KABANATA X

3 0 0
                                    

"Maging si Pinunong Euros ay nagulat din sa kumalat na balitang nagbalik ang kanilang tagapagligtas," kwento ni Yttrius habang hinuhubad ang kanyang damit pang-itaas. Sasampa kasi siya ng barko at alam niyang pagpapawisan siya ng husto sa kanyang mga gagawin.

"Anong balak ng Pinunong Euros?" tanong ni Mendele habang nakaupo sa kahoy na kahon at nagsusulat sa kulay krema nitong kuwaderno.

"Nag-atas siya ng ilang tauhan niya na magsisiyasat sa buong Astorye. Plano niyang hindi guluhin ang pista kaya magpapatuloy ang selebrasyon," sagot ni Yttrius. "Mendele, hindi ka ba sasampa sa barko?"

Tumayo si Mendele at sinundan si Yttrius sa pagtawid sa umiindayog na kahoy na tulay patawid ng barko mula sa daungan ng Astorye.

Nagkalat ang mga kabalyero sa loob ng barko. Ang ilan ay sinusuri kung may sira ang kanilang sasakyang pandagat, simula sa unang palapag kung nasaan naroon ang makina hanggang sa ikaapat. Ang halos sa kanila ay pinagkukuha ang kani-kanilang mga sandata upang ayusin.

Tinungo ni Mendele ang kanyang silid saka ipinatong ang kuwaderno at pluma sa kanyang tiheras (kama). Binuksan niya ang kanyang maliit na bintana at dinama ang malamig na simoy ng hangin. "Binibini," bigla niyang sambit.

Muli niyang binalikan ang kanyang malambot na higaan at tumihaya ng higa. "Ba't ko pa nga ba hahanapin ang katahimikan sa ibang lugar kung nasa akin ito mismo? Kailangan ko nga lang pakalmahin ang aking isipan, bagay na mahirap gawin dahil patuloy akong ginugulo ng babaeng iyon."

Ipinikit na lamang ni Mendele ang kanyang mga mata at nagpalamon sa tunog ng along humahampas sa barko.

Hinihingal at pinagpapawisang tinungo ni Yttrius ang silid ng kanyang alaga. Ipinatong niya sa mesa ang duguan nitong punyal. "Limang patay na ibon at isang buslo ng mga mansanas," sambit ni Yttrius nang buksan niya ang kulungan ng kanyang malaking alagang pusa. Isang tigre mula sa bansang Orden. Panakot niya ito sa mga lapastangang nagpupumilit pasukin ang kanilang barko. Bagama't ito ay mabangis, taon na rin matapos pag-aralan ni Yttrius kung paano ito paaamuhin. Ang alaga niyang ito ay madalas pakawalan at hinahayaan lamang sa nais nito. "'Wag kang mag-alala, Mari, magiging malaya ka mamaya," nakangiting saad ni Yttrius. "Tapusin mo muna ang iyong kinakain."

Nilisan ni Yttrius ang kanyang alaga at tinungo ang ikatlong palapag ng barko kung saan abala ang kanyang mga kabalyero sa pagpupukpok at paghahasa ng mga metal na gagawing bagong sandata.

Nilapitan ni Yttrius ang isang tauhan na sinusuri ang tibay ng kanyang bagong gawang punyal. "Ginoong Aga, labis mo naman akong pinahahanga sa iyong bagong gawang punyal. Hiling kong gawan mo rin ako ng bago." Binunot ni Yttrius ang kanyang punyal mula sa likuran saka iniharap kay Aga. "Sapat na ba ito bilang aking kabayaran?" nakangising saad ni Yttrius.

Dahan-dahang kinuha ni Aga ang punyal habang hindi maipinta ang kanyang reaksyon. "Ang inyong punyal ay bukod tangi sa lahat, Pinunong Yttrius. Hindi sasapat ang aking mga gawa upang tumbasan ang pag-aari mong punyal. Ikaw ba ay sigurado na sa iyong pasya?" hindi makapaniwalang tanong ni Aga.

Tumango si Yttrius.

Tanghaling tapat. Pawis ang bumalot sa buong katawan ni Mendele. Sa init na kanyang nararamdaman, kunot-noo niyang binuksan ang kanyang mga mata. "Tanghali na," saad niya habang titig sa kisame.

"Pinapatawag na ang lahat para sa tanghalian!" saad ng kanilang mensahero matapos itong kumatok ng tatlong beses sa pinto ng kanyang silid.

Bumangon si Mendele at dinampot ang kanyang panulat at kuwaderno. Dahan-dahan nitong nilapitan ang kanyang pinto saka binuksan. "Gggrrrrrrr!" Tunog na gumising sa natutulog niya pang ulirat.

"Pinunong Yttrius, hindi kaya lapain si Mendele ng alaga mong pusa? Wala siyang kasanayan katulad ng inyo?"

"Kung ganoon, himala ang magliligtas kay Mendele," nakangising tugon ni Yttrius.

ASTORYETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon