SUNDAY
JULY 13, 2015
PHILIPPINE GENERAL HOSPITAL
"Bakit kulay mais ang buhok mo?" tanong niya. Hinaplos ng mga maliliit niyang daliri ang maikli kong buhok. Nakatingala siya at nagniningning ang mga mata. Namumutok ang pisngi sa taba at mamula-mula.Sino ba 'to? Saan ba siya napulot ni mommy?
"Ewan ko. Pinanganak akong ganito e. Dami mong tanong, ikaw nga bungi pero 'di ko pinakialaman!" sagot ko. Inagaw ko ang buhok ko sa kamay niya.
Sumama ang tingin niya at binato ako ng lollipop na subo niya. Tumama iyon sa mata ko. Nalaglag iyon at dumikit sa buhok ko. Nagdikit ang mga kilay ko sa inis.
"Kadiri ka!" Malakas kong hinila ang buhok niya. Napayuko siya at tumulo pa ang laway sa kamay ko. "Epal ka! Bungi!" sigaw ko.
Napahawak siya sa anit at nalukot ang mukha. Maya-maya ay umatungal siya nang malakas.
Bumukas ang pinto at bumungad ang isa ring bungal na bata. Tumatalbog-talbog iyon at may dalang saging. Naka-jumper pa at medyas na mataas.
"Alamid!" masayang bati ko. Agad ko siyang nilapitan at hinila papunta sa kama ng mommy ko. "H'wag kang maingay! Magigising si mommy, pagagalitan niya tayo," babala ko.
"Hala? Bakit siya nand'yan? May sakit ba si mommy mo?" takang tanong niya. Umiling ako.
"Healthy s'ya kaya! Nahimatay raw siya sabi ng doktor at alam mo ba?" Humagikhik ako at lumapit sa tainga niya.
"Sabi ni nurse kanina, may baby raw sa t'yan ng mommy ko!" Pumalakpak ako at tuwang-tuwang sinapo ang pisngi ko. Si Alamid naman ay todo rin ang ngiti at masayang-masaya.
Siguradong magkakasundo kami!
"Sino 'yan? Bakit bungi ka rin kagaya ko po?" sabat ng batang matabang kanina'y umiiyak. Napatingin kami sa kaniya.
"Ako si Alamid! Ikaw sino ka? Gusto mo ng saging?" Iniabot niya ang saging na hawak rito. Malugod na tinanggap iyon ng bata at nilantakan. Hindi na niya nagawang sumagot.
Napakatakaw niya!
"Ara? Bakit kayo maingay? Kayo talaga. It's getting late already." Napalingon kami kay mommy nang magising iyon.
Hindi mag-isa ang mommy ko sa kwartong ito, siguro'y mga anim sila. Sabi niya kasi, public hospital daw ito. Bakit kami andito e mayaman kaya ang daddy ko!
Binatukan ko nang malakas si Alamid. "Nagising tuloy si mommy ko!" singhal ko rito. Nalukot ang mukha niya at parang maiiyak na.
"Ara? Anong sabi ko sa'yo?" nangangaral na sabi ni mommy.
Ngumuso ako. "Don't hit other kids po," nanunulis ang bibig kong sabi. Nginitian niya ako.
"Very good. H'wag nang uulit ha? Dito na kayong tatlo," pinagpag niya ang tabi niya.
Excited kaming tatlong humiga sa tabi niya. Agad akong sumiksik sa kili-kili niya. Si Alamid ay yumakap pa sa akin habang 'yong batang bungi ay sumiksik sa leeg ni mommy.
Napakabango ng mommy ko!
"I'll sing you a song," sabi niya saka hinaplos ang buhok naming tatlo. "Sleep na ha?" Nagsimula siyang kumanta sa mahinang boses.
"Just close your eyes,
the sun is going down
You'll be alright..."Nang manaig ang malamig na boses niya sa kwartong iyon, napagtanto kong iyon na ata ang pinakapayapang oras sa mundo ko.
BINABASA MO ANG
The Chaotic Damsel
Teen Fiction"Sa dami ng kalamidad na sumubok sa buhay ko, ikaw lang ang itinuring kong delubyo." Inihayag ako sa publiko hindi gaya ng iba na pilit pinapabango ang mga prominente nilang apelyido. Namuhay ng malayo sa buhay na dapat tinatamasa ng sino man s...