(Chapter 8)
"B-bakit.. Bakit ikaw pa?" hindi ako makapaniwala. Halos manghina ang mga paa ko at para bang anytime, babagsak ako sa lupa. Hindi ko magawang itaas at itapat sa kaniya ang hawak kong rebolber. Hindi ko kaya.. "B-bakit ka nag sinungaling.." napatingin ako sa isang tulisan na pasan ang kaniyang kasamahan para maitakas ito sa bilangguan. Wala akong magawa. Ang lalaking 'yon ang nag poprotekta sa kanila para hindi ito maabutan ng mga guwardiya sibil na humahabol dito. Sa unang pagkakataon.. Ipinikit ko ang aking mga mata, ikinuyom ang aking mga palad, at tinakpan ang aking tenga. Kailangan kong unahin ang kaligtasan niya..
Tinalikuran ko siya at papasok na sana sa loob ng kwartel para kamustahin si Agustin pero agad ko siyang nakita na papalapit sa kinaroroonan ko. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang isang tulisan na babarilin si Agustin. "Sa likod mo!" sigaw ko. Lumingon si Agustin pero bago pa niya ito mabaril, inunahan ko na siya. "Dalhin sa loob ng bilangguan ang tulisan na iyan at bantayan siyang mabuti." saad ni Agustin sa dalawang guwardiya sibil. Yumuko ang mga ito at sinunod ang utos ng heneral.
"Natagpuan mo ba kung sino ang inatasan nila sa itaas?" natigilan ako sa tanong niya. Paano ko sasabihin sa kaniya na hinayaan kong makatakas ang iba pang tulisan? Paano ko sasabihin sa kaniya na hindi ko nagawang pigilan ang mga ito? Lumapit sa akin si Agustin na bakas sa kaniyang mukha ang matinding pag-aalala. "Mayroon bang masakit sa iyo?" tanong niya. Umiling ako. Kung meron mang masakit sa akin, 'yon ay ang puso ko dahil hindi ko matanggap na nag sinungaling siya sa amin.
"P-paumanhin.. H-hindi ko nahuli ang taong pumapana kanina.." sambit ko habang nakayuko. Hindi ko gustong mag sinungaling pero gusto ko munang malaman kung ano ang dahilan niya para sumali sa tulisan. Nagkalat ang mga guwardiya sibil sa buong paligid. Hinahanap nila ang ibang mga tulisan na nakatakas.
Lumapit naman ang isang guwardiya sibil. Nag aalangan pa siyang magsalita dahil nandito ako pero pinagsalita na siya ni Agustin. "Heneral, mayroon pong nakakita sa taong pumapana kanina." sambit ng guwardiya sibil na ikinalaki ng mga mata ko. Humarap sa akin si Agustin at nagsalita. "Maaari mo bang iguhit ang taong iyon?" tanong niya. Hindi ako makapagsalita. Paniguradong mahuhuli siya kapag ginuhit ko ang mukha niya.
Pero mas mahuhuli siya kung iba ang gagawa nito. Tumango ako kay Agustin. "Nasaan ang testigo?" tanong ko. Sumonod kami ni Agustin sa guwardiya sibil papunta sa isang silid at doon namin nakita ang isang matandang lalaki. Nanginginig ito dahil sa matinding takot habang hawak ang kaniyang sumbrero. "Maaari mo bang isalaysay sa amin ang itsura ng iyong nakita?" panimula ni Agustin. May naatasan na isulat ang bawat salitang sinasabi ng matanda. "M-may katangkaran ang binatilyong iyon. Kayumanggi ang kulay ng kaniyang balat, matangos ang kaniyang ilong.." napapikit na lang ako habang nakikinig sa sinasabi ng matandang lalaki dahil batid ko na si Lucas nga ang nakita niya. Patuloy sa pagsulat ang isa sa mga guwardiya sibil habang pinapakinggan ang sinasabi ng matanda habang ako, tulala.
Hindi ko alam ang gagawin ko. Kailangan kong makausap agad si Lucas. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap na nagsinungaling siya sa akin noong gabi na tinanong ko siya kung isa ba siya sa mga tulisan. "Solasta?" napatingin ako kay Agustin na inaabot na pala sa akin ang papel. Binasa ko iyon, ito na ang salaysay ng matandang lalaki na nakakita kay Lucas. Kinuha ko ang papel sa kamay niya. "Ako na ang bahala rito. Ibibigay ko sa iyo bukas ng umaga sa oras na matapos ko na iguhit ito." sambit ko. Tumango naman siya sa akin.
Wala ako sa wisyo ngayon dahil hindi mawala sa isip ko si Lucas. Kailangan ko na siyang puntahan. "Aalis na ako." sambit ko. Hindi ko na hinintay pa ang sagot ni Agustin. Mabilis akong umalis sa kwartel at nagtungo sa lugar kung saan ko matatagpuan si Lucas.
BINABASA MO ANG
SOLASTA
Historical FictionPilit na hinahanap ni Joyce ang daan pabalik sa kaniyang panahon upang maipagpatuloy ang naiwan niyang buhay sa kasalukuyan ngunit hindi niya ito matagpuan. Gumugulo sa kaniyang isipan ang mga tanong kung bakit siya napunta sa taong 1892 at ano ang...