STORY #15: Last Dance

5.7K 358 43
                                    

DEDICATED TO: YAMJasC (Christine)

NAPAIYAK nang husto si Christine nang sabihin ng doktor sa kaniya na anumang araw ay maaari nang mamatay ang kapatid niyang babae na may sakit na bone cancer

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


NAPAIYAK nang husto si Christine nang sabihin ng doktor sa kaniya na anumang araw ay maaari nang mamatay ang kapatid niyang babae na may sakit na bone cancer.

Lumala na daw kasi nang husto ang sakit nito at kumalat na sa iba pang parte ng katawan nito ang cancer cells. Hindi na rin daw nagre-response ang katawan ng kapatid niya sa kahit na anong gamot o therapy na ibinibigay dito.

Ang buto sa magkabilang binti hanggang paa ng kapatid ni Christine ang unang tinira ng cancer. Dahil sa medyo kapos at siya na lang ang kumikita sa kanilang dalawa ay nahirapan siya sa pagpapagamot nito. Wala na kasi silang mga magulang dahil matagal nang patay ang mga ito. Hindi niya tuloy maiwasang sisihin ang sarili. Pakiramdam niya ang nagkulang siya bilang ate nito.

Mula sa ospital ay inuwi na ni Christine ang kaniyang kapatid para hintayin na lang ang pamamalaam nito. Dahil sa hindi na ito nakakalakad ay nasa wheelchair ito. Inihatid naman sila ng ambulansiya kaya hindi sila nahirapan. Tinulungan din siya ng dalawang nurse na maipasok sa maliit nilang bahay ang kaniyang kapatid.

Nang silang dalawa na lang ang nandoon sa bahay ay pinagmasdan ni Christine ang kapatid na nakaupo sa wheelchair. Naubos na ang buhok nito dahil sa napakaraming chemotherapy na pinagdaanan nito sa ilang taon nitong pakikipaglaban sa cancer. Napakalaki ng ibinagsak ng katawan nito. Dati itong chubby, ngayon ay halos buto’t balat na ito. Masigla ito noon, ngayon ay palagi itong nanghihina.

Umangat ang mukha nito at pilit na ngumiti sa kaniya. Maputla at tuyo ang labi nito. “Ate, umiiyak ka ba?” tanong nito sa nanghihinang boses. Papikit-pikit ang mga mata na parang inaantok.

Pagkapa ni Christine sa pisngi ay doon lang niya nalaman na lumuluha na siya. “Ha? Ah, e… W-wala ito. Happy lang ako kasi nakauwi na tayo dito sa bahay natin. Ilang buwan ba tayong nasa hospital? Six months?” Yumukod siya sa harapan nito para magkatapat ang kanilang mukha.

Hindi niya matanggap na anumang araw ay mawawala na ito. Napakabat pa ng kapatid niya. Hindi pa nga ito tapos ng highschool. Ang sakit isipin na isang araw ay mag-isa na lang siya dito sa bahay na iniwan ng kanilang mga magulang para sa kanilang dalawa.

“Ate… inaantok ako. Pwede bang samahan mo ako sa kwarto natin?”

Iisa lang ang bedroom sa bahay nila kaya magkasama silang natutulog palagi. Dinala niya agad doon ang kaniyang kapatid. Maingat itong binuhat at inihiga sa pangdalawang kama.

“Ate, magiging ballerina pa ba ako?” Natigilan si Christine sa tanong nito. Pangarap kasi talaga nito na maging ballerina balang araw. Pagal itong tumawa. “Bakit ko pa ba itinatanong, e, alam ko na naman ang sagot…”

Noong malakas pa ito ay ini-enroll niya ito sa isang ballet class kahit pa medyo may kamahalan. Gusto niya kasi na naibibigay niya sa kapatid ang lahat ng gusto nito basta makakabuti para dito.

“Ano ka ba? Oo naman. Matutupad pa iyan. Magagawa mo pang sumayaw. Promise!” Pagpapalakas niya ng loob.

“Kapag ikaw ang nagsabi, maniniwala ako, ate!” pakli nito.

Matapos iyon ay natulog na ang kapatid ni Christine. Tinabihan niya ito sa higaan dahil bigla siyang inantok dahil sa pagod. Ngayon ay makakabawi na siya kahit papaano ng tulog. Kahit ngayon lang…

-----ooo-----

NAALIPUNGATAN si Christine dahil sa biglang lumamig sa kwarto. Kinapa niya ang kumot at doon niya nalaman na wala sa tabi niya ang kaniyang kapatid. Kinabahan siya at bumalikwas ng bangon. Nakita niya na alas tres na pala ng madaling araw. Kung ganoon ay napatagal pala ang idlip niya. Simula tanghali hanggang ngayon ay tulog siya!

Ang labis lang niyang ipinagtataka ay wala ang kapatid niya sa kaniyang tabi. Bababa na sana siya sa kama para hanapin ito nang may marinig siya na parang naglalakad sa kwarto. Bigla tuloy siyang natakot na baka may ibang taong nakapasok sa kanilang bahay.

Huminga siya nang malalim at binuksan ang lampshade na nasa tabi ng kama. Bumaha ang malamlam na liwanag sa buong kwarto at ganoon na lang ang gulat niya nang makitang sumasayaw ang kapatid niyang babae. Nakataas ang dalawa nitong kamay at nakangiti. Paikot-ikot at maganda ang bawat galaw ng paa.

Diyos ko! Totoo ba ito? O panaginip lang? tanong ni Christine na tanging siya lang ang nakakarinig. Ilang bese pa niyang kinusot ang mga mata pero hindi siya namamalik-mata. Totoong nagsasayaw ang kapatid niya!

Napaiyak si Christine sa labis na saya. Nais niyang maalala palagi ang tagpong ito dahil para sa kaniya ay isa itong himala. Kinuha niya sa tabi ng lampshade ang kaniyang cellphone at ini-record sa video ang pagsasayaw na iyon ng kaniyang kapatid…

-----ooo-----

MAKALIPAS ang isang araw ay kinuha na ng Diyos ang kapatid ni Christine. Isang araw ay nagising siya na patay na ito. Kahit alam niyang darating anumang araw ang tagpong iyon ay nasaktan pa rin siya ng husto. Umiyak siya nang umiyak.

Dalawang gabi lang ang naging burol ng kapatid niya at inilibing din ito. Marami ang nakipaglibing. Mga kaibigan, guro, kaklase ng kapatid niya at ibang kamag-anak nila ang naroon para damayan siya.

Matapos ang libing ay umuwi na rin si Christine. Mas lalong naging malungkot ang bahay na iyon dahil mag-isa na lang siya.

Umupo siya sa sofa at naalala ang video ng kapatid niya na sumasayaw. Hindi niya iyon nasabi dito pero hindi rin nito iyon nabanggit sa kaniya. In-upload niya sa Facebook ang video at inilagay niya sa caption na ang video na iyon ay maituturing niyang isang himala dahil hindi na nakakalakad ang kapatid niya pero nagawa pa rin nitong makasayaw gaya ng nais nito bago ito bawian ng buhay. Inilagay din niya kung gaano niya ito kamahal at ka-miss.

Dahil sa sobrang pagod, matapos ma-upload ang video ay nagawa niyang makatulog sa sofa.

-----ooo-----

NAGISING si Christine sa walang tigil na pagtunog ng kaniyang cellphone. Ang akala niya ay may tumatawag pero dahil lang pala sa sunud-sunod na notification sa kaniyang Facebook. Pati ang message sa Messenger ay halos walang tigil. Naisip niya ang pinost niyang video ng kapatid niya. Baka marami ang naantig kaya marami ang nagme-message sa kaniya.

In-open niya ang unang message sa Messenger. Mula iyon sa tita niya na nasa Italy. Napakunot siya ng noo nang basahin ang mensahe nito: Christine, nakakatakot naman ang video na in-upload mo. Mas maganda na ipa-blessed mo ulit ang bahay ninyo diyan. Ingat ka and condolence…

“Ano bang pinagsasabi ni tita?” Mahina niyang tanong.

Agad niyang tiningnan sa kaniyang profile sa Facebook ang video na kaniyang in-upload. Nang i-play niya iyon ay doon na nasagot ang tanong niya.

Gumapang ang kilabot sa buong katawan ni Christine nang mapanood ang video ng kapatid niya habang sumasayaw ito. “D-diyos ko!” Nanginig ang buo niyang katawan sa takot.

Sa video ay may dalawang taong kulay itim ang buong katawan ang nakaalalay sa magkabila nitong paa. May mahabang buntot ang mga ito at may maliliit na sungay. Isang matangkad na lalaki na kulay itim din ang buong katawan at may kulay pulang mata ang kasayaw ng kapatid niya. Nakapatong ang dalawang kamay nito sa magkabilang balikat ng matangkad na lalaki!

Bago matapos ang video ay biglang tumingin sa camera ang tatlong at doon niya mas nakita nang maayos na demonyo ang mga ito. Napasigaw siya at nabitawan niya ang cellphone. Bumagsak iyon sa sahig at parang hindi na niya iyon kayang kunin pa.

Kung ganoon ay may mga demonyong tumulong sa kapatid niya kaya ito nakasayaw bago ito mamatay?

THE END

100 Tales Of HorrorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon