CHAPTER 1

874 25 6
                                    

-*-

JOHN KEIROH'S POV

"Oh, katchupoy, siguraduhin mong magpapakabait ka kay inay, ah?" Ginulo ko ang buhok ng kapatid kong nakatingala sa akin habang mahigpit na nakahawak sa laylayan ng damit ko. "Huwag makulit." Umupo ako sa harap niya upang magpantay kami.

"Babalik ka naman agad, 'no, kuya?" Parang may kung anong mainit na likido ang bumalot sa aking puso nang masalo ko ang nanunubig na mga mata ni Ciro. "Bilihan mo ako ng sisiw na may kulay, ah? G-gusto ko iba't iba ng kulay, kuya."

Napaiwas na lang ako ng tingin at napatitig sa kawalan. Pasimple kong kinagat ang aking labi, pinipigilan ang pagtakas ng mga sarili kong luha.

"O-oo, ibibili ka ni kuya." Nginisian ko siya. "Pero dapat hindi ka r'yan kakatchu-katchupoy sa inay, naku!"

Pinilit kong pasayahin ang aking tono... pero hindi ko pa rin maalis ang bigat sa dibdib ko. Hindi ako sanay nang ganito. Hindi ako sanay na... malayo sa kanila, hindi ako sanay na malayo sa apat na taon kong kapatid. Kahit mukha 'yang katchupoy, mahal na mahal ko 'yan!

Ayaw na ayaw niyang tinatawag siyang katchupoy... palagi niya akong sinasapak kapag tinatawag ko siyang ganoon... pero kanina, hindi ko rin maintindihan kung bakit hindi niya 'yon pinansin.

Imbis na magalit siya sa akin... imbis na batuhin niya ako ng kung anong madadampot niya... imbis na asarin niya ako pabalik... tanging pag-uunahan lang ng mga luha niya ang itinugon niya sa akin.

Inayos ko ang aking posisyon sa upuan ng bus at bahagyang itiningala ang aking ulo kasabay ng ramdam kong pag-iinit ng sulok ng aking mga mata.

Tanging isang halik lang sa noo niya ang nagawa kong pamamaalam. Napakahirap... napakahirap marinig ang malakas niyang pag-atungal habang naglalakad ako palayo sa bahay namin.

Isang beses na kaming iniwan... at hindi ko kayang iparamdam sa kapatid ko ang sakit na ipinaramdam sa amin ng ama namin.

Pinilit ko noong hindi lumingon... hindi ko kayang panoorin ang pagwawala ng kapatid ko na gustong-gusto na sumama sa akin. Hindi ko kayang makita kung gaano siya kamiserable habang pinipigilan siya ni inay na humabol sa akin.

Kahit palagi ko 'yong binabatukan kapag tatamad-tamad, mahal na mahal ko 'yon. Kahit palagi ko 'yong pinapaiyak kapag trip ko, hindi ko kayang malayo sa kaniya... hindi ko kayang malayo sa kanila.

Kanina ko pa pinipilit na maniwalang kaya ko... pero niloloko ko lang ang sarili ko. Hindi ko kaya, e. Babalik pa naman ako... babalik ako, pero ang bigat pa rin.

Mami-miss ko 'yong katchupoy na 'yon. Pasensya ka na, kailangan kumayod ni kuya. Ang mamahal ng mga gamot ni inay, e. Maraming oportunidad roon sa Maynila... tinawagan na ako ng company kong in-apply-an, bukas na raw ang orientation. Nakakakaba, pero palakasan na lang siguro 'to ng loob.

Pagbaba ko ng bus, hindi mabilang na pagbusina ng mga sasakyan ang sumalubong sa akin. Napakaraming tao sa terminal, amoy ko pa ang nakakasukang amoy ng gas na humalo na sa amoy ng mga paninda ng mga tindera sa gilid.

Mas hinigpitan ko ang hawak sa malaki kong bag at naglakad nang walang direksyon. Kung ano-ano at kung sino-sino ang nakakasalubong at nakikita ko, pero pakiramdam ko nasa gitna ako ng kawalan. Mag-isa lang ako.

"Tss... kaya ko 'to," anas ko sa sarili ko.

Papalubog na ang araw... at hindi ko alam kung saan ako matutulog! Tang-inavels, wala pa naman akong kakilala.

"Ate, magkano ang isang order dito sa sinigang na baboy?" tanong ko sa tindera ng karinderya kong nakita.

"Bente-singko, 'toy." Nginitian niya ako habang ipunupunas ang parehong kamay sa suot niyang apron.

Heart 3: Swollen HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon