Asan na nga ba ako?
Tula ni: bibilicousBuong pagilid ay puno ng kadiliman,
Hindi ko na alam ang patutunguhan,
Daang puno ng dilim saan ang hangganan?
Bakit hindi makita kung nasaan?Ako'y napahinto dahil sa panghihina,
Ang aking lakas ay unti unting nawawala,
Sapagkat naglaho ang hawak kong pag asa,
Isang bagay na aking nais muli madama.Hindi ko na alam ang dahilan ng paglaban,
Bawat bagay tila aking nakakalimutan,
Mga nangyayari ay hindi na maintindihan,
Wala akong magawa kundi ito'y iyakan.Wala naman ako sa bilangguan,
Bakit hindi makaalis sa kinatatayuan?
Hindi naman nakadikit sa sahig aking talampakan,
Bakit hindi ko magawang humakbang?Bawat pagsinag ng araw sa kalangitan,
Sinusubukang gumising sa katotohanan,
Ngunit bakit aking sarili ayaw pakinggan?
Nabingi na nga ba ako sa kasinungalingan?Sobrang lalim ba ng aking pinagbagsakan,
Kaya't hindi ko na magawang bumangon?
Nasa dulo na nga ba ako ng balon,
Kung saan hindi na ako makakaahon?Ama, tulungan po ninyo ako,
Samahan niyo po ako hanggang dulo,
Sapagkat mag isa lamang ako sa labang ito,
At sa labang ito, kayo lamang ang kailangan ko.