KABANATA VIII

7 0 0
                                    

Gabi na ng dumating si Mendele sa kanilang tinutuluyan. May bitbit itong buslo na kinapapalooban ng dalawang bote ng serbesa.
 
"Mendele, tagapayo ni Yttrius." Nahinto siya sa kanyang paglalakad nang harangin siya ni Nitro. "May kailangan pong makita si Yttrius. Maaari niyo ba siyang balitaan?"
 
"Wala ba dito si Yttrius?" Umiling si Nitro. "Bakit hindi si Luteius? Hindi ba't trabaho niya ito?"
 
"Paumanhin, Mendele, ngunit hindi pa dumarating si Pinunong Luteius. Ang akala ko rin po ay kasama niyo si Pinunong Yttrius." Yumukod si Nitro.
 
"Anong pinagkakaguluhan nila?" nag-aalalang tanong ni Mendele.
 
Sa gitna ng madilim na daraanan pabalik sa kanilang tinutuluyan, pasipol-sipol si Yttrius sa kanyang paglalakad. Masaya siyang marami ang kanyang mga napamili.

Sa bigat ng kanyang mga dala, mabagal ang kanyang pagsulong.
 
Nang makarating siya sa kanilang panuluyan, masaya siya nang makitang tahimik ito. Tinungo niya ang dampa nila ni Mendele saka ipinasok doon ang kanyang mga pinamili.
 
"Mendele?" tawag niya sa lalaking nakatalikod sa kanya. Nakaupo ito sa malaking bato habang nakatingin sa sulo na nasa ibaba nito. Mas lumapit siya sa kanyang tagapayo nang hindi siya nito sagutin.
 
"Isang babala na may pananakot ang muling natanggap ng ating pangkat." Lumingon si Mendele sa kanyang pinuno nang marinig niya itong umismid. "Bakit ngayon ka lang? Gusto mo ba talagang mapahamak ang iyong hukbo? Pangatlo na ang babalang ito, Yttrius, ngunit wala pa rin tayong ginagawa." Tumayo si Mendele at hinarap si Yttrius. Bakas sa mga mata nito ang labis niyang pag-aalala sa kanyang pinuno.
 
Dinakma ni Yttrius ang hawak nitong alak saka nilagok. "Sa tingin mo ba wala akong ginagawa?" Ibinalik niya ang bote kay Mendele. "Natatakot din ako Mendele, ngunit hindi ko kayang magpadala sa takot. Ikaw ang aking tagapayo, hindi ba? Ilang beses na kitang tinanong. Bakit ni isang teorya wala ka pa ring iniuulat sa akin? Hindi dapat ako ang kinukuwestiyon dito kung hindi ikaw, Mendele," may diing tugon ni Yttrius.
 
Umiwas ng tingin si Mendele.
 
"Wala? Wala kang sasabihin?" Yumuko si Yttrius matapos mapangisi. "Maghihintay ako, Mendele. Sa takdang oras, magkakaliwanagan din tayo."
 
Iniwan ni Yttrius si Mendele na gulung-gulo. "Ako nga lang ba ang may tinatago sa aming dalawa ni Yttrius?"
 
Inayos ni Yttrius ang baro niyang puting pang-itaas. Ilang minuto nalang ay aalis na siya para sa kanyang misyon.
 
"Hindi ko dapat ito ginagawa, ngunit para sa aking kapatid na si Eli, kailangan kitang ingatan," seryosong sambit ni Yttrius nang ayusin niya ang telang bumabalot kay Mendele.
 
Muli niyang nasilayan sa ikatlong pagkakataon ang ganda ng sentro ng Astorye. Hindi pa gaanong bukas ang ilang pamilihan at hindi pa rin gaanong siksikan ang mga tao. Nagpakawala ng malalim na hininga si Yttrius bago nagsimulang sumulong.
 
Matulin ngunit maingat maglakad si Yttrius. Batid niyang napapalingon sa kanya ang ilang Astoryan, ngunit isinasawalang bahala niya lamang ito.
 
Buhat ng kanyang mga bisig ang tambak na mga panindang tela. Mahinahon ngunit maingat ang dalaga sa paglalakad habang itinatawid ang mga tela mula sa tindahan ni Ginang Alip patungo sa panahian ni Ginang Ofeng.
 
Lumitaw ang pagkabahala sa kanyang balintataw nang makitang siksikan na ang mga tao sa abenidang kanyang daraanan. "Ilang metro na lang ang babagtasin mo't na kay Ginang Ofeng na ang mga telang ito," saad ng dalaga sa kanyang sarili.
 
Sa kanyang pagsulong, mas dinoble niya ang kanyang pag-iingat.
 
"Tabi! Tabi!"
 
Nagulat ang dalaga sa tinuran ng tumatakbong binatilyo.
 
"Magnanakaw! Hulihin niyo ang magnanakaw!" Nagkagulo ang mga tao nang sumigaw ang mama, si Ginoong Nati. May hawak itong bote ng alak habang nagsisisigaw. "Hulihin niyo ang magnanakaw na iyon!"
 
Nagulantang ang dalaga sa kanyang nasilayan. Ang mga nakarolyong tela ay nagkawatak-watak sa daan. Ang iba ay gumulong pa palayo sa kanya. Napabuga siya ng hangin dulot ng sakit na nararamdaman niya mula sa kanyang bumagsak na puwet. Tumayo siya't isa-isang pinulot ang mga tela.
 
"Hindi ko hinangad na makita ka muli," saad ng isang binata habang iniaabot ang isang nakarolyong pulang tela. Mula sa pagkakayuko, umayos ng tindig ang dalaga at hinarap ang binata. Seryoso niyang kinilatis ang mukha ng lalaking may kalaliman ang titig sa kanya.
 
"Salamat," tugon ng dalaga saka kinuha ang kulang na pulang tela at tinalikuran ang binata.
 
"Ngunit hinahanap-hanap ka ng aking sistema," dagdag ng binata na nagpatigil sa dalaga sa pag-abante nito. Naglakad ang binata at tumigil sa harapan ng binibini. Inilihis ng dalaga ang kanyang paningin at itinuon ang atensyon sa panahian ni Ginang Ofeng. Nakita nito na bukas na ang panahian.
 
"Ako si Yttrius-" Natigilan ang binata sa pagsasalita nang mapansing wala sa kanya ang atensyon ng dalaga, kaya inilapat niya ang kanyang kaliwang kamay sa kanang pisngi ng dalaga at itinapat niya ang mukha nito sa kanya. Nang masigurong nakatingin na ang dalaga sa kanya, muli siyang nagpatuloy sa pagsasalita. "Gusto kong iyong gamitin itong aking sisidlan nang hindi mo na maitapon ang mga telang iyong buhat. Hindi ko nais makakita ng binibining nahihirapan lalo na kung kasing-ganda ito ng mga bituin sa kalangitan. Binibini, kailanman, hindi ginusto ng buwan na madilim ang bawat gabi," saad ni Yttrius sa dalaga. Napangisi siya nang mapansing kumunot ang noo nito.
 
Muling sumulong ang dalaga bitbit ang sisidlang napupuno ng mga tela at iniwan si Yttrius sa kinatatayuan nito.
 
"Aling Ofeng?" tawag ng dalaga mula sa labas ng bantog na panahian sa kanilang bayan. Kinatok niya ang pinto nito at sandali pa ay nagbukas ito. "Ginang Ofeng," muling sambit ng dalaga matapos magbigay-galang.
 
"Serra," nakangiting tugon ni Ginang Ofeng sa kanyang kaharap. Pinapasok niya ang dalaga. "Iyan na ba lahat ang mga telang aking pinili sa tindahan ni Ginang Alip?" tanong ng ginang habang nagbibilang ng salapi mula sa kaha nito.
 
"Oho, Ginang Ofeng. Mula sa tekstura, kulay, at tabas po ng inyong mga pinili," sagot ni Serra habang nakatanaw sa labas, pilit iwinawaglit ang muling pagkikita nila ng binata.
 
Itinago ni Serra ang kalupi na naglalaman ng isang daang barya bilang sahod sa kanya ni Ginang Ofeng sa pagbubuhat ng mga pinamili nitong tela.
 
Pagkalabas nito sa panahian, sinalubong siya ng binata, si Yttrius. May dala itong parasol, isang uri ng pananggalang sa init at ulan na kahoy ang hawakan. "Naglibut-libot lamang ako't nagandahan sa kagamitang ito. Sa iyo na," inilapit niya ito sa dalaga at iniangkla sa kanang bisig nito dahil nakasuksok ang kanang kamay nito sa bulsa ng mahaba nitong suot na saya.
 
"Bakit mo ba ito ginagawa?" naguguluhang sambit ng dalaga.
 
"Ayon sa librong aking nabasa sa tindahan ni Ginoong Nati, madalas uminit at madalas ding umulan sa inyong bayan. Ang dalawang uri ng klima sa inyong lugar ay walang pinipiling araw. Nararapat lamang na mayroon kang parasol lalo na't abala ka sa mga gawaing pinagkakakitaan mo rito sa sentro," saad ng binata na may pag-aalala sa kanyang tinig.
 
"Hindi ang parasol na ito, Yttrius, kung hindi ang lahat!" gigil na saad ng dalaga.
 
"Lahat? Wala pa akong ginagawa, binibini," mahinahong tugon ni Yttrius. "Sisimulan ko pa lamang ang lahat sa huling araw ng piyesta, sa sayawan. Gusto kitang isayaw. Nanaisin mo rin bang paghatian natin ang indayog ng musika maging ng pag-ibig?" Isang matamis na ngiti ang binitawan ng binata ang nagpaurong sa mga paa ni Serra.

ASTORYETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon