CHAPTER 26

532 34 1
                                    

CHAPTER 26

“Pinapadala ng hari.” Itinulak ng kawal na may namumuting mga mata ang pinggan papasok sa butas ng aking kalawanging rehas. “Kumain ka na raw,” utos pa ng kawal na taga-Suisra.

Napakatatas na niyang managalog... marahil lahat sila ay sanay na sa aming lenggwahe.

Hindi ko maramdaman ang nanunuyot kong labi at hindi rin ako makabuo ng mga salita dahil sa magaspang kong lalamunan. Gusto kong kuhanin ang pinggang may lamang kaunting kanin at kapirasong isda, pero wala akong ibang magawa kundi ang panoorin ang mga langaw na mag-unahan papunta roon.

Bakit hindi na lang nila ako patayin? Bakit hindi na lang ‘to matapos lahat? Ano pang kailangan nila sa akin? Wala na... wala na akong maibibigay... bakit hindi na lang nila ako itapon?

Isa na lang akong bituin na kahit sa gitna ng kadiliman ay hindi magawang magningning... nawalan na ako ng kinang... wala na akong dahilan pa para magliwanag... bakit hindi na lang ako sumabog?

Tama nga sila... hindi ko kaya. Oo, hindi ko kinaya ang maghari... dapat pala’y nakinig na lang ako sa kanila. Hindi ko man lang nagawang protektahan ang mga nasasakupan ko... hindi ko man lang nagawang protektahan ang kaisa-isang dahilan ng pagniningning ko... hindi ko man lang siya nailigtas... hindi ko man lang nagawang iligtas ang babaeng pinagmumulan ng liwanag ko.

Tama nga sila.

Wala akong kuwenta.

At ngayon, mas lalo akong nawalan ng halaga. Gusto kong iligtas ang mga kababayan ko, ngunit wala akong ibang magawa kundi ang balikan ang alaala ‘yon.

“B-Bakit ako nandito?” bulong ko sa sarili ko gamit ang garalgal na boses. Pinasok ng preskong amoy ng mga murang dahon ang aking ilong habang itinutulak ko ang aking katawan mula sa sahig ng gubat.

Hindi mabilang na mararahas na pagtatapo ng mga metal ang aking naririnig. Ang mga atungal ng mga kawal ay malinaw na rumerehistro sa aking tainga kasabay ng pailan-ilang mga pagsabog na nagpapadagundong sa paligid.

Namilog ang aking mata sa gulat nang maalala ko kung bakit ganito—kung bakit nagkakaganito.

Ang mga Megallanes!

Dali-dali akong tumayo at tumakbo papunta sa ingay. Ang aking katawan ay bahagya nang nag-iinit dahilan para tumakas mula sa aking balat ang maninipis na mga usok.

Ramdam na ramdam ko na sa buong sistema ko ang kumukulo at nag-iinit na likido... pero pinipigilan ko ang sarili kong sumabog.

May isang balbasing lalaki ang dumakip sa akin! Hindi ko alam kung bakit ako naubusan ng lakas noon at hindi ko rin alam kung paano ako napunta roon sa tahimik na parte ng kaharian! Paano bumalik ang lakas ko?

Kumakalansing ang aking bakal na kalasag habang buong bilis akong tumatakbo at pansin ko na rin ang unti-unting pag-init nito. Sinulyapan ko ang aking palad, at hindi ako nagkamali sa hinala kong unti-unti nang pinapalitan ng kumukulong putik ang aking balat.

Sumibol ang tapang sa buong sistema ko... desidido na akong ibuwis ang aking buhay.

Pero ang babarikong ekspresyon na nakapaskil sa aking mukha ay napalitan ng pamimilog ng aking mga mata. Napatigil ako sa pagtakbo at hindi ko na napansin ang pagkapako ng mga paa ko sa lupa.

Zaril Chronicles 1: A Villain's DaughterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon