"Never give up or you are a big-time jabroni."
--The Iron Sheik
***
Sunday, July 23, 2051
06:36 am
"Ma!" tawag ni Air kay Misis A habang papalapit siya sa pinto ng kanilang bahay. Kararating niya lang galing sa pagja-jogging. Bakas sa kanya ang pagkadismaya habang kinukuskos niya ang sapatos sa gilid ng kanal. "Ma, pengeng tubig sa tabo!"
Bumukas naman ang panara ng pinto kasabay ang pagsilip ni Misis A. "Ang aga-aga, Erwin Amonte, napakalakas ng boses mo. Para kang kumakandidato." Puna ni Misis A.
Madalas kasing mang-good-time si Air. Paraan niya ito ng paglalambing. Ganoon siya magparamdam sa iba at nakukuhang mag-alis ng stress sa buhay. Hindi na bago kay Misis A ang ganitong mga eksena.
"Anong gagawin mo sa isang tabong tubig?"
"Natapakan ko 'yong isang tumpok na sama ng loob ng aso sa labas," reklamo ni Air.
Nagmadali namang kumuha ng tubig na panghugas si Misis A.
Mabilis niya itong inabot at ibinuhos sa ilalim ng kanyang sapatos. Hindi naging sapat ang isang tabong tubig kaya para maalis ang dumi ng aso, binitbit niya ito paloob upang dalhin sa likod-bahay.
Binuksan niya ang gripo at hinayaang tumulo ang tubig ng tuluy-tuloy habang kinukuskos niya ang swelas nito ng lumang sipilyo.
"Ma. Yumayakap ang amoy. Hindi kinaya ng patubig-tubig lang. Kakabili ko pa naman." Iniwan niya muna ang sapatos sa gilid ng hugasan para balikan mamaya.
"Oh, s'ya. Naghanda na ako ng almuhan. Maghugas kang mabuti baka may sumalising kaunti sa kamay mo."
"Anong almuhan, Ma?" pagtataka ni Air.
"Almusal at agahan!" Sagot ni Misis A.
"Ma, joke 'yon?" Sabay tawa ni Air.
Madalas ganito ang eksena nila tuwing umaga. Magluluto si Misis A ng almusal habang iniintay si Air na dumating. Sa sala naman ay matatagpuang tutok sa panonood ng balita si Mister A kasama ang isang tasang kape na nakapatong sa babasaging lamesita.
Sa kabilang banda, magigising naman si Genevie na magsusumiksik ng buong husay kay Misis A. Yayakapin niya si Misis A sa likod habang abala ito sa pagluluto. At si Lego, ang huling babangon sa kanila na kailangan pang katukin para lumabas. Parte daw ng pagbibinata.
"Ma. May program kami sa Monday. Hulaan mo kung ano."
"Feeding program? Ano ba'ng petsa sa lunes?" mabilis niyang sagot habang iniisip kung ano bang meron sa lunes. Natawa naman si Air sa sagot ng ina.
Dumirecho siya sa sala para yayaing kumain si Mister A na kasalukuyang humihigop ng kape. Seryoso ito sa panonood. Matic na kapag linggo, araw niya 'yon.
"Pa. Nanonood ka na naman ng kori-korean?" puna ni Air.
Binaba ni Mr. Amonte ang tasa sa platitong patungan nito saka siya tumingin kay Air. Bumalik siya sa panonood pagkawari.
BINABASA MO ANG
CALENDAR ECLIPSE
Ciencia FicciónDos mil cincuenta y uno. Alam ng marami ang LUNAR AT SOLAR ECLIPSES at kung paano ito nangyayari. Subalit hindi nalalaman ng lahat ang CALENDAR ECLIPSE, pangatlong ECLIPSE. Panahong nakatala para magsapawan ang dalawang panahon sa isa't isa. At ngay...