Kahel sa Puno ng Mangga
Araw ng lunes, sobra ang ingay na nagmumula sa labas ng kanilang bahay nang magising si Maria sa papag na hinihigaan niya. Nilibot niya ang paningin sa kabuuan ng kwartong inuupahan nila ng kaniyang Ate. Madilim rito at umaalingasaw ang amoy ng baboy na kinakatay sa kalapit na bahay para ipagbenta.
Nag-iisa na siya. Marahil ay pumanhik na ang nakatatanda niyang kapatid para pumasok sa trabaho. Kinapa niya ang ilalim ng kaniyang unan para kunin ang cellphone at tingnan ang oras. Alas diyes na ng umaga.
Dali dali siyang bumangon at ginawa ang kaniyang gawain tuwing umaga. Nang makuntento ay lumabas ng kwarto at pumunta sa isa pang nakatatandang kapatid na babae.
Paglabas ng pinto ay naging malinaw sa kaniyang pandinig ang musikang pinatutugtog ng kapitbahay. Pang-Paskong awitin. Bisperas nga pala ng Pasko.
Sa daan palabas ng kanilang kwarto ay madadaanan niya ang isang grupo ng kababaihang umaawit sa isang bidyoke. Hindi mawawala ang ganitong pagdiriwang sa mga okasyong kagaya ng Pasko. Tahimik siyang naglalakad ng tawagin siya ng isa rito.
"Be, nandiyan ang Ate mo?" Tanong nito. Abot hanggang tainga ang ngiti nito.
"Wala, eh. Pumasok." Pagtatapos niya sa usapan ngunit hindi siya nito nilubayan.
"Ah, sige. Pag uwi, sabihin mo inom kami, ah! Sabihin mo, saka na 'yong utang ko sa inaanak ko, ha!" Pahabol pa nito.
Tango na lamang ang isinagot niya rito. Dumeretso siya sa kabilang kanto kung saan nakatira ang isa niya pang Ate. Ngunit ang naabutan niya ay ang kaniyang nakababatang kapatid.
"Nasaan si Ate?" Tanong ni Maria.
"Pumasok na." Sagot nito na nakatutok sa telebisyon.
Kumain na lamang siya ng agahan at bumalik muli sa kwartong pinanggalingan. Matapos magpahinga ng sandali ay naghanda para sa paglalaba.
Pinaghiwalay ang puti sa de-kolor at hinanda ang tubig na siyang gagamitin niya. Kusot dito, kusot doon. Mahigit apat na oras ang kaniyang ginugol sa paglalaba ng damit nila ng Ate niya. Matapos iligpit ang pinaggamitan ay pumasok siya sa madilim nilang kwarto, nahiga at nagpahinga.
Sa pagkaburyong ay kinuha ang isang pocket book na hiniram pa niya sa kaklase bago magbakasyon at saka nagbasa. Bagama't maingay ay nagawa niyang makatulog dahil sa pagod sa paglalaba.
Nang magising siya ay madilim na. Rinig ang mga paputok at tawanan ng mga bata. Mayroon ding kantahan at mga kabataang humihingi ng aguinaldo sa kani-kanilang ninong at ninang.
Inayos ni Maria ang kaniyang sarili at nagtungo sa kabilang kanto, sa kaniyang Ate. Sumabay siyang maghapunan sa mga ito. Hindi nagawang magtanghalian ni Maria dahil sa pagod kanina kung kaya't gutom na gutom siya.
"Nasaan ka kanina?" Tanong ng Ate niya.
"Sa bahay. Natulog lang ako pagtapos maglaba." Sagot niya at pinagpatuloy ang pagkain.
Matapos maghapunan ay naglakad nang muli si Maria palabas ng tahanan ng Ate niya. Habang naglalakad ay halos marindi siya sa lakas ng boses ng kumakanta sa bidyoke. Sumasabay pa ang mga batang nagkakatuwaang magpaputok ng kwitis at piccolo.
Sa paglalakad ay napansin ang buwan na siyang tila nangungusap sa kaniya sa gitna ng madilim na langit sanhi ng kawalan ng ulap. Napangiti siya sa buwan.
'Ngayong nag-iisa ako, ikaw na naman ang kasama ko, Buwan.' Wika niya sa kaniyang isipan.
Agad niyang pinalis ang kaniyang luha na mabilis na nangilid sa kaniyang mga mata. Muling ngumiti sa buwan na tila ba lalapit ito at yayakapin siya.
Bawat bahay na kaniyang madaanan ay may palamuting taglay. Bawat bahay ay may parol at ilaw na iba't iba ang kulay. Malinaw rin sa kaniyang pandinig ang pagbati ng mga ito sa kani-kanilang pamilya at mahal sa buhay.
Hindi niya maiwasan ang ngumiti ng pilit sa mga taong kaniyang nakakasalubong dahil na rin sa ngiting iginagawad sa kaniya ng mga ito. May tama na ang mga manginginom at namamaos na rin ang mga kumakanta ngunit mababasa sa kanilang mga mata ang saya dala ng okasyon sa araw na ito.
Nang makabalik sa tinutuluyan ay naligo lamang siya at nagsipilyo. Humanda na siya sa pagtulog at kumuha ng libro. Hinihintay ang pagtakbo ng oras at padalaw ng antok niya. Kinuha niya ang kaniyang cellphone at sinilip ang oras.
Alas onse y'media na ng gabi. Di nakapagtatakang rinig na rinig na ang batian at kabi-kabila ang tunog ng iba't ibang paputok. Nagpatuloy siya sa pagbabasa. Ilang minuto pa ay nagsimulang umingay ang mga tao. Rinig na rinig iyon ni Maria kahit sa loob ng kwarto. Ibinaba niya ang libro at inayos ang pagkakaayos ng kumot.
"5,4,3,2,1," pagbilang ng mga tao.
"Maligayang Pasko!" Bati pa ng mga ito.Ipinikit ni Maria ang kaniyang mga mata at gaya ng iba ay bumati siya.
"Maligayang Pasko." Bulong niya kasabay ng isang patak ng luhang nagmula sa kaniyang mga mata kasabay ng pakiramdam sa katotohanang siya'y nagiisa.