STORY #12: Chop, Chop, Chop

5.9K 350 67
                                    

DEDICATED TO: arcellieurbe (Arcel)

DEDICATED TO: arcellieurbe (Arcel)

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.



“HAYOP ka, Reno! Saan mo itinago ang kapatid ko?! Ilabas mo siya!” Kulang na lang ay mag-apoy ang buong katawan ni Arcel sa sobrang poot nang makaharap niya ang taong responsable sa pagkawala ng kapatid niyang si Leah. Walang iba kundi ang mismong asawa nito na si Reno!

Nasa interrogation room siya at nasa harapan niya si Reno. May dalawang pulis sa likuran ng lalaki. Nakangisi lang si Reno at mukhang hindi naaapektuhan sa galit niya. Nakaposas ang mga kamay ng lalaki.

Ilang linggo nang nawawala ang kapatid niya at nang mag-imbestiga ang mga pulis ay nalaman na pumunta si Leah sa bahay nito at ni Reno.

Nakakapagtaka iyon dahil binawi na nila si Leah kay Reno dahil sa pambubugbog nito kay Leah. Halos madurog ang puso niya noon nang makita ang mga pasa at sugat sa katawan ni Leah kaya ipinangako niyang hinding-hindi na nila ito ibabalik kay Reno. Masakit pa lalo dahil bunso si Leah. Ganoon na lang kung protektahan nila ito tapos sasaktan lang ng ibang tao!

Nangako si Leah sa kanila na hindi na ito babalik kay Reno. Hindi na nila kinasuhan si Reno at ang kapalit ay titigilan nito ang kapatid niya.

Tapos malalaman nila na nagpunta si Leah sa dating bahay ng dalawa? Doon na sila naghinala. Lalo na nang umalis si Reno sa bahay na iyon. Makalipas lang ang isang araw na umalis si Reno ay may sulat na natanggap ang pamilya nila mula kay Leah. Sinasabi nito na sumama na ito kay Reno at huwag na itong hanapin.

Hindi naniwala si Arcel. Parehas silang babae ni Leah at sabay silang lumaki kaya kilala na niya ang kapatid. Alam niyang kailanman ay hindi na sasama si Leah kay Reno kaya pinaimbestigahan niya si Reno. Nahuli ito ng mga pulis sa airport. Pupunta sana ito ng Taiwan. Nang tanungin kung bakit hindi nito kasama si Leah ay hindi na ito nakasagot. Nakalagay pa naman sa sulat ni Leah na sasama na ito sa hayop na si Reno.

Kaya nang hinuli ito at dinala sa presinto malapit sa kanila ay agad siyang pumunta. Nakiusap siya sa mga pulis na siya na mismo ang magtatanong kay Reno dahil ayaw daw nitong magsalita. Tinatawanan lang daw nito ang mga pulis kapag tinatanong kung nasaan si Leah.

“Reno?! Ano ba?! Magsalita ka! Anong ginawa mo kay Leah?!” Hindi na napigilan ni Arcel ang sumigaw. Sa galit niya ay napaiyak na siya.

Tumayo siya para saktan si Reno pero mabilis na naawat siya ng isang pulis.

“Bitiwan mo ako! Papatayin ko ang hayop na iyan! Demonyo iyan!” Pagwawala na niya.

“Ma’am, kapag hindi po kayo huminahon ay ilalabas na namin kayo!” babala ng pulis na umawat sa kaniya.

Pumiksi siya. Masama ang loob na bumalik siya sa upuan. Humarap siya ulit kay Reno.

Huminga siya nang malalim bago muling nagtanong. “Reno, nakikiusap ako sa iyo. Sabihin mo na kung nasaan si Leah? B-buhay pa ba siya? Kung hindi na… s-sabihin mo sa amin kung saan mo inilagay ang katawan niya?” Mas lalong lumakas ang pagbalong ng luha ni Arcel.

Masakit na itanong niya iyon. Hindi niya kayang isipin na patay na si Leah. Iniisip pa lang niya ay parang mamamatay na rin siya. At sigurado siya, kung namatay si Leah sa kamay ni Reno ay nahirapan muna ito nang husto bago ito nalagutan ng hininga.

Mahinang tumawa si Reno. Nakakakilabot ang titig nito sa kaniya kahit pa nakangiti ito.

“Reno… please…” Patuloy niyang pakiusap.

“Ma’am, hindi po yata talaga magsasalita iyan. Ang mabuti pa siguro ay lumabas muna—”

“Gusto mo ba talagang malaman kung saan ko itinago ang katawan ni Leah?” Mababa ang boses na tanong ni Reno. Sa wakas, nagsalita na rin ito.

Pero hindi iyon ang sagot na gusto niyang marinig. Sa sinabi nito ay parang sinabi na rin nito na pinatay nga talaga nito si Leah. Napahagulhol si Arcel. Naitutop niya ang mga kamay sa bibig.

“P-pinatay mo ang kapatid ko?!” Biglang sumikip ang dibdib ni Arcel.

“Tinatanong kita. Gusto mo bang sabihin ko kung nasaan ang katawan ni Leah?” Nakangisi pa talaga si Reno.

“O-oo. Sabihin mo na sa amin!”

Prenteng sumandal si Reno. “Ikuha ninyo ako ng mapa ng Calamba. Sa Laguna.”

“Ano? Niloloko mo ba kami?”

“Gusto mo bang sabihin ko o hindi?”

Tiningnan ni Arcel ang dalawang pulis. “Pwede ba nating ibigay ang gusto niya?”

Tumango ang isang pulis at lumabas ng interrogation room. Nanatili siyang nakatitig kay Reno habang hinihintay na bumalik iyong pulis. Hindi nagtagal ay bumalik na ang pulis na may dalang mapa ng Calamba, Laguna na pri-nint nito sa bond paper. Inilapag nito iyon sa harapan ni Reno.

“Ngayon, sabihin mo na kung nasaan si Leah…” Pinipilit niyang magpakahinahon kahit walang patid pa rin ang luha niya.

Iniunat ni Reno ang dalawang kamay na nakaposas at tiningnan siya habang nakangisi. “Sasabihin ko na basta tandaan niyo lang ang mga ituturo ko. Okay?” anito.

Agad na naglabas ng maliit na notebook at ballpen ang isang pulis at hinintay ang sasabihin ni Reno.

“Nandito…” Itinuro ni Reno sa mapa ang lugar na Canlubang. “Tapos, nandito.” Itinuro naman nito ang Palo-Alto sa mapa. “Meron din dito saka dito…” Ang kasunod na itinuro naman ni Reno ay ang Mayapa at Paciano.

“Niloloko mo ba kami?!” bulyaw ng pulis na may hawak na notebook.

“Saka dito, dito at dito…” Sinundan ni Maricar ang mga itinuro ni Reno. Sa La Mesa, Parian at Looc ang huli nitong itinuro. Matapos iyon ay sumandal ulit ito at mala-demonyong ngumiti habang nanlilisik ang matang nakatingin sa kaniya.

Nangatal si Arcel at kulang na lang ay mawalan ng malay nang makuha niya kung bakit maraming lugar ang itinuro ni Reno sa mapa ng Calamba, Laguna nang tanungin niya ito kung nasaan ang kaniyang kapatid na si Leah.





THE END

100 Tales Of HorrorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon