CHAPTER 28

493 31 2
                                    

CHAPTER 28

"H-Hwan..."

Lumabo ang paningin ko kasabay ng pag-iinit ng sulok ng aking mga mata. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko sa sobrang saya... basta parang may kamay sa loob ng dibdib ko na mariing pinipiga ang aking puso...

"I-Iska..."

Bakit ko siya nakikita? Nananaginip lang ba ako?

Kung oo, gusto ko na lamang matulog habangbuhay...

"Teka lang, kailangan ba talagang banggitin pa ang pangalan ng isa't-isa? Nasa pelikula ba kayo?" Tila umatras ang luha ko nang magsalita ang isa sa anim na estrangherong babae. "Nakakaantok kayo!"

"Lumabas na tayo rito, mga ate! Baka magtatalik na sila! Alam mo naman, isang gabi siyang hindi nakita ni Iska tapos dinatnan pa niyang walang malay itong lalaking ito. Ito namang binatang ito, isang buwan na hindi nasilayan ang maganda nating pamangkin! Malamang sa malamang ay sabik na sabik na sila sa isa't-isa!"

"Oo nga!" sabay-sabay nilang pagsang-ayon. Malalagkit ang mga mata nilang nakatingin sa akin na parang... may iba silang ibig sabihin!

Nagusot ang aking noo sa iniaakto ng mga binibining ito. Ano bang sinasabi nila?

Parang mga bata silang nagpulasan palabas hanggang sa kaming dalawa na lamang ni Iska ang natira sa loob ng aking kuwarto...

"Hwan..." Halos mapalundag ako sa gulat nang muli kong marinig ang malumanay niyang boses. "P-Puwedeng... uh..." Nag-iwas siya ng tingin kasabay ng pasimple niyang pagtikhim na parang may kung anong sagabal sa kaniyang lalamunan. "Puwede bang... payakap?"

Kahit hindi nakapako sa akin ang mga mata niyang kasing asul ng karagatan ay naghurumintado ang puso ko sa pagbayo sa aking dibdib. Ilang beses akong lumunok pero hindi ako makakalkal ng mga salita. Parang bumabara ang bawat salita sa aking lalamunan dahilan para hindi ako makapagpakawala ng boses. Ramdam ko na rin ang ilang butil ng pawis na namumuo sa aking noo... pero hindi ko pa rin magawang umimik.

Sa sobrang nerbyos na bumalot sa aking sistema, namalayan ko na lamang ang natural na init ng kaniyang katawan na binabalot ako. Nanigas ako dahil sa yakap niya sa akin mula sa tagiliran. Malamyang nakapulupot ang kamay niya sa dibdib ko habang ang baba niya ay banayad na nakapatong sa aking bunbunan.

Para akong nililipad sa alapaap sa sobrang sarap sa pakiramdam. Bahagya kong isinarado ang aking mga mata hanggang sa naramdaman ko ang bahagya niyang paghikbi.

"Patawad, H-Hwan... hindi ko nagawang..." Mas humigpit ang yakap niya sa akin. "Hindi ko nagawang protektahan ang Zaril..."

Tila libo-libong mga daliri ang kumurot sa aking puso...

Gusto ko na lamang na makulong sa panaginip na ito... kahit panaginip lang, napakasaya... napakagaan ng lahat.

"Ang kapal ng mukha kong... bumalik dito. Ang kapal ng mukha kong humingi ng pangalawang buhay... gayong wala naman akong kuwenta. Isang beses kong pinagtangkaan ang buhay mo, Hwan... hindi ko alam kung matatanggap mo ako. Hindi ko alam kung mapapatawad mo ako kasi... kasi ako ang dahilan ng lahat ng ito, Hwan." Sumibol ang pagtataka sa aking sistema, ngunit mas pinili kong namnamin ang init ng pakiramdam sa gitna ng mga bisig niya. "A-Ako ang pagkakamali na p-pinagmulan ng malaking kaguluhang ito..."

Nang maramdaman kong unti-unti nang bumibigat ang mga hikbi ni Iska, bahagya akong kumalas sa kaniyang yakap kahit napipilitan lang ako. Tiningala ko siya at sumalubong sa akin ang miserable niyang mukha. Mariing magkalapat ang kaniyang mga labi na tila pilit niyang pinipigilan ang mabibigat niyang mga hikbi. Inabot ng nanginginig kong hinlalaki ang kaniyang basang pisngi at pinunasan ang luha niya habang seryosong nakapako ang paningin ko sa kaniyang nakakalunod na kulay langit na mga mata.

Zaril Chronicles 1: A Villain's DaughterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon