa dulong bahagi ng silid. Sa harap nito ay isang mesa at kahon na gawa sa kahoy. Mukhang nakalagay roon ang benta ng kanyang tindahan. "Lasing na ako. Kailangan ko ng pumasok sa aking silid. Kung isa sa mga paninda ko ang iyong nagustuhan, kunin mo na lamang at 'wag mo ng bayaran."
 
"Salamat, Ginoong Nati," nakangiting saad ni Yttrius.
 
Tuluyan nang naglaho si Ginoong Nati sa paningin ni Yttrius. Dagli niyang tinungo ang estanteng malapit sa salaming nagsisilbing durungawan ng mga taong may nais bilhin sa tindahang ito.
 
"Kakaiba ang panitik na ito. Kung hindi ako nagkakamali, ang panulat na ito ay mula pa sa bansang Searl. Ang tinta nito ay pino at sobrang itim."
 
Inilapit ni Yttrius ang panitik sa tapat ng salamin ng bintana upang aninagin ang ngalan ng panulat na kanyang napili, ngunit hindi niya makita dahil may humaharang sa liwanag. Nangunot ang kanyang noo. Napaatras ang kanyang kanang paa nang makitang may binibining nakadungaw sa salamin, tila may sinisipat ito sa loob.
 
Dahan-dahang napatingin si Yttrius sa estante kung saan nakatuon ang atensyon ng binibini. 'Maskara?' saad ni Yttrius sa kanyang isipan. Muli niyang binalingan ng tingin ang dalaga, ngunit mas lalong namilog ang kanyang mga mata nang makitang nakatingin ito sa kanya.
 
"Sino ka?" tanong ni Yttrius. Hindi niya maintindihan ang bugso ng kanyang damdamin nang matitigan ang dalaga.
 
Batid ng binibini na may sinasabi ang binata sa loob, ngunit hindi niya ito marinig ni maintindihan. Kinuha ng babae ang pulang telang nakasampay sa kanyang balikat at ipinandong iyon sa kanyang ulo upang hindi siya mabisto ng binata. Nagmamadali nitong nilisan ang tindahan ni Ginoong Nati at isiniksik ang sarili sa nagkukumpulang mga tao.
 
Inalis ng dalaga ang kanyang pandong nang marating ang pamilihan ng mga gulay. "Nakita mo ba ang iyong hinahanap?" tanong ng tindera sa kanya, si Ginang Narcia na benteng taon ng nagtitinda ng mga gulay at prutas.
 
Umiling ang dalaga. "Mukhang lasing ho si Ginoong Nati," seryosong saad ng dalaga. "Mauna na ho ako."
 
"Mag-iingat ka," tagubilin ng Ginang. Nagbigay-galang ang dalaga saka nilisan ang pamilihan habang pasan sa magkabilaang kamay ang naglalakihang bayong na naglalaman ng kanyang mga pinamili.
 
Narating na ng dalaga ang dulo palabas ng sentro. Ibinaba niya ang kanyang mga bitbit upang buksan ang tarangkahan. Itinulak niya ang rehas na bakal patungo sa kabilang parte, palabas ng sentro.
 
"Hindi ko gustong hinuhusgahan ako," saad ng lalaki sa kanyang likuran.
 
Nilingon ng binibini ang nagsalita at seryoso itong tiningnan. Nakita niyang buhat na ng nagsalita ang kanyang mga pinamili. Hindi niya pinansin ang sinabi ng binata. Dahan-dahang nilapitan ng dalaga ang lalaki at hinawakan ang mga kamay nito pababa sa hawakan ng mga bayong. Hanggang sa bitawan ng binata ang mga bitbit nito, hindi pa rin napuputol ang kanilang titigan.
 
Umatras ang binibini. "Sana masaya ka," namumuhing sambit nito saka banayad na humakbang papalayo kay Yttrius.

ASTORYETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon