KABANATA IV

8 0 0
                                    

Bayan ng Saman.
 
Hindi pista sa sentro ng Saman, ngunit araw-araw nangingibabaw ang masasayang tugtugin dito. Ang pamilihan ay napupuno ng mga tao, maraming mamimili dahil sa ganda at tibay ng mga paninda.
 
"Mama, mama, pwede po ba?" Itinuro ng bata ang gusto niyang laruan, nagmamakaawa.
"Anak, ang dami mo pang laruan sa bahay." Muling nangulit ang bata, hinihila ang laylayan ng damit ng kanyang ina.
"Mama, pangako, huli na po ito."
Nilingon ng ina ang tindera.
"Magkano po?"
 
"Isda! Bagung-bago! Bili na ho kayo!"
"Mga gulay! Ibang klase! Galing karatig-bansa!"
 
"Grabe! Ang lalaki ng isda!"
"Saan ho ito nahuli? Dito lang po ba sa atin?"
 
Bukod sa pang-araw-araw na pangangailan, narito rin sa sentro ang mga sikat na pamilihan ng mga gamit sa pag-aaral, panahian at bilihan ng tela at mga damit, mga pampaganda, mga matitibay na muwebles pangbahay, at mga makinang pangsaka, pangingisda, at pang-istruktura.
 
"Grabe! Ang ganda nito! Bagay na bagay sa kulay tanso mong buhok. Ikaw na ang maganda, Piya!"
"Tiyak, magugustuhan ka lalo noong nanghahabol sa'yo!"
"Teka, para sa kanya ba iyan, kaya ka nagpapaganda?"
"Ano ba kayo? Magpaganda ka para sa sarili mo, hindi sa iba."
 
"Sa tingin mo, magiging maganda ang sulat ko kapag ito ang pinili kong panulat?"
"Ano ba ang dapat na bilhin nating kulay ng tinta? Itim, asul, pula, o berde?"
"Ano ba kayo? Syempre itim! Saka, hindi nakadepende sa panulat ang ganda ng isang sulat-kamay. Mabuti nalang kung talento mo ang magbagu-bago ng sulat-kamay."
"Hoy! Ang ganda nito! Hindi ba't talento mo, Kuya ang pagpipinta? Ba't 'di ka bumili ng isa sa mga iyan?"
"Masyadong mahal e."
"Magkano ba?"
"Tatlong daang sam."
"Ang mahal nga."
 
"Binibining Eli, may sulat na po ba kayong natanggap mula kay Mendele? Halos tatlong buwan na rin nang sila'y umalis. Baka marami na siyang nakilalang babae." Natigilan si Eli sa mabilis niyang paglalakad. Hawak nito ang laylayan ng kanyang kulay puti't asul na mahaba at makapal na bestida. Nilingon niya ang kaibigan na bakas sa mukha ang pag-aalala.
 
"Hindi magagawa ni Mendele na saktan ako. Babalik siyang ligtas maging ang aking kapatid." Nagpatuloy ito sa paglalakad at iniwan si Eyna, nakokonsensya sa kanyang sinabi.
 
Nang makarating sa paroroonan, sumilip ito sa salamin ng isang tindahan, gawa sa tabla ng kahoy ang dingding. Ang loob ay puno ng telang iba't iba ang klase. Kinatok niya ang salamin ng pinto saka ito itinulak. "Eli, anak." Isinantabi ni Ginang Yari ang paghahabi at sinalubong ng mahigpit na yakap ang anak. "Hindi ka na naman mapakali ano? Pagpasensyahan mo na lamang ang pag-ibig maging ang sitwasyon niyo. Si Mendele ay ligtas dahil magaling ang kapatid mong humawak ng kanyang tauhan. Babalik sila." Sa sinabi ng ina, naluha si Eli, labis na paghihinagpis ang kanyang nararamdaman. Batid ng ina na may nangyaring hindi maganda sa kanyang anak at sa kasintahan nito bago pa lisanin ng mga manlalakbay kasama ang nobyo ng anak para pag-aralan ang mga nangyayari sa labas ng kanilang bansa. Tanto niyang nag-away ang mga ito dahil simula nang umalis si Yttrius kasama si Mendele bilang kanyang tagapayo, hindi lang pagkabahala ang dinadala ni Eli, maging konsensya at labis na pagsisisi.
 
"Anak, ano ba kasing nangyari sa inyo ni Mendele? Kaya nga siya ang pinili namin sa iyo kasi alam naming siya ang klase ng binatang hindi ka sasaktan. Wala ng ibang binatilyong mas hihigit sa kanya. May mataas siyang pinag-aralan sa karatig bansa," saad ni Yari sa anak habang sumasalok ng mainit na tsaa. "Magalang ang batang iyon. Oh heto, inumin mo muna." Kinuha ni Eli ang tsaa saka sumimsim. Nilamon ang silid ng katahimikan. Minamasdan lamang ni Yari ang anak na unti-unting kumakalma. Tumingin si Eli sa kanyang ina nang bumalik ito sa puwesto nito para ipagpatuloy ang paghahabi ng mga panibagong telang ipagbibili.
 
Gusto niyang sabihin kung ano ang kanilang pinag-awayan, ngunit natatakot itong baka mapatay ng kanyang ama si Mendele. "Inay," tawag niya sa mahinang boses. Tiningnan siya ng kanyang ina, nag-aalala. "Away-magkasintahan lang po ang nangyari sa amin. Pinagbabawalan ko po kasi siyang sumama sa paglalakbay nina Yttrius ngayong alam ko namang kailangan ni Yttrius ng tagapayo," tugon ni Eli sa malungkot nitong tinig habang nakayuko dahil ayaw niyang makita pa ng ina ang kanyang reaksyon.
 
"Ang liit lang pala ng pinag-awayan niyo ni Mendele. 'Wag kang mag-alala dahil pagbalik niya, magiging maayos din naman kayo." Ngumiti na lamang si Yari sa kanyang anak upang muli itong kumalma.
 
"Pero Ina, bakit hindi man lang siya nakapagpadala ng sulat? Tama si Eyna, mag-tatatlong buwan na pero wala pa rin akong natatanggap na sulat mula sa kanya. Buti si Yttrius, nakapagpadala noong isang buwan." Labis na pagtatampo ang namayani sa tinig ni Eli.
 
"Eli, naririnig mo ba ang iyong sarili? Araw-araw, labis-labis ang iyong paghihinagpis. Babalik si Mendele ng maayos at alam ko, nananabik na rin siyang makita ka. Humayo ka na't baka mahuli ka sa klase." Napansin ni Eli na mukhang may tinitingnan ang ina sa labas. "Narito na si Eyna, lumabas ka na't tumungo sa iyong klase. Tatanungin ko siya mamaya kung naging maayos ang araw mo. Ibilin mo nalang din sa kanya ang mga palalabhan mo't nang malabhan na niya. Alam mong hindi pala-sayang ng oras si Eyna sa mga gawaing bahay."
 
"Paalam po, Ina." Yumukod si Eli at tuluyang tumalikod sa ina.
 
Muling narinig ni Eli ang ingay sa labas matapos niyang lisanin ang loob ng kanilang tindahan. Sinalubong siya kaagad ni Eyna na nag-aalala pa rin. "Eli," tiningnan lamang siya nito, blangko ang ekspresyon ng mukha. "Eli!" Sigaw ni Eyna nang tumakbo ang kanyang kaibigan. "Hindi ko siya maintindihan." Umiling-iling si Eyna sa sitwasyon ng kanyang kaibigan.
 
"Tabi! Tabi!" Nagulat si Eyna sa ingay na narinig mula sa kanyang likuran. Umusog siya sa tabi ng daan nang makita ang rumaragasang karitong gawa sa metal na napupuno ng mga nakasabit na damit sa mga tubong binuo upang maging sampayan.
 
"Ibinibenta ba iyon?" tanong niya sa kawalan, titig sa mga damit na naaalog dahil sa pagtama ng mga gulong sa mabatong daanan.
 
"Hindi iyon ibinibenta," nagtatakang nilingon ni Eyna ang lalaking nagsalita sa kanyang tabi, matangkad at maayos ang tindig. "Hindi mo ba kilala 'yong tumutulak ng kariton?" Tumingin sa kanya ang lalaki ngunit nakatuon na ang atensyon ni Eyna sa karitong tumigil sa tapat ng mataong parte ng pamilihan dahil marami pala ang nag-aabang.  "Halos mag-aanim na taon na siyang tumutulak ng metal na iyon para lamang makatulong sa mga mahihirap na mabigyan ng magagandang kasuotan na kailanman ay hindi pa nila nasusuot."
 
"Kung hindi niya iyon ibebenta, wala siyang perang makukuha. Magugutom ang matandang iyon."
 
Umismid ang lalaki sa sinabi ni Eyna saka humakbang, nakatingin sa kariton at sa kumpulan ng tao na pumipili na ng mga damit. Napansin ni Eyna na abot balikat lamang siya ng binata. "Hindi mo ba siya nakikita rito? Taga-rito ka pero hindi mo siya kilala."
 
"Trabaho ko bang kilalanin lahat ng tao sa amin o alamin lahat ng nangyayari rito?" taas-kilay na sagot ni Eyna.
 
"Hindi trabaho iyan. Ang tawag diyan, pagkilala sa bayan. Kilala mo ba ang bayan mo? Kasi ako, kilala ko ang aking bayan at maging ang mga sikat o simpleng mamamayang may malaking naiambag sa bansa. Hindi ko lamang kilala ang sarili ko, kung hindi ang kinatitindigan natin ngayon. Magpasalamat ka sa iyong bayan, malaki ang naitulong nito sa iyo. Sana ganito rin ang gawin mo sa Saman."
 
"Ano iyan?" tanong ni Eyna matapos itapat ng lalaki ang kanang kamay nito sa kanya.
 
"Gusto mong malaman 'di ba? Tara, tanungin mo si Manong kung tama ako. Kung oo, edi pumili ka ng gusto mo tapos iuwi mo." Napaisip si Eyna. Kung gagawin niya ang suhestiyon ng binata, magkakaroon siya ng damit na hindi niya kailanman naisuot.
 
Nang makalapit, nakita ng malapitan ni Eyna ang sitwasyon. Dinudumog ng mga tao ang kariton.
 
"O, hinay-hinay lang. Lahat kayo mapagbibigyan," saad ni Manong na nagpupunas ng pawis.
 
"Ang ganda nitong kulay itim!"
 
"Hala, lagot! Baka alisin ni inay ang aking dibdib kapag isinuot ko ito! Halos kita na ang aking kaluluwa! Damit pa ba ito?"
 
"Pwede na ang isang ito sa kaarawan ko!"
 
"Manong," lumapit si Eyna sa tindero. "Ang sabi po ng kaibigan ko, ang gaganda raw ng mga damit niyo," dagdag niya habang tinatakpan ang bibig. "Kaso po mukhang mahal," bulong niya pa. Lumayo siya ng bahagya sa tindero at binigyan ito ng matamis na ngiti.
 
"Hindi mo na ako kailangang bolahin, lituhin, o ipitin sa iyong pain, iha. Hindi ko naman ito ipinamimili e. Lahat ng nakikita mo," itinuro ni Manong ang mga damit. "Lahat ng mga iyan ay ginamit na ng mga tao ng Saman maging ng mga mayayaman sa karatig nating bansa. Kaya kung ako sa'yo, mamili ka na nang mapalitan mo na ang suot mong bestida. Bilisan mo rin baka ka maubusan." Mas lumapad naman ang ngiti ni Eyna. Mukhang nakumbinsi ng tindero.
 
Napansin ng binata ang biglaang pagsimangot ng babaeng sinamahan niya. "Kaso Manong, hindi ako marunong pumili ng masusuot na bagay sa akin. Si Inay lamang po ang pumipili ng mga susuotin ko. Gusto kasi niyang disente ako at hindi mukhang kaladkarin." Natawa ang tindero at biglang napaisip.
 
"Hindi problema iyan, iha." Muling naging maaliwalas ang mukha ni Eyna.
 
"Talaga po?"
 
"Oo naman. Sandali, maghahanap ako." Upang makatulong, nakipagsiksikan na rin si Eyna sa mga namimili rin ng mga kasuotan.
 
"Mukhang hindi ata babagay sa akin ang mga ito. Halos pang-mayaman," malungkot niyang saad habang nakatitig sa mga bestidang kumikinang, tila bago, at may magagandang kulay.
 
"Iha," isang kalabit ang kanyang naramdaman sa kaliwa niyang balikat. Nilingon niya ito. Isang bestida ang hawak ng tindero. "Bagay na bagay sa'yo ang kasuotang ito." Ibinigay ng tindero ang mahabang bestidang kulay pula sa kanya saka niya ito kinilatis. "Alam mo bang galing iyan dito sa Saman?" Namilog ang mga mata ni Eyna sa sinabi ng tindero. "Apat na taon na iyan sa akin. Matagal kong itinago. Sobrang ganda kasi ng babaeng sumuot niyan. Hindi ko nga alam kung taga-rito iyon e," tumigil ang matanda, napaisip.
 
"Natatandaan mo ba iyong sayawan noong pista rito, apat na taon na ang nakararaan?" Natigilan si Eyna at napaisip. "Iyong gabing iyon, iyong babaeng may suot niyan, sumayaw siya at napahanga niya ang mga nakapanood sa kanya."
 
"Gabi po pala iyon nangyari e. Baka maaga po akong natulog n'yan," napakamot si Eyna sa kanyang ulo. "Grabe, Manong! Bigatin pala ang may suot nito. Nasaan na po kaya siya?"
 
"Walang nakakaalam, iha. Basta, pagkatapos ng gabing iyon, naglaho na rin siya na parang bula."
 
"Alam mo, hindi lang ikaw ang nauto noon," tugon ng binata nang makalayo na sila sa nagkukumpulang mga tao. "Lahat ng nakakausap noon, ganyan palagi ang kuwento."
 
"Nakausap mo na ba iyon?" Umiling ang lalaki. "Iyon naman pala e. Mapanghusga ka rin. Palibhasa mayaman. Sino ka ba? Hindi ka Saman ano?"
 
"Mukha lang pero Saman ako. " Ngumisi si Eyna, iniisip na isang biro ang sinabi ng lalaki. "Ako si Cali. Natatandaan mo ba?"

ASTORYETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon