STORY #62: Intruder/s

3.4K 233 17
                                    

DEDICATED TO: fayebuluos12 (Jannie)

DEDICATED TO: fayebuluos12 (Jannie)

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.







“PLEASE! Bilisan niyo ang pagpunta! May nakapasok na lalaki dito sa bahay ko!” Nanginginig at pabulong na turan ni Jannie sa kausap niyang pulis sa kaniyang cellphone.

Kasama niya doon ang kapatid niyang babae na mas bata. Twelve years old pa lamang ito. Nakatingin ito sa kaniya. Bagaman at kakabakasan ng takot ang mata ng kapatid ni Jannie ay tahimik lang ito.

Kasalukuyan silang nakasiksik at nakatago sa loob ng kaniyang closet sa kwarto niya. Mula sa maliliit na siwang ng pinto ng closet ay nakikita niya ang isang matangkad na lalaki na marahang nagpapalakad-lakad sa kwarto niya.

Mag-isa lang talaga siyang nakatira sa bahay niya. Nandito ang kapatid niya para magbakasyon. Ang mga magulang niya ay nasa probinsiya habang ang dalawang nakakatanda niyang kapatid ay may kaniya-kaniya nang pamilya.

Mabuti na lang at bukas ang telebisyon sa kwarto niya kaya hindi nito marahil naririnig ang pabulong niyang pakikipag-usap sa pulis.

Kanina ay nagising siya sa gitna ng gabi na uhaw na uhaw. Nakatulugan niya ang panonood ng isang series sa Netflix. Katabi niya sa kama ang kaniyang kapatid at tulog na tulog ito. Nagtungo siya sa kusina para uminom at doon ay nakita niya ang lalaki. Nakita rin siya ng lalaki at nang lalapitan siya nito ay tumakbo siya pabalik ng kwarto. Hinablot niya ang cellphone at hinila niya sa closet ang kaniyang kapatid para magtago. Mabilis niyang sinabi dito ang nangyayari.

“Okay, ma’am. Ano pong address ninyo?” tanong ng babaeng pulis na kausap niya.

“Number 21 Camila Subdivision. Please, bilisan ninyo!”

Nanlaki ang mata ni Jannie nang makitang tila papalapit ang lalaki sa kinaroroonan niyang closet. In-end niya ang tawag at mariin na pumikit at nagdasal. Lord, alam kong may pagka-bitchesa ako pero sana naman ay huwag muna ngayon. Ayoko pang mamatay, Lord! Iligtas Mo kami ng kapatid ko! Piping dasal niya habang may mga luhang naglalandas sa magkabilang pisngi.

“Jannie, lumabas ka na. Nasaan ka ba kasi? Gusto lang kitang makilala, Jannie…” Akala mo ay nang-uuto ng bata kung magsalita ang lalaki.

Ang nakakagulat pa ay alam nito ang pangalan niya! Lumipas ang ilang segundo at naramdaman ni Jannie na wala na sa kwarto niya ang lalaki. Wala na ang yabag ng sapatos nito. Binuksan niya ang mata at sumilip sa siwang. Tama nga, wala na doon ang lalaki. Baka lumabas na at hinahanap na siya sa ibang parte ng kaniyang bahay.

Lalabas na ba siya?

Hindi. Kailangan kong hintayin ang mga pulis. Dito lang ako! Ani Jannie sa sarili.

Maya maya ay may narinig na naman siyang yabag ng sapatos at sa pagkakataong iyon ay parang nagmamadali sa paglalakad ang may-ari ng mga yabag na iyon. Ang nakakatakot pa ay sa direksiyon ng closet iyon papunta.

Isang anino ng lalaki ang nakita niya na papalapit sa closet. Halos kumawala na ang puso niya sa kaniyang dibdib sa labis na takot. Mariin niyang ipinikit ang mga mata at kasunod niyon ay ang pagbukas ng pinto ng closet.

“Huwaaag!!!” Naghihisterikal na sigaw ni Jannie.

“Ma’am, pulis po ako! Okay na po kayo!”

Unti-unting iminulat niya ang mata at may nakita siyang lalaki sa harapan niya. Nakalahad ang kamay nito.

“I-iyong lalaki?”

“Nahuli na namin, ma’am. Nasa labas na po siya.”

Tinanggap ni Jannie ang kamay ng pulis at tinulungan siya nitong tumayo at makalabas sa kaniyang pinagtataguan. Nanginginig ang buong katawan niya sa takot. Tinulungan din nila ang kapatid niya na makalabas.

Sumilip sila sa bintana at doon ay may isang lalaking nakaposas habang hawak ng isang pulis. Isinakay ito sa kotse ng mga pulis na dumating.

Sa labis na kasiyahan dahil ligtas na sila ay niyakap ni Jannie ang kaniyang kapatid.

“Okay ka lang ba?” Nag-aalala niyang tanong.

“N-natatakot ako doon sa lalaki, ate. A-ayoko na siyang makita!” takot na takot nitong sagot.

“Ma’am, kailangan niyo pong sumama sa amin sa presinto para makapagsampa ng official complaint sa suspek,” singit ng pulis.

“Sir, baka po kung anong mangyari sa kapatid ko kapag nakita niya 'yong hayop na iyon, e. Nagka-trauma po ang kapatid ko dahil sa kaniya.”

“Kung gusto niyo po ay kayo na lang ang sumama.”

“Mag-isa lang dito ang kapatid ko, sir!”

“Ate, k-kaya ko na naman. Maglo-lock na lang ako ng pinto habang hinihintay ka,” ani ng kapatid ni Jannie.

“Sigurado ka ba?”

Tinanguhan siya ng kaniyang kapatid. Kahit paano ay napatanag ang loob ni Jannie na iwanan sandali ang kapatid niya para sumama sa mga pulis. Ihahatid din daw naman siya pauwi kaya makakauwi siya agad.

Sa presinto ay nakaharap niya ang lalaking nanloob sa bahay niya. Pangisi-ngisi ito at mukhang sabog dahil sa mapupulang mata. Hindi rin makausap nang matino. Kung anu-ano ang sinasagot sa mga tanong ng mga pulis.

Wala man silang nakuhang sagot sa lalaki kung bakit ito pumasok sa loob ng bahay niya at paano nito nalaman ang pangalan niya ay nakapagsampa na naman ng kaso si Jannie. Sisiguraduhin niyang hindi na ito makakalapit sa kaniya lalong-lalo na sa kapatid niya.

Hindi niya inaalis ang mata sa lalaki habang ipinapasok na ito sa kulungan. Galit na galit siya dahil sa takot na ibinigay nito sa kapatid niya kaya hindi siya nakatiis na lapitan ito sa pinagkakakulungan nito.

Nakahawak ang mga kamay ng lalaki sa rehas at nakangisi sa kaniya.

“Mabubulok ka diyang hayop ka! Hindi ka na makakalabas!” gigil na turan ni Jannie.

Mahina itong tumawa at tumingin sa kaliwa’t kanan. “Teka… bakit ako lang ang nahuli?” anito sabay tingin ulit sa kaniya. “Hindi ba nahuli ng mga pulis iyong isa ko pang kasama? Ah… Nakatago kasi siya sa kisame kaya siguro hindi siya nakita.” At nakakaloko itong tumawa ng malakas habang siya ay nanlalamig nang husto ang buong katawan at parang sasabog na ang ulo sa sinabi ng lalaki.







THE END

100 Tales Of HorrorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon