STORY #86: Mama's Love

3.2K 232 29
                                    

DEDICATED TO: DaisyGarciaCaranto (Daisy)

DEDICATED TO: DaisyGarciaCaranto (Daisy)

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.











DALAWANG taon na sa susunod na buwan ang lockdown sa buong Pilipinas dahil sa virus na tinatawag na COVID-19. Virus na marami nang tao ang pinatay. Virus na habang tumatagal ay mas lalong tumitindi.

Sa ngayon ay mahigpit na ipinagbabawal ang lumabas ng walang face mask at face shield. Bawal munang magtrabaho ang karamihan gaya na lang ni Daisy na isang street sweeper. Trabaho na siyang tangi niyang pinagkakakitaan at pinagkukunan ng panggastos para sa lima niyang anak na lahat ay bata pa. Sampung taon ang panganay niya habang isang taon ang bunso na ang dinedede ay maligamgam na tubig na lang dahil sa wala na siyang pera.

Noong mga naunang buwan ay may natatanggap pa silang relief goods at kaunting pera mula sa gobyerno. Ngunit sa paglaon ay wala na. Ang sabi ay wala nang budget ang gobyerno para sa ayuda. Naging kaniya-kaniya na ang lahat. Kaniya-kaniya? Paano ang kagaya nina Daisy na mas mahirap pa sa daga?

Ang kaniyang mister ay namatay dahil sa virus. Namatay itong mag-isa sa lugar kung saan ito nagtatrabaho bilang isang construction worker. Naabutan ito ng lockdown doon at hindi na nakauwi. Hanggang isang araw ay may mga tanod na pumunta sa bahay nila na maliit at sinabi ang sinapit ng kaniyang asawa.

Gumuho ang mundo ni Daisy ng araw na iyon. Ang una niyang naisip ay ang mga anak nila. Paano na kakain ang mga ito?

Ang bahay nila ay matatagpuan malapit sa basurahan. Yari iyon sa pinagtagpi-tagping yero, plywood at sako. Sa loob niyon ay nakatulala lang si Daisy. Nakaupo sa isang sulok habang sabay-sabay na nag-iiyakan ang lima niyang anak dahil sa gutom.

Parang dinudurog ang puso niya sa nakikita. Kung anu-ano na ang tumatakbo sa loob ng kaniyang utak.

Kaya kahit mapanganib ay lumabas ng bahay si Daisy. Naglagay na lang siya ng damit sa bibig at ilong para magsilbing face mask. Kahit nanginginig sa gutom ay tumakbo siya sa malapit na tindahan ngunit nakasarado iyon. Kumatok pa rin siya pero walang nagbubukas. Sinubukan niyang kumatok at manghingi ng pagkain sa ibang bahay pero walang nangahas na magbukas para sa kaniya. Hanggang tatlong mga tanod ang nakakita sa kaniya at sinita niya. Pinauwi siya ng mga ito at tinakot na ikukulong kapag nagmatigas siya.

Labag man sa kalooban ni Daisy ang umuwi ng walang pagkain para sa kaniyang mga anak ay umuwi na siya. Natatakot siyang makulong hindi para sa sarili kundi para sa mga anak. Paano na ang mga ito kapag pati siya ay mawawala?

Sa paglalakad niya pabalik ng bahay ay may naulinigan siyang balita sa telebisyon sa isang bahay. Napakinggan niya na meron na daw nagawang vaccine para sa virus at ipapamahagi iyon ng libre. Bigyan lang daw ng isang linggo ang gobyerno para ihanda ang lahat. Sa susunod na linggo ay sisimulan na daw ang pagturok ng gamot.

Ganoon na lamang ang tuwa ni Daisy. Sa wakas ay matatapos na ang pandemya. Iyon nga lang, maghihintay pa sila ng pitong araw.

Bumalik siya sa bahay at sinabi sa kaniyang limang anak ang magandang balita. Puro ungol ang isinagot ng mga ito na sinundan ng pag-iyak. Nanghihina na ang mga ito dahil sa labis na gutom. Parang masisiraan na ng bait si Daisy sa sabay-sabay na pag-iyak ng kaniyang mga anak. Sa pagkakatanda niya ay dalawang araw na ang nakakalipas simula ng kumain sila. Inilugaw niya ang kakaunting bigas na meron sila at iyon na ang huli. Puro tubig na ang inilalaman nila sa kanilang sikmura pagkatapos niyon.

Nag-isip si Daisy. Pitong araw pa silang magtitiis. Kapag naturukan na siya ay saka lang siya makakabalik sa trabaho at magkakaroon ng pera. Anong gagawin niya para maibsan ang gutom ng mga anak sa loob ng pitong araw?

Tuliro na si Daisy. Mas natutuliro pa siya sa iyakan ng lima niyang anak. Pilit niyang pinapatigil ang mga ito pero hindi siya nagtatagumpay.

Ano ang gagawin niya?

Kailangan niyang mag-isip!

-----ooo-----

MASAYANG pinagmamasdan ni Daisy ang kaniyang mga anak na maganang kumakain ng niluto niyang nilagang karne. Wala iyong sahog. Karneng sinabawan lang. Nilagyan niya iyon ng paminta at asin. Malasa na. Masarap na. Gustong-gusto ng mga anak niya. Ang sabaw ang pinapahigop niya sa kaniyang bunso.

Napansin ng panganay niya na hindi siya kumakain kaya inaya siya nito. Sinabi niyang sapat na ang paghigop ng sabaw niya kanina. Masarap sa pakiramdam na nainitan ang kaniyang sikmura niyon pero wala nang sasarap pa na makitang kumakain ang kaniyang mga anak. Hindi na umiiyak dahil sa gutom.

Kanina ay panay ang iyak ng mga ito pero ngayon ay hindi na dahil sa nakagawa na siya ng paraan para may makain ang mga ito.

Naubos ng mga anak niya ang isang kalderong nilagang karne. Nairaos na rin nila ang isang araw ng tanghalian.

Pagsapit ng dilim ay nagtiis sila na tubig lang ulit. Ngunit kinabukasan ng tanghali ay umiiyak na naman ang mga anak niya. Namimilipit sa gutom. Ngumangawa na gusto ng pagkain.

Naiiyak si Daisy. Pumunta siya sa kanilang lutuan at kinuha ang kutsilyo. Inililis niya pataas ang suot na palda. May benda sa hita niya. Inalis niya iyon at lumantad ang malaking uka sa parteng iyon ng kaniyang katawan.

Kumuha siya ng kawayan na panggatong at kinagat iyon. Pikit-mata siyang humiwa ng malaking laman sa kaniyang hita. Impit ang pagsigaw niya sa takot na makita siya ng kaniyang mga anak.

Kaunting araw na lang. Kaunting tiis na lang. Matatapos na rin ang pandemya…

“Mama, gutom na kami!” Umiiyak na sigaw ng pangalawa ni Daisy.

“S-sandali lamang, anak. Magluluto na si mama… ng d-dinuguan!” aniya habang sinasahod niya sa kaldero ang maraming dugo na lumalabas sa malaking sugat niya sa hita.






THE END

100 Tales Of HorrorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon