SIMULA
THE STAR WHO LEFT
"To the one who always wanted to be one of the stars"
Walang makakapagsabi kung ano nga ba ang mangyayari sa hinaharap. Kung ito ba ay aayon sa ating kagustuhan, o kung patuloy lang ba tayong magpapatangay sa agos ng buhay kahit na hindi naman ito ang minimithi ng ating puso.
"Tala, tama na iyang pagsilip sa likod ng mga ulap!" Napatingin si Tala sa kasamahang bitwin at walang nagawa kung hindi maghuling sulyap sa mga batang bitwin na kanyang iniluwal.
"Alam kong gusto mo nang makapiling muli ang iyong mga anak pero kaonting tiis na lang, at makakapiling mo na sila. Ni hindi mo mamamalayan ang paglipas ng oras dahil magiging mabilis lamang ito."
"Sana nga... dahil sa bawat araw na lumilipas na hanggang sulyap lang ang tanging nagagawa ko ay pakiramdam ko mas lalong lumalayo ang kanilang loob sa akin. Lalo na at baka--- ano mang oras ay maaaring makahanap ang kanilang ama ng tatayong ina..."
Sa bawat desisyon na ating ginagawa, kaakibat nito ang kapalit na walang kasiguraduhan kung sa atin ba papatinig o hindi. Ang tanging magagawa na lamang natin ay ang manalig. Manalig na sa bukas na ipagkakaloob, may solusyon na ibibigay o mahahanap, o yayakap sa pagkakamaling ating ginawa kahapon.
Lumipas lamang ang mga araw ay mas lalong bumibigat ang pangungulila ng Ina sa kanyang mga anak na siyang gabi-gabing inaabangan ang paglitaw ng inang bitwin sa madilim na kalangitan upang bigyang liwanag ang kalawakan na napupuno ng masalimuot na kadiliman.
"Kuya, bakit kaya kailangan pa ni Inay pumunta sa taas?" mababakasan ang lungkot sa boses ng bunsong anak ni Tala habang nakatingin sa inang kumukislap sa kadiliman.
"Iyon ang kinakailangan. Ang sabi ni Inay, mas mababantayan niya tayo kapag nasa itaas siya," sinubukang ngumiti ng Kuya sa nakababatang kapatid ngunit nangingilid na ang mukha nito.
"Pero gusto ko nasa tabi natin siya!"
KUMULOG nang pagkalakas-lakas at bumuhos ang ulan. Umiiyak si Tala dala nang narinig mula sa mga anak.
Alam niyang hirap ang mga itong intindihin ang rason ng kanyang paglisan ngunit--- sino nga bang bata ang makakaintindi sa paglisan ng minamahal na ina? Mayroong bang sapat na rason na siyang makakapagpakalma sa nananahan na puso? Mayroong bang hehele sa mga namumugtong mga mata? Sinong yayakap kapag nasa ilalim na ng higaan ang halimaw?
"Pinagsisisihan mo na ba ang iyong naging desisyon?"
"Hindi."
"Tignan mo ang mga anak mo--- at sabihin mong muli sa akin na hindi mo pinagsisisihan ang maagang pag-akyat dito!" Nakatanaw si Tala sa maliwanag sa lugar kung saang parang walang buhay ang kanyang mga anak na naghahanda para sa panibagong araw na kakaharapin nila.
"Ang nakikita mong paghihirap nila ay bunga ng makasarili mong desisyon! Kung inisip mo lamang ang iyong pamilya ay hindi ka aabot dito! Mahaba pa sana ang iyong oras para makasama sila!"
"Hindi ko ginustong lisanin ang kanilang tabi sa maikling panahon! Walang ina ang nais iwan ang kanilang mga anak na nagdurusa sa kanilang pagkawala! Walang ina ang masaya sa paglisan! Wala! Ang tanging naging kasalanan ko lamang sa aking mga anak ay hindi ko naipaglaban ang aking buhay!"
"Hindi mo naipaglaban dahil masyado kang abala upang ipaglaban ang buhay ng iba! Sinayang mo ang buhay na sana mayroon din ako! Sinayang mo ang sakripisyo ko!"
BINABASA MO ANG
Always Been A Star (Gold and Pearl Saga#1)
General FictionGold and Pearl Saga#1 (1st installment) After masking herself with the good, prim, and proper facade, the daughter of the Vela Solana Family, Willow Andromeda Salavieja, uses her pen to reveal her emotions, the only way to express her thoughts and f...