KABANATA IX

2 0 0
                                    

"Pinunong Yttrius," tawag ni Mendele sa pinagsisilbihan niya, nakatingala ito sa langit at kinikilatis ang bawat bituin habang naglalakad.  Batid ni Mendele na nakikinig ito kaya nagpatuloy siya sa pagsasalita. "Paano mo gagawing makabuluhan ang iyong pananatili sa mundong ibabaw?" Nanatili si Yttrius sa kanyang ginagawa.
 
"Mananatili akong naninilbihan," sagot ni Yttrius.
 
"Kahit kapalit nito ay pagkawala ng iyong iniibig?" Natigilan si Yttrius sa paglalakad. Naguluhan si Mendele sa ikinilos ng kanyang Pinuno. Ito na ang ika-99 na beses na itinanong niya iyon kay Yttrius. Noon naman ay sasagot lamang ito kaagad nang walang pag-aalinlangan.
 
"Sapat na ang pag-ibig na ibinubuhos ko sa aking bayan." Nilingon ni Yttrius si Mendele. "Ngunit mahirap patahanin ang pusong nagpupumiglas sa aking dibdib," nag-aalalang tugon ni Yttrius.
 
"Kung ganoon, bakit mo siya iniwan sa Saman?" muling tanong ni Mendele.
 
"Hindi ko siya iniwan."
 
"Anong ibig mong sabihin?"
 
"Hindi ko nararamdamang malayo siya sa akin dahil pilit siyang tumatakbo sa aking isipan. Sa ginagawa niya, mas lalong tumatambol ng malakas ang aking puso dahilan para hanap-hanapin ko siya. Ganyan din ba ang nararamdaman mo sa aking kapatid?"
 
Nagulat si Mendele sa tanong ng kanyang Pinuno. Napahigpit ang hawak niya sa panulat na parati niyang hawak-hawak.
 
"'Wag mo na lamang sagutin, aking tagapayo. Batid kong wala sa iyong kinalakihan ang magsabi ng totoo mong nararamdaman sa ibang tao. 'Wag kang mag-alala't malapit na tayong umuwi."
 
Nagkibit-balikat na lamang si Mendele nang talikuran siya ni Yttrius at nagpatuloy ito sa paglalakad.
 
"Magandang gabi! Ilang minuto na lamang ay muli na nating matutunghayan ang magandang kalangitan! Ihanda ang inyong mga pailaw!" saad ng lalaki sa mga Astoryan na nagsusulat ng mga kahilingan sa kani-kanilang mga pailaw.
 
Narating nina Yttrius at Mendele ang pagdadausan ng pagpapalipad ng mga pailaw. Ang lugar ay nasa tabing ilog. Ang iloy ay tinatawag na ilog Pentium. May kalaparan ito't hindi gaanong kalaliman. Abot baywang lamang ang tubig nito. Sa ibabaw ng ilog ay may tulay na gawa sa kahoy at metal.
 
"Anong nariyan sa kabila?" tanong ni Yttrius habang papalapit sa tulay.
 
"Diyan ako nanggaling noong isang araw. Nariyan nakatira ang karamihan sa mga Astoryan. Nariyan din makikita ang kilalang bahay-inuman," sagot ni Mendele.
 
Nang marating ang mahabang tulay, tuluyan ng naghanap ng puwesto ang dalawa.
 
Habang tumatagal, dumadagsa na rin ang mga tao sa lugar. Maging ang tulay ay napupuno na rin ng mga tao at ang kabila ng ilog ay kinatitindigan na rin ng mga Astoryan bitbit ang kanya-kanyang mga pailaw.
 
"Isa, dalawa, tatlo!" Ang pagpapalipad ay tuluyan ng sinimulan at sinabayan pa ng malumanay na tugtugin. Unti-unti, napupuno na ang himpapawid ng mga pailaw, kulay dilaw at kahel.
 
"Ang ganda!" saad ng batang babae buhat ng kanyang ama.
 
Nakatingala si Yttrius sa mga nagliliparang pailaw. Nasisiyahan siya sa kanyang mga nakikita. Wala kasi sa Saman ng ganitong selebrasyon. Ibinaba niya ang kanyang paningin at nahagip ng kanyang mga mata ang binibining may pandong na pulang tela sa ulo. Masaya ang binibini habang nakatingin sa itaas.
 
Habang nasisiyahan din sa kanyang mga nakikita, napalingon si Mendele sa kanyang Pinuno. Napansin niyang nakangiti ito at nakatitig sa ibaba kung nasaan nagkukumpulan ang mga Astoryan. Hinanap niya ang tinitingnan nito, ngunit hindi niya matukoy kung sino sa mga may pandong sa ulo nakatuon ang atensyon ni Yttrius. Inalala ni Mendele ang kanilang naging usapan kanina.
 
'Hindi ko siya iniwan.'
 
'Posible kayang isa sa mga Astoryang ito ang kanyang iniibig?'
 
Muling tinitigan ni Mendele si Yttrius. Nakangiti pa rin ito. 'Ilang taon na kitang kasa-kasama ngunit ngayon ko lang napansin ang iyong pagbabago. Nahihirapan akong unawain ka.'
 
Tumalikod si Mendele upang mag-isip-isip. Muli siyang napatingala at napansin ang kakaibang kulay ng pailaw na umiitaas sa himpapawid. Agad niyang tinapik si Yttrius. "Yttrius," tawag niya sa kanyang Pinuno.
 
"Tingnan niyo! May asul na pailaw!" sigaw ng isa sa mga nasa tulay.
 
"May asul na pailaw!"
 
"Asul na pailaw!"
 
"Tingin sa itaas!"
 
"Hindi niya tayo iniwan!"
 
"Simbolo't babala ng ating tagapagligtas!"
 
"Narito siya!"
 
"Isang kasinungalingan!"
 
"Buhay siya!"
 
"Ang ating tagapagligtas!"
 
Nagkagulo ang mga tao. Ang iba ay natatakot at ang karamihan ay nagsasaya. Unti-unti na ring nagsisialisan ang ilan upang ipamalita ang nangyari sa selebrasyon.
 
"Yttrius, kailangan nating tingnan ang pinanggalingan niyon," tugon ni Mendele.
 
"Alam ko. Tara na!" saad ni Yttrius.
 
Binagtas nila ang tulay at tinahak ang gubat. Hindi rin gaanong kadiliman dahil nagliliwanag ang mga pailaw sa itaas.
 
"Doon iyon nanggaling!" sambit ni Mendele habang itinuturo ang pinanggalingan ng asul na pailaw.
 
Pagkarating nila ay wala silang naabutan. Palinga-linga sila sa paligid maging sa itaas ng mga puno.
 
"Isang tali?" kunot noong sambit ni Mendele. Inalis niya ang pagkakabuhol ng tali sa katawan ng puno at kanya itong tinitigan.
 
"Alam niyang mahangin ngayon kaya hindi mahigpit ang pagkakabuhol ng tali sa pailaw na iyon," saad ni Yttrius. "Alam niyang kaya niyang paliparin ang pailaw kahit wala siya rito."
 
"Ibig sabihin, buhay ang kanilang tagapagligtas?"
 
"Hindi ko alam, Mendele. Sana, oo."

ASTORYETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon